Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Malalampasan Kaya ng Pag-aasawa ang Bagyo? (Hulyo 2006) Isa akong regular na mambabasa ng magasing Gumising! Katoliko ako pero gustung-gusto kong basahin ang inyong magasin dahil ito ay kawili-wili at nakapagtuturo. Gayunman, hindi ako sang-ayon sa sinabi ninyo: “Noong 1983, niluwagan ng simbahan ang patakaran nito tungkol sa tali ng pag-aasawa at naging madali na para sa mga Katoliko na putulin ang ugnayan ng mag-asawa.”

G.V.M., Zambia

Sagot ng “Gumising!”: Ang tinutukoy namin ay ang mga pagbabago sa proseso sa 1983 Kodigo ng Batas ng Simbahan. Matindi ang mga epekto ng mga pagbabagong iyon lalo na sa Estados Unidos. Ayon sa Romano Katolikong obispo na si Mark A. Pivarunas, noong 1968, 338 kasal lamang ang pinahintulutang mapawalang-bisa sa Estados Unidos. Subalit tumaas ito tungo sa 62,824 noong 1990. Bakit?

Sinabi ng abogadong dalubhasa sa mga batas ng simbahan na si Edward Peters: “Nagkaroon ng ilang napakalaking pagbabago sa kanonikal na proseso sa nakalipas na 30 taon, kung saan naging madali kapuwa ang paghahain ng mga petisyon upang pawalang-bisa ang kasal at ang posibilidad na maaprubahan ito.” Matapos banggitin ang ilang pagbabago sa batas ng simbahan, sinabi pa ni Peters: “Bawat pagbabagong ito na ginawa ng Vatican sa proseso ng batas ng simbahan ay di-maikakailang humantong sa lubhang pagdami ng mga nagpapawalang-bisa ng kanilang kasal.” Anuman ang kanilang intensiyon, ang resulta ay​—kahit sa Estados Unidos lamang​—​gaya ng sinabi ng “Gumising!”: “Naging madali na para sa mga Katoliko na putulin ang ugnayan ng mag-asawa.”

Mayroon Bang Maylalang? (Setyembre 2006) Isang obramaestra ang espesyal na isyung ito ng Gumising! Simple, mapuwersa, lohikal, at makatuwiran ang mga paliwanag. Napakaganda ng format nito, kung saan tinalakay ng buong magasin ang iisang tema mula sa iba’t ibang anggulo.

A. B., Espanya

Salamat sa magasing ito na napakahusay ng pagkakasulat at kawili-wili. Ang maraming paliwanag at ilustrasyon ay nagpaparangal kay Jehova. Karapat-dapat siya sa gayong papuri.

R. B., Switzerland

Nakumbinsi ako ng simple subalit mapanghikayat na mga katibayan na totoo ang paglalang. Sa pamamagitan ng napakataas na intelektuwal na pamantayang ayon sa siyensiya at hindi ng maanghang na pagtuligsa, nailantad na isang panlilinlang ang ebolusyon.

L. G., Pransiya

Ang Roma​—Sanlibong Taon ng Lungkot at Saya (Oktubre 2006) Laging malapít sa puso ko ang mga Rom. Nakalulungkot nga, umiiral pa rin ang pagtatangi laban sa kanila. Nakatitiyak ako na ang inyong artikulo ay pupukaw sa kaisipan ng maraming tao. Nakaaaliw malaman na si Jehova ay hindi nagtatangi at kabilang sa mga mananamba niya ang mga Rom!

B. B., Pransiya

Mga Rom kami. Hindi pa Saksi ni Jehova ang tatay ko, at hindi siya mahilig magbasa. Pero gusto niya ang magasing ito, at ngayon ay nasa mesa niya ito!

A. G., Finland