Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Iwaksi ang Pagiging Makasarili”

“Iwaksi ang Pagiging Makasarili”

“Iwaksi ang Pagiging Makasarili”

● ANG Gibraltar, na matatagpuan sa dulong timog ng Iberian Peninsula, ay maraming beses nang nilusob ng mga dayuhan. Pero noong isang dulong sanlinggo ng Oktubre 2008, mapayapang “nilusob” ng halos isang libong Kastila ang bayang iyon para magtayo ng Kingdom Hall​—ang dako kung saan magdaraos ng mga pulong ang dalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Gibraltar.

Sinabi ng punong ministro sa Gumising! na masayang tinanggap ng Gibraltar ang halos isang libo katao na pumunta roon para sa proyekto. Ayon sa kaniya, sila ay “tumulong sa ikauunlad ng lokal na komunidad.” Sinabi rin niya na “ang mga Saksi ni Jehova ang pinakamalaking grupo na pumunta sa Gibraltar para sa isang proyekto ng pagtatayo​—at lahat sila ay boluntaryo.”

Umpisa pa lang ng proyekto, suportado na ito ng mga opisyal ng pamahalaan. Sa katunayan, binigyan nila ang mga Saksi ng isang magandang lugar na pagtatayuan ng dakong ito ng pagsamba. Bakit kaya gayon na lang ang suporta nila sa mga Saksi?

“Naniniwala ako na mahalaga ang pagiging makadiyos sa anumang lipunan,” ang paliwanag ng punong ministro. “Lahat ng relihiyon sa Gibraltar ay may legal na kalayaan sa pagsamba, kaya hindi dapat magtangi ang pamahalaan pagdating sa relihiyon. Bukod diyan, malaking tulong sa komunidad ang pagbibigay ng magandang lugar sa mga Saksi na mapagtatayuan nila ng kanilang dako ng pagsamba.

“Kailangan nating iwaksi ang pagiging makasarili,” ang sabi pa niya. “Ipinakita ng inyong masisiglang boluntaryo na posible ito.”

Kahit naantala ang proyekto dahil sa bagyo, natapos pa rin ang pagtatayo ng Kingdom Hall noong Lunes, ang ikatlong araw ng proyekto. “Marami sa mga boluntaryo ang nanatili pa nang isang araw sa Gibraltar para tapusin ang proyekto,” ang paliwanag ni Secundino Nogal, na siyang nangasiwa sa proyekto. “Sanáy na kami sa paglutas ng mga aberya. Kasi sa pamamaraan namin ng pagtatayo, kailangang marunong kang mag-adjust. Pero higit sa lahat, kailangan ang pagsasakripisyo sa sarili, at iyan ang dahilan kung bakit napakasaya namin.” *

[Talababa]

^ par. 7 Iniulat ng pahayagang Gibraltar Chronicle: “Noong dulong sanlinggo habang nananalanta ang bagyo, ang mga Saksi ni Jehova naman sa Gibraltar ay . . . nakapagtayo ng kanilang templo [Kingdom Hall] sa loob lamang ng tatlong araw sa tulong ng isang hukbo ng mga boluntaryo.”