Pambihirang Daluyan ng Gatas
May Nagdisenyo ba Nito?
Pambihirang Daluyan ng Gatas
▪ Kung nakakita ka na ng isang nanganganak na tupa, kambing, o baka, malamang na namangha ka nang tumayo agad ang bagong-silang at sumuso sa kaniyang ina. Lahat ng mamalya ay nagpapasuso ng kanilang anak. Pero sa kaso ng mga bagong-silang na mga mamalyang ngumangata ng dati nitong kinain, tulad ng mga kordero, batang kambing, at guya, mayroon pang isang kamangha-manghang bagay na hindi natin nakikita.
Pag-isipan ito: Ang tiyan ng baka ay may apat na seksiyon para sa mga prosesong kailangan sa pagtunaw ng damo at iba pa nitong kinain. Pero sapat na sa mga bagong-silang ang gatas na hindi naman kailangang dumaan sa lahat ng prosesong iyon. Kaya kapag sumususo ang bagong-silang, may bumubukas na espesyal na daluyan ng gatas para makaderetso ito sa huling seksiyon ng tiyan.
Kung papasok ang gatas sa unang seksiyon ng tiyan, na tinatawag na rumen, mahihirapan ang guya dahil sa seksiyong ito pinakakasim ng baktirya ang mga pagkaing mahirap tunawin. Kapag kumasim ang gatas, lilikha ito ng gas na hindi kayang ilabas ng mga bagong-silang. Kaya kapag sumususo ang bagong-silang o umiinom ng gatas mula sa timba, awtomatikong nagsasara ang daluyan papuntang rumen.
Kapansin-pansin, iba ang nangyayari kapag umiinom ng tubig ang isang bagong-silang. Kailangan ng rumen ng maraming tubig para dumami ang baktirya at mga mikrobyo roon, bilang paghahanda sa panginginain nito pagdating ng panahon. Bagaman dumederetso ang gatas sa huling seksiyon ng tiyan, ang tubig naman ay nakakapasok sa rumen. Para lang sa gatas ang pambihirang daluyang ito sa tiyan ng guya!
Ano sa palagay mo? Nagkataon lamang ba ang daluyang ito ng gatas? O ginawa ito ng isang matalinong Maylalang?
[Dayagram/Larawan sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Nilalampasan ng gatas ang unang tatlong seksiyon sa tiyan ng guya
[Dayagram]
Daluyan ng gatas
1 Rumen
2 Reticulum
3 Omasum
4 Abomasum (huling seksiyon ng tiyan)