Ang Paghahanap ng Solusyon sa “Problema sa Longhitud”
Ang Paghahanap ng Solusyon sa “Problema sa Longhitud”
Noong Oktubre 22, 1707, isang squadron ng mga barko ng hukbong-dagat ng Britanya ang naglayag patungong English Channel. Pero nagkamali sila ng kalkulasyon sa kanilang posisyon. Ang resulta? Apat na barko ang nawasak sa Kapuluan ng Scilly, na nasa Karagatang Atlantiko, sa timog-kanluran ng Land’s End, Inglatera. Halos 2,000 katao ang namatay.
NOON, madaling nakakalkula ng mga magdaragat ang kanilang latitud—ang distansiya pahilaga o patimog mula sa ekwador. Pero hindi nila alam kung paano makakalkula nang wasto ang kanilang longhitud—kung gaano na kalayo ang nalakbay ng isa pasilangan o pakanluran. Noong unang bahagi ng ika-18 siglo, daan-daang barko ang naglalayag sa Atlantiko taun-taon, at laging may nawawasak na barko. Pero ang trahedyang naganap noong 1707 ang nag-udyok sa mga ekspertong Britano na magpokus sa paghahanap ng solusyon sa “problema sa longhitud,” gaya ng tawag noon dito.
Noong 1714, ang Parlamento ng Britanya ay nag-alok ng premyong 20,000 pounds sa sinumang makakapagbigay ng wastong kalkulasyon ng longhitud sa dagat. Sa ngayon, katumbas iyan ng milyun-milyong dolyar (U.S.).
Mahirap, Pero Kapana-panabik
Napakahirap kalkulahin ang longhitud dahil kailangan ng eksaktong talaorasan. Halimbawa: Kunwari’y nakatira ka sa London. Alas dose ng tanghali nang makatanggap ka ng tawag mula sa isang taong nakatira sa kapareho mo ng latitud, pero ang oras sa kanila ay alas seis ng umaga sa araw ding iyon. Ibig sabihin, anim na oras silang huli sa oras ninyo. May ideya ka kung ano ang lokasyon ng mga bansa, kaya nahinuha mo na nakatira siya sa Hilagang Amerika, kung saan sumisikat pa lang ang araw. Ngayon, kunwari’y alam mo ang eksaktong oras niya, hindi lang ayon sa pangkalahatang sona ng oras, kundi ayon sa aktuwal na posisyon niya batay sa posisyon ng araw. Makakalkula mo na kung ano ang eksakto niyang longhitud.
Noon, isang tingin lang sa araw, alam na ng isang nabigante kung tanghaling tapat na sa lugar na kinaroroonan niya. Kung alam din niya ang kasalukuyang oras sa lugar na pinanggalingan niya, matatantiya niya ang kaniyang longhitud nang hindi lalampas sa 50 kilometro ang diperensiya. Iyan, sa katunayan, ang kawastuang kailangan sa pagtatapos ng anim-na-linggong paglalakbay para mapanalunan ang premyong nabanggit sa pasimula.
Kaso, ang problema ay kung paano malalaman ang eksaktong oras sa lugar na pinanggalingan ng nabigante. Puwede siyang magdala ng orasang pendulo, pero hindi ito uubra sa maalong dagat. Ang mga orasan naman na may spring at ruweda ay hindi pa pulido at wasto.
Isa pa, ang mga orasan ay apektado ng pabagu-bagong temperatura. Pero kumusta kaya ang malaking orasan sa kalawakan—ang buwan at mga bituin?Isang Napakahirap na Proyekto
May naisip na paraan ng pagkalkula ang mga astronomo. Tinatawag itong lunar distance method. Sa pamamaraang ito, may inihahandang mga tsart na tutulong sa mga nabigante na makalkula ang kanilang longhitud batay sa posisyon ng buwan at ng ilang partikular na bituin.
Sa loob ng mahigit 100 taon, sinikap ng mga astronomo, matematiko, at mga nabigante na hanapin ang solusyon, pero nahirapan sila dahil talagang napakakomplikado ng proyektong ito.
Isang Karpintero ang Sumagot sa Hamon
Isang karpinterong nagngangalang John Harrison, mula sa nayon ng Lincolnshire sa Barrow Upon Humber, ang nagpasiyang sumagot sa hamon. Noong 1713, nang wala pa siyang 20 anyos, gumawa si Harrison ng isang orasang pendulo na halos puro kahoy ang materyales. Nang maglaon, nag-imbento siya ng mga mekanismong nakakabawas ng friction at hindi apektado ng pabagu-bagong temperatura. Ang pinakamahusay na orasan noon sa daigdig ay sumasala nang isang minuto kada araw, pero ang mga orasan ni Harrison ay isang segundo lang kada buwan. *
Pagkatapos, ibinaling ni Harrison ang kaniyang pansin sa hamon kung paano mananatiling wasto ang orasan sa panahon ng paglalayag. Apat na taon niya itong pinag-aralan. Saka siya nagpunta sa London para isumite ang kaniyang naisip na solusyon sa Board of Longitude, na siyang awtorisadong magbigay ng premyo. Doon, nakilala niya ang kilalang manggagawa ng relo na si George Graham, na nagpautang sa kaniya nang walang interes para makagawa siya ng mga orasan. Noong 1735, ipinakita ni Harrison sa Royal Society, isang lupon ng mga kilalang siyentipiko sa Britanya, ang kauna-unahang wastong marine chronometer sa daigdig. Ang orasang ito ay tumitimbang nang 34 na kilo at kumikinang dahil sa tanso.
Nasubukan ang orasan ni Harrison nang maglayag siya patungong Lisbon—hindi sa West Indies, na siyang kahilingan para makuha ang premyo—at maganda ang naging resulta. Puwede na sana niyang hilingin na maglayag na agad patawid ng Atlantiko para ipakitang ang orasan niya ang karapat-dapat sa premyo. Sa katunayan, sa unang pulong ng Board of Longitude, si Harrison lang ang pumuna sa kalidad ng sarili niyang orasan! Pero palibhasa’y perpeksiyonista, sa tingin niya’y mapapahusay pa niya ang disenyo nito. Kaya humiling siya ng kaunti pang pondo at panahon para bumuo ng mas mahusay na orasan.
Gumawa si Harrison ng ilang pagbabago sa kaniyang orihinal na disenyo. Makalipas ang anim na taon, nabuo ni Harrison ang kaniyang
ikalawang chronometer, na tumitimbang nang 39 na kilo, at gustung-gusto ito ng Royal Society. Pero hindi pa rin kontento si Harrison, na ngayo’y 48 anyos na. Bumalik siya sa kaniyang shop at gumugol ng 19 na taon sa pagbuo sa ikatlong chronometer na medyo kakaiba ang disenyo.Habang ginagawa ni Harrison ang ikatlong malaking modelo, may nadiskubre siya. Isang manggagawa rin ng relo ang nakabuo ng maliit na relo batay sa disenyo ni Harrison. Noon, inaakala ng marami na mas wasto ang malalaking orasan kaysa sa maliliit na relo. Pero namangha si Harrison sa kawastuan ng relong iyon. Kaya nang maisaayos din sa wakas ang pagtawid sa Atlantiko noong 1761, ang ikaapat na disenyo ang ginamit niya—isang chronometer na isang kilo lang ang bigat at katulad ng isang maliit na relo. Sinabi di-umano ni Harrison: “Laking pasasalamat ko sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat na humaba ang buhay ko para kahit paano’y mabuo ko ito.”
Hindi Patas na Desisyon
Pero noong panahong iyon, malapit nang matukoy ng mga astronomo ang tamang pagkalkula sa longhitud. Bukod diyan, astronomo ang nangunguna sa lupon ng mga hukom na awtorisadong magbigay ng premyo, si Nevil Maskelyne. Nasubukan ang orasan ni Harrison nang maglayag siya patawid ng Atlantiko sa loob ng 81 araw. Ang resulta? Ang orasan ay sumala lang nang limang segundo! Gayunpaman, hindi agad ibinigay ng lupon ang premyo dahil may nalabag daw na ilang tuntunin at tsamba lang ang kawastuan ng orasan. Dahil dito, maliit na bahagi lang ng premyo ang natanggap ni Harrison. Samantala, noong 1766, naglathala si Maskelyne ng mga tsart ng tinatayang mga posisyon ng buwan na tutulong para makalkula ang longhitud sa loob lang ng kalahating oras. Nag-alala si Harrison na baka angkinin ni Maskelyne ang premyo.
Pagkatapos, noong 1772, pumasok sa eksena si Kapitan James Cook. Sa ikalawa niyang makasaysayang paglalayag, gumamit si Cook ng relong gaya ng kay Harrison, at sinabi niyang nahigitan nito ang mga inaasahan. Si Harrison naman, na ngayo’y 79 anyos na, ay dismayadung-dismayado sa Board of Longitude kaya dumulog siya sa hari ng Inglatera. Dahil dito, natanggap ni Harrison ang balanse ng premyo noong 1773, bagaman hindi kailanman naging opisyal ang pagkapanalo niya. Namatay si John Harrison pagkaraan ng tatlong taon, sa kaniyang ika-83 kaarawan.
Sa loob lang ng ilang taon, mabibili na ang mga marine chronometer sa halagang 65 pounds lang. Oo, nalutas ang komplikadong problema ng pagkalkula sa longhitud dahil sa talino at dedikasyon ng isang karpinterong taganayon.
[Talababa]
^ par. 13 Sa tulong ng kaniyang kapatid, ilang gabing sinukat ni Harrison ang kawastuan ng kaniyang orasan sa pamamagitan ng pagmamarka sa eksaktong oras kung kailan natatakpan ng tsiminea ng kapitbahay ang ilang partikular na bituin.
[Dayagram/Larawan sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pagkalkula sa iyong longhitud gamit ang oras
6:00 N.U. 12:00 N.T.
HILAGANG AMERIKA BRITANYA
[Larawan sa pahina 22]
Manggagawa ng relo na si John Harrison
[Credit Line]
SSPL/Getty Images
[Larawan sa pahina 22]
Unang disenyo ni Harrison—chronometer na 34 na kilo
[Credit Line]
National Maritime Museum, Greenwich, London, Ministry of Defence Art Collection
[Larawan sa pahina 22]
Ikaapat na disenyo ni Harrison—chronometer na isang kilo (hindi eksaktong laki)
[Credit Line]
SSPL/Getty Images
[Picture Credit Lines sa pahina 20]
Ship in distress: © Tate, London/Art Resource, NY; compass: © 1996 Visual Language