Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Ang kuryenteng nagagamit kapag iniwang naka-standby mode ang mga kagamitan ang dahilan ng karagdagang mga 5 porsiyento ng bayarin sa kuryente ng ordinaryong pamilya sa Canada.—NATIONAL POST, CANADA.
◼ Ipinakikita sa resulta ng isang surbey na naniniwala ang mga Ruso na kasama sa pinakamahahalagang isyu na dapat lutasin ng pamahalaan ang paglaban sa “katiwalian” at “pagkontrol sa tumataas na presyo ng mga bilihin.”—PRAVDA, RUSSIA.
◼ Ayon sa isang surbey, mga 26.4 porsiyento ng mga mag-aaral na nasa ikalima at ikaanim na grado sa Taiwan ang “nakaisip nang magpakamatay.”—THE CHINA POST, TAIWAN.
◼ “Bagaman nakatulong ang teknolohiya para mabawasan nang 38% ang aberids na oras ng trabaho kada linggo sa Estados Unidos sa loob ng isang siglo, hindi pa rin nadagdagan ang panahon ng mga manggagawa para sa paglilibang dahil sa mas matagal na paglalakbay, mas maraming nag-aaral na adulto at dagdag na gawaing bahay.”—FORBES, ESTADOS UNIDOS.
◼ Sa pagitan ng taóng 2003 at 2004, ang nailalabas na gas na nagpapainit sa atmospera ay tumaas nang 1.6 porsiyento sa industriyalisadong mga bansa, anupat ito ang “pinakamataas na antas sa loob ng mahigit isang dekada.”—REUTERS, OSLO, NORWAY.
Krisis sa Tubig sa Tsina
Apektado ang Tsina ng “polusyon sa tubig at kakapusan ng malinis na tubig.” Karamihan sa mga lunsod ay may mga pasilidad kung saan pinoproseso ang maruming tubig para luminis, subalit marami ang walang sapat na pondo para paganahin ang mga ito. “Ang karamihan sa mga ilog, lawa, at mga kanal ng bansa ay narumhan ng itinatapong dumi mula sa mga pabrika at mga bahay na hindi naman dumaan sa proseso ng paglilinis, gayundin ng tubig na nahaluan ng pestisidyo mula sa mga bukid,” ang ulat ng The Wall Street Journal. Karagdagan pa, “humigit-kumulang 300 milyon katao ang walang makuhang malinis na tubig na maiinom.” “Nakadidismaya” ang situwasyon, ang sabi ng Journal, at palala ito nang palala.
“Mga Saksi ni Jehova Kayo?”
Noong nakaraang taon, sa baybayin ng Isla ng Elba sa Italya, ang mga turista ay nilapitan ng mga kabataang Katoliko na sumunod sa payo ng obispo ng diyosesis ng Massa Marittima-Piombino. Sinabihan sila ng obispo na kung nais nilang maging Kristiyano at manatiling Kristiyano, kailangan nilang ihayag ang kanilang pananampalataya. Ikinagulat ito ng mga turista. Ayon sa pahayagang Il Tempo, ang karaniwang tugon sa mga kabataan ay, “Mga Saksi ni Jehova kayo?”
Koneksiyon ng Musika at Seksuwal na mga Gawain
Ang mga tin-edyer na nakikinig sa musikang may “malalaswang” liriko ay mas malamang na “makipagtalik sa mas maagang edad kaysa sa mga kabataang iba ang hilig na musika,” ang sabi ng isang surbey na iniulat ng Associated Press. Sinabi ng ulat na “ang mga awit na naglalarawan sa mga lalaki bilang ‘handalapak sa sekso,’ sa mga babae bilang pamukaw sa sekso at lantarang tumutukoy sa pagtatalik ay mas malamang na magpaningas ng pagnanasa sa sekso sa murang edad kaysa sa mga awit na hindi lantarang tumutukoy sa sekso at nagpapahiwatig ng panghabang-buhay na mga ugnayan.” Sinabi nito na ang mga “magulang, guro at mga tin-edyer mismo ay kailangang lalong maging palaisip at mapamili pagdating sa mga mensaheng itinatawid ng mga liriko.”
Maaksayang mga Tao
Ayon sa ulat ng The Australia Institute, isang organisasyon sa pananaliksik, ang mga Australiano ay nagtapon noong 2004 ng mga pagkaing nagkakahalaga ng 5.3 bilyong dolyar ($4.1 bilyon, U.S.). Mahigit 13 beses ang laki nito kaysa sa iniabuloy ng mga Australiano sa ibang bansa noong 2003. Ang kabuuang halaga na sinasayang ng mga Australiano sa mga produkto at serbisyo na hindi halos nagamit o hindi man lamang napakinabangan ay umaabot nang mahigit $10.5 bilyon ($8.1 bilyon, U.S.) taun-taon—mas malaki pa sa pondong ginagamit ng bansa para sa mga unibersidad at mga lansangan.