Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Siya Na ba Talaga ang Para sa Akin?

Siya Na ba Talaga ang Para sa Akin?

Sagutan ang sumusunod na mga tanong:

Anu-anong katangian ang hinahanap mo ngayon sa isang potensiyal na mapapangasawa? Sa talaan sa ibaba, markahan ng ✔ ang apat na katangiang iniisip mong pinakamahalaga.

․․․․․ guwapo/maganda

․․․․․ palaisip sa espirituwal na mga bagay

․․․․․ palakaibigan

․․․․․ mapagkakatiwalaan

․․․․․ sikat

․․․․․ malinis sa moral

․․․․․ mapagpatawa

․․․․․ may tunguhin sa buhay

Noong bata-bata ka pa, mayroon ka bang naging crush? Sa talaan sa itaas, markahan ng X ang katangiang nagustuhan mo sa kaniya noon.

Maganda naman ang lahat ng mga katangiang nasa itaas. Kaakit-akit ang bawat isa sa mga ito. Pero marahil ay sasang-ayon ka na kung matindi ang paghanga mo sa isang tao, hindi ba’t ang tendensiya ay magtuon ka ng pansin sa di-gaanong mahahalagang katangian, gaya ng nasa kaliwang kolum?

Subalit habang nagkakaedad ka, ginagamit mo na ang iyong mga kakayahan sa pang-unawa para suriin ang mas mahahalagang katangian gaya ng nakatala sa kanang kolum. Halimbawa, natatanto mo na ngayon na ang pinakamagandang babae sa inyong lugar ay hindi naman pala mapagkakatiwalaan o kaya’y ang pinakasikat na lalaki sa inyong klase ay hindi naman pala malinis sa moral. Kung ikaw ay “lampas na sa kasibulan ng kabataan”​—ang panahon kung kailan unang sumidhi ang pagnanasa sa sekso​—mas malamang na ang titingnan mo ay ang panloob na pagkatao para sagutin ang tanong na, Siya na ba talaga ang para sa akin?​—1 Corinto 7:36.

Puwede Bang Kahit Sino Na Lamang?

Sa paglipas ng panahon, posibleng maakit ka sa maraming di-kasekso. Pero hindi naman puwedeng kahit sino na lamang. Ang totoo, gusto mo ng isa na makakasama habambuhay, isa na tutulong sa iyo para lalo mong malinang ang mabubuti mong katangian at matutulungan mo rin naman sa gayong paraan. (Mateo 19:4-6) Sino kaya iyon? Bago mo masagot ang tanong na iyan, kailangan mong ‘tumingin sa salamin’ at tapatin ang iyong sarili.​—Santiago 1:23-25.

Para lalo mong makilala ang iyong sarili, sagutin ang sumusunod na mga tanong:

Anu-ano ang magaganda kong katangian?

․․․․․․․․

Anu-ano ang mga kahinaan ko?

․․․․․․․․

Anu-ano ang aking emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan?

․․․․․․․․

Hindi madaling kilalanin ang sarili, pero matutulungan ka ng mga tanong na iyan. * Miyentras kilala mo ang iyong sarili, mas madali mong mahahanap ang taong magpapatingkad ng iyong magagandang katangian sa halip na mga kahinaan. Pero paano kung sa palagay mo ay natagpuan mo na ang taong iyon?

Magkakaigi Kaya Kami?

Para masagot ang tanong na iyan, kilalanin mong mabuti ang iyong kaibigan na isinasaisantabi ang iyong personal na damdamin sa kaniya. Pero maging maingat! May tendensiya na magtuon ka lamang ng pansin sa mga bagay na gusto mong makita. Kaya huwag kang magpadalus-dalos. Sikapin mong alamin ang tunay na pagkatao ng iyong kaibigan.

Marami sa mga magkasintahan ang hindi tumitingin sa panloob na pagkatao. Sa halip, ang agad nilang napapansin ay kung saan sila nagkakasundo: ‘Pareho kami ng paboritong musika.’ ‘Pareho kami ng nakakahiligang mga gawain.’ ‘Magkasundo kami sa lahat ng bagay!’ Gayunman, gaya ng nabanggit sa pasimula, kung talagang lampas ka na sa kasibulan ng kabataan, titingnan mo ang panloob na pagkatao. Kailangan mong malaman ang “lihim na pagkatao ng puso.”​—1 Pedro 3:4; Efeso 3:16.

Halimbawa, sa halip na magtuon lamang ng pansin kung saan kayo nagkakasundo, marahil mas makabubuting bigyang pansin kung paano siya kumikilos kapag nagkaroon kayo ng di-pagkakasundo. Sa ibang pananalita, ano ang reaksiyon ng taong ito kapag may bumangong pagkakasalungatan​—iginigiit ba niya ang gusto niya, marahil ay ‘sumisilakbo sa galit’ o nagbibitiw ng “mapang-abusong pananalita”? (Galacia 5:19, 20; Colosas 3:8) O makatuwiran ba siya​—handang magparaya alang-alang sa kapayapaan kung wala namang simulaing nalalabag?​—Santiago 3:17.

May isa pang bagay na dapat pag-isipan: Kinokontrol ba niya ang ibang tao? Seloso ba siya? Binabantayan ba niya ang bawat kilos mo? “Masamang palatandaan ang pagkamakasarili at pagiging seloso,” ang sabi ng kabataang si Nicole. “May nababalitaan akong magkasintahang nag-aaway dahil nagagalit ang isa na hindi ipinaaalam sa kaniya ang lahat ng pinupuntahan ng kaniyang kasintahan​—sa palagay ko’y masamang palatandaan ’yon.”

Ano ang masasabi ng ibang tao hinggil sa iyong kasintahan? Makabubuting magtanong sa mga taong medyo matagal nang nakakakilala sa kaniya, gaya ng mga may-gulang na kakongregasyon niya. Sasabihin nila sa iyo kung siya ay “may mabuting ulat.”​—Gawa 16:1, 2. *

Dapat ba Kayong Maghiwalay?

Paano kung natanto mo na ang iyong kasintahan ay hindi pala nababagay na mapangasawa mo? Kung gayon, baka makabubuting putulin na ang inyong ugnayan. Sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.”​—Kawikaan 22:3. *

Pagdating ng panahon, baka magkaroon ka muli ng bagong kasintahan. Kapag dumating iyon, tiyak na mas timbang na ang iyong pananaw dahil sa naging karanasan mo. Marahil pagdating ng panahong iyon, ang sagot mo sa tanong na “Siya na ba talaga ang para sa akin?” ay oo!

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

^ par. 25 Para sa karagdagan pang mga tanong na dapat mong itanong sa iyong sarili, tingnan ang isyu ng Enero 2007 ng Gumising!, pahina 30.

^ par. 31 Tingnan din ang mga tanong sa mga  kahong nasa pahina 19-20.

^ par. 33 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa paghihiwalay, tingnan ang Gumising! ng Marso 22, 2001, pahina 12-14.

PAG-ISIPAN

◼ Anu-anong magagandang katangian ang taglay mo para maging mabuti kang asawa?

◼ Anu-anong katangian ang hinahanap mo sa isang mapapangasawa?

◼ Paano mo higit na malalaman ang ugali, paggawi, at reputasyon ng iyong kasintahan?

[Kahon sa pahina 19]

 Magiging mabuti kaya siyang asawang lalaki?

PANGUNAHIN

Paano niya ginagamit ang anumang awtoridad na mayroon siya?​—Mateo 20:25, 26.

Anu-ano ang mga tunguhin niya?​—1 Timoteo 4:15.

Sinisikap ba niyang abutin ang kaniyang mga tunguhin?​—1 Corinto 9:26, 27.

Sinu-sino ang mga kaibigan niya?​—Kawikaan 13:20.

Ano ang pangmalas niya sa pera?​—Hebreo 13:5, 6.

Anong uri ng libangan ang kinahihiligan niya?​—Awit 97:10.

Ano ang ipinahihiwatig ng paraan ng pananamit niya tungkol sa kaniyang personalidad?​—2 Corinto 6:3.

Paano niya ipinakikita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova?​—1 Juan 5:3.

KATANGIAN

Masipag ba siya?​—Kawikaan 6:9-11.

Responsable ba siya sa paghawak ng pera?​—Lucas 14:28.

Maganda ba ang kaniyang reputasyon?​—Gawa 16:1, 2.

Iginagalang ba niya ang kaniyang mga magulang?​—Exodo 20:12.

Makonsiderasyon ba siya?​—Filipos 2:4.

PANGANIB

Magagalitin ba siya?​—Kawikaan 22:24.

Tinutukso ka ba niyang gumawa ng seksuwal na imoralidad?​—Galacia 5:19.

Nananakit ba siya o kaya’y masakit magsalita?​—Efeso 4:31.

Ginagawa ba niyang libangan ang pag-inom?​—Kawikaan 20:1.

Seloso ba siya at makasarili?​—1 Corinto 13:4, 5.

[Kahon sa pahina 20]

Magiging mabuti kaya siyang asawang babae?

PANGUNAHIN

Paano niya ipinakikita ang pagpapasakop sa loob ng pamilya at sa kongregasyon?​—Efeso 5:21, 22.

Ano ang ipinahihiwatig ng paraan ng pananamit niya tungkol sa kaniyang personalidad?​—1 Pedro 3:3, 4.

Sinu-sino ang mga kaibigan niya?​—Kawikaan 13:20.

Ano ang pangmalas niya sa pera?​—1 Juan 2:15-17.

Anu-ano ang mga tunguhin niya?​—1 Timoteo 4:15.

Sinisikap ba niyang abutin ang kaniyang mga tunguhin?​—1 Corinto 9:26, 27.

Anong uri ng libangan ang kinahihiligan niya?​—Awit 97:10.

Paano niya ipinakikita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova?​—1 Juan 5:3.

KATANGIAN

❑ Masipag ba siya?​—Kawikaan 31:17, 19, 21, 22, 27.

Responsable ba siya sa paghawak ng pera?​—Kawikaan 31:16, 18.

Maganda ba ang kaniyang reputasyon?​—Ruth 4:11.

Iginagalang ba niya ang kaniyang mga magulang?​—Exodo 20:12.

Makonsiderasyon ba siya?​—Kawikaan 31:20.

PANGANIB

Mahilig ba siyang makipagtalo?​—Kawikaan 21:19.

Tinutukso ka ba niyang gumawa ng seksuwal na imoralidad?​—Galacia 5:19.

Masakit ba siyang magsalita o kaya’y nananakit?​—Efeso 4:31.

Ginagawa ba niyang libangan ang pag-inom?​—Kawikaan 20:1.

Selosa ba siya at makasarili?​—1 Corinto 13:4, 5.