Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Sa ngayon, 60 porsiyento na ng populasyon ng daigdig ang may cellphone . . . Napakalaking diperensiya nito kumpara noong nakalipas na anim na taon na wala pang 15 porsiyento ang may cellphone.”—MACLEAN’S, CANADA.
Noong nakalipas na dekada, may natuklasang 1,068 bagong uri ng hayop sa kalakhang rehiyon sa palibot ng [Ilog] Mekong sa Timog-silangang Asia.—WORLD WILDLIFE FUND, ESTADOS UNIDOS.
“Wala pang 5% ng populasyon ng daigdig ang nakatira sa Amerika pero nandito ang halos 25% ng mga bilanggo sa buong daigdig. Sa bawat 100,000 residente ng Amerika, 756 ang nabibilanggo, halos limang beses na mas malaki kaysa sa aberids ng mga nabibilanggo sa buong daigdig.”—THE ECONOMIST, BRITANYA.
“Sangkatutak na Panggambala”
Dahil sa ilang makabagong paraan ng komunikasyon, nasisira ang konsentrasyon ng mga tao sa ibang gawain. Iniulat ng mga ekspertong nag-aaral tungkol sa inter-aksiyon ng tao at elektronikong kagamitan na ang mga gumagamit ng instant messaging, calendar reminder, e-mail alert, mga computer pop-up, at iba pa, ay nagkakaproblema dahil sa “sangkatutak na panggambala [na ito] at nahihirapang makapagtuon ng mahaba-habang atensiyon.” Kung palagi kang nagagambala, posibleng “hindi ka na makapagpokus nang matagal sa naiisip mo o nakikita at hindi ka agad nakakatapos ng trabaho,” ang sabi ng magasing Newsweek. Maaari ka ring maging “malilimutin” at “hiráp magtanda ng mga bagay-bagay.” Puwede ka pa ngang mapahamak.
Kailangan ang mga Interpreter
Ang mga hukuman, ahensiyang nagpapatupad ng batas, ospital, at iba pang naglalaan ng serbisyo sa Estados Unidos ay kadalasan nang nangangailangan ng tulong para maintindihan ang sinasabi ng mga tao. Buti na lang at may mga ahensiyang naglalaan ng mga interpreter para magkaunawaan ang mga tao sa “isang daigdig na sari-sari ang wika,” gaya ng iniulat ng Reuters. Sa isang kompanya sa California, may nagtatrabahong 5,200 interpreter na nagsasalita ng 176 na wika—mula sa pinakakaraniwan gaya ng Tsino, Ruso, at Kastila, hanggang sa mga di-kilalang wika sa Aprika at Mexico. “Matutukoy [ng mga kompanyang ito] ang wikang ginagamit ng indibiduwal” nang wala pang isang minuto at ikokonekta nila sa linya ang isang interpreter para tulungan ang mga kliyente na “makausap ang mga tao,” ang sabi ng ulat.
May Ginto Pala!
Ang Nagano Prefecture, sa hilagang-kanluran ng Tokyo, ay “nakadiskubre ng bagong mapagkukunan ng yamang mineral—ang imburnal,” ang ulat ng Reuters sa Hapon. Ipinakikita ng pag-aaral na may mas malaking porsiyento ng ginto sa abo ng sinunog na deposito ng imburnal na dumaan sa Suwa treatment plant kaysa sa inambato na makukuha sa pinakasaganang mga minahan ng ginto sa Hapon. Inaasahan ng prefecture na kikita sila ng 15 milyong yen, o mahigit $167,000, sa loob lamang ng isang taon dahil sa natuklasan nila. Malamang na “dahil ito sa dami ng pabrikang malapit sa kanilang lugar na gumagamit ng ginto sa paggawa ng precision equipment,” ang sabi ng ulat.