Hindi Na Alipin ng Inuming De-alkohol
Hindi Na Alipin ng Inuming De-alkohol
Ang katamtamang pag-inom ay maaaring makapagpagana sa pagkain o makadagdag sa kasiyahan ng isang okasyon. Gayunman, para sa ilan, ang pag-inom ay humahantong sa malulubhang problema. Basahin ang kuwento ng isang lalaki na nakalaya sa pagkaalipin sa inuming de-alkohol.
MAGING sa ngayon, nasasaktan pa rin ako kapag ikinukuwento ko ang tensiyong bumalot sa aming tahanan. Mag-iinuman sina Itay at Inay. Pagkatapos ay bubugbugin ni Itay si Inay. Kadalasan, ako ang napag-iinitan niya at pinagbubuhatan ng kamay. Apat na taóng gulang lamang ako nang ipasiya nilang maghiwalay. Natatandaan ko pa nang ihatid ako sa bahay ni Lola para doon na tumira.
Pakiramdam ko’y walang nagmamahal sa akin. Noong pitong taóng gulang ako, palihim akong nananaog sa silong para uminom ng alak dahil waring nababawasan nito ang kalungkutan ko. Noong 12 anyos ako, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang aking ina at lola dahil sa akin. Galit na galit si Inay kaya binato niya ako ng tinidor na panghakot ng dayami. Buti na lamang at nakailag ako! Hindi lamang minsang nanganib ang buhay ko. Gayunman, ang mga pilat sa katawan ko ay hindi kasinlalim ng matinding pilat sa aking damdamin.
Sa edad na 14, palagi na akong umiinom. At pagtuntong ko nang 17, lumayas ako ng bahay. Kapag nakakainom, pakiramdam ko’y malaya ako. Naging basagulero ako at nagpapasimula ng gulo sa mga restawran sa aming lugar. Pag-inom ang tanging kasiyahan ko sa buhay. Sa isang araw lamang, umiinom ako nang hanggang limang litro ng alak at ilang bote ng serbesa at matatapang na inumin.
Nang mag-asawa ako, naging sakit ng ulo ako ng aking kabiyak dahil sa pag-inom ko. Tumindi ang samaan ng loob at hinanakit namin sa isa’t isa, at sinasaktan ko siya at ang aming mga anak, na walang ipinagkaiba sa kinalakhan kong pamilya. Halos lahat ng kinita ko sa trabaho ay nauubos sa alak. Wala kaming muwebles, kaya sa sahig kami natutulog ng asawa ko. Walang patutunguhan ang buhay ko at wala rin akong ginagawa para bumuti ang aming situwasyon.
Isang araw, may nakausap akong Saksi ni Jehova. Tinanong ko siya kung bakit napakaraming pagdurusa, at ipinakita sa akin ng Saksi mula sa Bibliya ang pangako ng Diyos na isang daigdig na wala nang problema. Iyon ang nakakumbinsi sa akin na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Malaki ang ipinagbago ng aming pamilya mula nang sundin ko ang mga turo ng Bibliya at nang bawasan ko ang pag-inom. Pero alam ko na kailangan kong mapagtagumpayan ang aking problema sa
pag-inom kung gusto kong tanggapin ng Diyos na Jehova ang aking paglilingkod sa kaniya. Pagkatapos ng tatlong-buwang pakikipagpunyagi, naihinto ko ang pag-inom. Makalipas ang anim na buwan, inialay ko ang aking buhay sa Diyos at sinagisagan ito ng bautismo.Nang huminto na ako sa pag-inom, nabayaran ko ang aking mga utang. Nang maglaon, bumili ako ng bahay at kotse, na ginagamit namin sa pagdalo sa Kristiyanong mga pulong at pangangaral sa bahay-bahay. Sa wakas, nagkaroon ako ng paggalang sa aking sarili.
Kung minsan sa mga salu-salo, inaalok akong uminom. Hindi alam ng marami kung gaano kahirap ang aking pagpupunyagi at na sa isang tagay lamang ng alak ay maaari akong masadlak sa dati kong buhay. Naroon pa rin ang pagnanais kong uminom. Kailangan kong manalangin nang marubdob at determinadong tumanggi. Kapag nauuhaw ako, binubusog ko ang sarili ko ng mga inuming walang halong alkohol. Sampung taon na akong hindi umiinom ng kahit kaunting alak.
Magagawa ni Jehova ang hindi kayang gawin ng tao. Sa tulong niya, tinatamasa ko ngayon ang kalayaan na inakala kong imposible! Dama ko pa rin ang sakit ng damdamin na naranasan ko noong bata ako, at hanggang ngayon ay nakikipagpunyagi pa rin ako sa negatibong mga kaisipan. Sa kabila nito, masaya ako dahil sa pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos, sa pagiging kabilang sa kongregasyon na binubuo ng tunay na mga kaibigan, at sa pagkakaroon ng maligayang pamilya na mga kapananampalataya ko rin. Ang aking kabiyak at mga anak ay buong-pusong sumusuporta sa akin sa pakikipaglaban ko sa inuming de-alkohol. Ganito ang sabi ng aking asawa: “Miserable ang buhay ko noon. Ngayon, laking pasasalamat ko kay Jehova na maligaya na ang aking buhay kasama ng aking asawa at dalawang anak.”—Ipinadala.
[Blurb sa pahina 21]
Sa edad na 14, palagi na akong umiinom
[Blurb sa pahina 22]
Magagawa ni Jehova ang hindi kayang gawin ng tao
[Kahon/Mga larawan sa pahina 22]
ANG BIBLIYA AT ANG ALAK
◼ Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom. Ang “alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal” ay inilalarawan nito bilang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. (Awit 104:14, 15) Tinutukoy rin ng Bibliya ang punong ubas bilang sagisag ng kasaganaan at katiwasayan. (Mikas 4:4) Sa katunayan, ang unang himala na ginawa ni Jesu-Kristo ay ang gawing alak ang tubig sa isang piging ng kasalan. (Juan 2:7-9) At nang mabalitaan ni apostol Pablo ang “malimit na pagkakasakit” ni Timoteo, inirekomenda niya na uminom siya ng “kaunting alak.”—1 Timoteo 5:23.
◼ Ang labis na pag-inom ng alak ang ipinagbabawal ng Bibliya:
Ang “mga lasenggo . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9-11, “Biblia ng Sambayanang Pilipino.”
“Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan.”—Efeso 5:18.
“Sino ang may kaabahan? Sino ang di-mapalagay? Sino ang may mga pakikipagtalo? Sino ang may pagkabahala? Sino ang may mga sugat nang walang dahilan? Sino ang may kalabuan ang mga mata? Yaong mga nagbababad sa alak, yaong mga pumapasok upang maghanap ng hinaluang alak. Huwag kang tumingin sa alak kapag ito ay kulay pula, kapag ito ay kumikislap sa kopa, kapag ito ay humahagod nang suwabe. Sa huli ay kumakagat itong tulad ng serpiyente, at naglalabas ito ng lason tulad ng ulupong. Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga bagay na kakatwa, at ang iyong puso ay magsasalita ng tiwaling mga bagay.”—Kawikaan 23:29-33.
Gaya ng ipinakikita sa artikulong ito, ang ilan na nagkaroon ng problema sa pag-inom ay may-katalinuhang nagpasiya na huwag nang uminom kailanman.—Mateo 5:29.