Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Tayo Makakakuha ng Patnubay?

Saan Tayo Makakakuha ng Patnubay?

 Saan Tayo Makakakuha ng Patnubay?

SINO ang makaaakay sa atin sa tunay na tagumpay—hindi tagumpay sa sekular na larangan kundi tagumpay sa personal na buhay? Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, ang tunay na tagumpay, sa paanuman, ay kaugnay ng wastong mga prinsipyo sa moralidad at marangal na layunin sa buhay—mga bagay na hindi nakadepende sa katanyagan, kayamanan, o kapangyarihan.

Saan tayo makakakuha ng wastong mga prinsipyo at sagot sa mga tanong tungkol sa layunin ng buhay? Sa atin ba mismong sarili? Aminin na natin—dahil sa di-kasakdalan, madali tayong mahulog sa maling mga pagnanasa na maaaring umakay sa atin sa maling landasin. (Genesis 8:21) Kaya milyun-milyon ang patuloy na naghahabol sa walang-kabuluhang mga bagay na inilarawan ng Bibliya bilang “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Hindi ito nangangahulugan ng tunay na tagumpay, pinaaasa lamang nito ang mga tao at inaakay sa kabiguan at kalungkutan. Kaya naman marami ang bumabaling sa ating Maylalang para sa mga kasagutan sa mas malalalim na katanungan sa buhay. *

Dapat ba Tayong Bumaling sa Diyos?

Bakit makatuwirang bumaling sa ating Maylalang? Alam niya kung bakit niya tayo nilalang at, siyempre, kung ano ang dapat na layunin natin sa buhay. Alam din niya kung paano niya tayo nilalang—sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Samakatuwid, alam ng Diyos ang pinakamahusay na mga simulain na kailangan natin sa buhay. Bukod diyan, ang Diyos ang pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig, kaya talagang gusto niya tayong maging tunay na maligaya at matagumpay. (1 Juan 4:8) Saan natin makukuha ang kaniyang maibiging payo? Sa Banal na Bibliya, na ipinasulat ng Diyos sa mga 40 tao, o mga kalihim. * (2 Timoteo 3:16, 17) Pero bakit tayo makapagtitiwala sa patnubay mula sa aklat na iyan?

“Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” o mga resulta, ang sabi ni Jesu-Kristo, ang pangunahing kinatawan ng Diyos. (Mateo 11:19; Juan 7:29) Ang makadiyos na karunungan ay umaakay sa atin sa tagumpay at namamalaging kaligayahan—“ang buong landasin ng kabutihan”—samantalang ang karunungan ng tao na salungat sa karunungan ng Diyos ay umaakay sa kabiguan at kalungkutan.—Kawikaan 2:8, 9; Jeremias 8:9.

Pag-isipan ang panahon ng mga hippie, na nauso noong dekada ng 1960. Tinanggihan nila ang mga pamantayan at awtoridad ng mga nakatatanda, anupat itinaguyod ng marami sa kanila ang pagdodroga, pilosopiyang bahala na bukas,  at pagpapakasasa sa sekso. Pero katalinuhan ba talagang mamuhay sa gayong paraan? Nagbigay ba iyon sa mga tao ng tunay na layunin sa buhay at pamantayang moral na nagdudulot ng tunay na kapanatagan at namamalaging kaligayahan? Ipinakikita ng kasaysayan na hindi nito napabuti ang buhay ng mga tao kundi isa pa nga ito sa mga dahilan kung bakit patuloy na bumababa ang moralidad ng lipunan.—2 Timoteo 3:1-5.

Hindi tulad ng pilosopiya ng tao, ang karunungan mula sa Bibliya ay napatunayang laging kapaki-pakinabang. (Isaias 40:8) Malalaman mo sa susunod na artikulo kung bakit, dahil tinatalakay nito ang anim na prinsipyo, o simulain, ng Bibliya na nakatulong sa milyun-milyong tao sa halos lahat ng bansa na maging tunay na maligaya at matagumpay—anuman ang kanilang kalagayan sa buhay o sa lipunan.

[Mga Talababa]

^ par. 5 Tingnan ang espesyal na isyu ng magasing ito na may petsang Nobyembre 2007, na tumatalakay sa temang “Makapagtitiwala Ka ba sa Bibliya?” Ang mga artikulo sa isyung iyan ay naghaharap ng mga katibayan mula sa arkeolohiya, kasaysayan, siyensiya, at iba pa na nagpapatunay na talagang ginabayan ng Diyos ang pagsulat ng Bibliya.

[Kahon sa pahina 5]

 MGA PANINIWALANG NAGPAPABABA SA SUKATAN NG TAGUMPAY

Iginigiit ng maraming tao na walang Diyos at na ang buhay ay bunga lamang ng ebolusyon, anupat basta na lamang umiral. Kung totoo ito, ang buhay ay nagkataon lamang dahil sa sunud-sunod na mga kemikal at biyolohikal na pagbabago, at ang paghahanap natin ng layunin at simulaing kapit sa lahat ng tao ay mawawalan ng saysay.

Naniniwala naman ang iba na nilalang tayo ng Diyos at pagkatapos ay inabandona. Kung ganito nga, para tayong mga ulila, walang tunay na layunin at pamantayan gustuhin man nating maging makabuluhan ang ating buhay. Pag-isipan ito: Binigyan ng Diyos ang bawat hayop ng likas na talino para magampanan nito ang kaniyang papel sa kalikasan. Kaya naman, kitang-kita sa paligid natin ang katibayan ng kaniyang malalim na karunungan. Lilikhain ba tayo ng Maylalang ding iyan at saka pababayaan nang walang patnubay? Hinding-hindi!—Roma 1:19, 20.

Dahil sa pilosopiya ng mga ateista, nawawalan ng saysay ang paghahanap ng layunin at simulaing kapit sa lahat ng tao anupat bumababa ang sukatan ng tagumpay.

[Larawan sa pahina 5]

Ang mabubuting resulta ng pagsunod sa karunungan mula sa Bibliya ay patunay na praktikal ito