Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Buhay sa Kahanga-hangang Upper Amazon

Buhay sa Kahanga-hangang Upper Amazon

Buhay sa Kahanga-hangang Upper Amazon

ISANG animo’y berdeng karpet na may habang 3,700 kilometro ang nakalatag mula sa paanan ng kabundukan ng Andes sa Peru hanggang sa asul na Karagatang Atlantiko, sa gawing hilagang-silangang baybayin ng kontinente ng Timog Amerika.

Ang bahagi ng kagubatang ito na nasa Peru​—ang isang rehiyon ng Amazon​—ay sumasaklaw sa halos 60 porsiyento ng bansang ito. Bagaman napakaliit na porsiyento lang ng populasyon ng Peru ang naninirahan dito, napakaraming halaman at hayop ang makikita sa kagubatang ito, kung saan ang mga puno ay tumataas nang hanggang 35 metro. Sa katunayan, ang Amazon ay itinuturing na isa sa pinakamayamang bahagi ng daigdig kung likas na yaman ang pag-uusapan. Mahigit 3,000 uri ng paruparo ang lilipad-lipad sa maalinsangang kapaligiran. Mayroon din ditong mga 4,000 uri ng magagandang orkid. Mahigit 90 uri naman ng ahas ang nagkukubli sa mga sanga at lupa. At tinatayang 2,500 uri ng isda​—kasama na ang electric eel at piranha​—ang palanguy-langoy sa mga ilog at batis.

Makikita rin sa kagubatang ito ang pagkalaki-laking Ilog Amazon. Mga 2.5 hanggang tatlong metro ng ulan ang bumabagsak sa gubat taun-taon, na nagiging sanhi ng pag-apaw ng Amazon at ng 1,100 sangang-ilog nito. Gustung-gusto naman ng mga halaman ang pinaghalong init at halumigmig. Pero ang kataka-taka, napakalago ng mga halaman kahit nakatanim ang mga ito sa luwad, isang klase ng lupa na hindi magandang tamnan dahil karaniwan nang walang nagtatagal na tanim dito.

Mga Unang Nanirahan

Sino naman ang gustong tumira sa ganiyang klaseng lugar? Naniniwala ang mga arkeologo na milyun-milyon na ang nanirahan sa lunas ng Ilog Amazon noong nakalipas na mga siglo. Sa kasalukuyan, tinatayang 300,000 katao​—mula sa mahigit 40 tribo ng mga katutubo​—ang naninirahan sa rehiyon ng Amazon sa Peru. Pinaniniwalaan din na 14 sa mga tribong ito ang namumuhay nang halos hiwalay sa kabihasnan. Ang mga taong ito​—matapos makasalamuha nang ilang panahon ang mga nasa kabihasnan​—ay nanirahan sa pinakapusod ng kagubatan para makaiwas sa tao.

Kailan dumating ang mga katutubong ito, at saan sila nagmula? Ayon sa mga eksperto, ang mga unang tao roon ay nagmula sa hilaga maraming siglo bago ang Karaniwang Panahon. Ang mga Jivaro (kilala sa pagpapaliit ng ulo ng mga pinatay nilang kaaway) ay nagmula sa Caribbean; at ang mga Arawak naman ay galing sa Venezuela. Ang ibang tribo ay sinasabing nagmula sa Brazil sa silangan at sa Paraguay sa timog.

Nang makapagtayo na sila ng matitirhan, lumilitaw na lumibot sila sa ilang lugar para mangaso at maghanap ng pagkain. Nagtanim din sila ng kamoteng-kahoy, siling labuyo, saging, at mais​—kabilang sa iilang pananim na tumutubo sa acidic na lupa. Napansin ng ilang Kastilang istoryador na ang ilan sa mga tribong iyon ay napakaorganisado, anupat gumagawa sila ng mga imbakan ng pagkain at may mga pamamaraan sila sa pag-aalaga ng maiilap na hayop.

Halu-halong Kultura

Noong ika-16 at ika-17 siglo, sinakop ng mga Kastila ang Amazon. Halos kasunod nila ang mga misyonerong Jesuita at Pransiskano na determinadong kumbertihin sa Katoliko ang mga katutubo. Dahil sa mga mapang ginawa ng mga misyonero, nagkainteres ang mga Europeo sa Amazon. Pero dahil din sa kanila, nahantad sa sakit at kapahamakan ang mga taga-Amazon.

Halimbawa, noong 1638, may mga misyonerong pumunta sa lugar na kilala ngayon bilang Lalawigan ng Maynas. Pinilit nilang magsama-sama ang magkakalabang tribo sa isang komunidad. Ano ang kanilang “marangal” na layunin? Palibhasa’y inosente at mahina ang turing sa mga katutubo, ipinaalipin sila sa mga misyonero at mga mananakop. Dahil lagi nilang nakakahalubilo ang mga Europeo, libu-libong katutubo ang namatay sa tigdas, bulutong, dipterya, at ketong. Libu-libong iba pa ang namatay sa gutom.

Maraming Indian ang tumakas, at marami ring misyonero ang pinatay sa mga pag-aalsa. Sa katunayan, may pagkakataon na noong unang mga dekada ng ika-19 na siglo, isang pari lang ang natira sa rehiyon ng Amazon.

Pamumuhay Ngayon

Sa ngayon, marami pa ring katutubo ang namumuhay ayon sa sinaunang kaugalian. Halimbawa, gumagawa sila ng bahay gamit ang mga pinutol na punungkahoy, mga dahon ng palma, o iba pang halaman. Palibhasa’y matataas ang tukod ng mga bahay, hindi ito napapasok ng mapanganib na mga hayop at naaapektuhan ng baha.

Iba-iba ang istilo ng pananamit at pag-aayos ng mga tribo. Ang mga lalaki’t babae na naninirahan sa pusod ng kagubatan ay nakasuot ng bahag o maiikling hinabing palda, at nakahubad ang mga bata. Ang iba naman na mas madalas na makasalamuha ng mga taga-Kanluran ay naimpluwensiyahan ng istilo ng pananamit ng mga ito. Binubutasan ng ilang katutubo ang kanilang ilong o tainga, at nilalagyan ito ng singsing, istik, buto, o balahibo ng ibon. Ang iba, gaya ng mga Mayoruna, ay nagbubutas ng pisngi. Kinikikil pa nga ng mga Tucuna at Jivaro ang kanilang mga ngipin. Maraming katutubo ang nag-aahit ng balahibo sa katawan at naglalagay ng tato.

Libu-libong uri ng halaman ang kilala ng mga taga-Amazon. Ang gubat mismo ang nagsisilbing botika nila. Mula rito, nakakakuha sila ng panggamot sa tuklaw ng ahas, disintirya, sakit sa balat, at maraming iba pa. Bago pa man matuklasan ng mga taga-Kanluran ang goma, kumukuha na ng dagta sa puno ng goma ang mga taga-Amazon. Ginagamit nila ang dagta sa mga basket para hindi ito pasukin ng tubig at sa paggawa ng bola. Makukuha rin sa kagubatan ang mga materyales sa transportasyon at komunikasyon. Halimbawa, pumuputol ng puno ang mga lalaki para gawing bangka. Ginagawa rin nilang tambol ang malalaking troso. Sa pamamagitan nito, nakakapagpadala sila ng mensahe sa malalayong lugar!

Impluwensiya ng mga Shaman at ng mga Pamahiin

Para sa mga taga-Amazon, ang gubat ay pugad ng mga gumagala-galang kaluluwa sa gabi, mga espiritung nagdadala ng sakit, at mga diyos na nag-aabang ng mabibiktima sa ilog. Ang isang halimbawa ay ang mga Aguaruna, isa sa pinakamalaking tribo sa Peru. Lima ang diyos nila: “Amang Mandirigma,” “Amang Tubig,” “Inang Lupa,” “Amang Araw,” at “Amang shaman.” Marami ang naniniwala na ang mga tao ay nagiging hayop at halaman. Palibhasa’y takót sa mga espiritu, pumipili ng papataying hayop ang mga katutubo. At sakali mang may patayin sila, ginagawa nila ito kung kinakailangan lang.

Ang mga shaman, o albularyo, ang nangangasiwa sa nakaugaliang pagsamba at sa pamayanan ng mga katutubo. Gumagamit sila ng mga halamang nagdudulot ng halusinasyon. Ang mga shaman ang nilalapitan ng ilang katutubo kapag may sakit sila at kapag gusto nilang magpahula o malaman ang magiging resulta ng kanilang pangangaso at pagtatanim.

Maglalaho ba Ito?

Mabilis na lumiliit ang mundong ginagalawan ng mga taga-Amazon. Marami na kasing bagong haywey sa gitna ng kagubatan. Ang dating gubat ay nagiging bukid na at taniman ng coca. Napakalawak na lugar ang nakakalbo dahil sa ilegal na pagtotroso​—590 ektarya bawat araw! Naapektuhan pati ang mga sangang-ilog ng Ilog Amazon dahil sa polusyong nagmumula sa mga minahan at ilegal na taniman ng cocaine.

Oo, nadarama ng mga katutubo sa Amazon ang mga epekto ng inihula ng Bibliya na “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Maglalaho nga kaya ang Amazon? Tinitiyak ng Bibliya na hindi. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang buong lupa ay magiging paraiso, gaya ng nilayon dito ng ating Maylalang.​—Isaias 35:1, 2; 2 Pedro 3:13.

[Larawan sa pahina 16]

Ilog Amazon

[Larawan sa pahina 17]

Sumasamba sa limang diyos ang mga Aguaruna

[Larawan sa pahina 17]

Mga babae mula sa tribo ng Lamas

[Larawan sa pahina 18, 19]

Isang katutubo sa Amazon na gumagamit ng sumpit

[Credit Line]

© Renzo Uccelli/PromPerú

[Larawan sa pahina 18]

Karaniwang bahay ng katutubo

[Larawan sa pahina 19]

Nasa 590 ektarya ang nakakalbo bawat araw dahil sa ilegal na pagtotroso

[Credit Line]

© José Enrique Molina/age fotostock

[Picture Credit Line sa pahina 16]

© Alfredo Maiquez/age fotostock

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Top: © Terra Incógnita/PromPerú; bottom: © Walter Silvera/PromPerú