Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Canoe—Pinakapraktikal na Sasakyan sa Canada

Canoe—Pinakapraktikal na Sasakyan sa Canada

Canoe​—Pinakapraktikal na Sasakyan sa Canada

TINAWID ng manggagalugad na Pranses na si Samuel de Champlain ang Karagatang Atlantiko at naglayag sa ilog ng St. Lawrence sa Canada. Hindi pa man siya nakakalayo, napaharap siya sa malaking hadlang sa Montreal: ang Lachine Rapids. Bale-wala ang anumang pagtatangkang salubungin ang malakas na agos sa mabatong bahaging iyon, ang isinulat niya noong 1603. Imposible namang maglakad dahil napakasukal ng gubat. Kaya paano nagpatuloy sa paglalakbay si Champlain at ang kaniyang mga tauhan?

Ginaya nila ang mga katutubong gumagamit ng canoe. “Gamit ang mga canoe,” ang sabi ni Champlain, “mabilis at malayang makakapaglakbay ang isa sa buong bansa, sa maliliit man o malalaking ilog.”

Ang Pinakapraktikal na Sasakyan

Sa Canada, ang mga lawa at ilog ang pinakahaywey at ang mga canoe naman ang pinakapraktikal na sasakyan. Sa tulong nito, ang mga Katutubong Amerikano ay nakakapaglakbay, nakakapangaso, at nakapagbibiyahe ng mga produkto. Siyempre pa, iba-iba ang disenyo at pagkakagawa ng mga canoe, depende sa paggagamitan at sa likas na materyales. Halimbawa, ang mga tao sa kanlurang baybayin ng Canada ay gumagawa ng mga dugout canoe sa pamamagitan ng pag-uka sa pagkalalaking troso ng red cedar. Pagkatapos, pinupuno ito ng tubig at mainit na bato para lumambot ang kahoy at madaling maiporma. Ang ilan sa mga canoe na ito ay nakakapagkarga nang hanggang dalawang tonelada. Mabilis at ligtas sakyan ang mga ito kahit sa dagat, kung saan ginagamit ito sa panghuhuli ng malalaking mamalya, gaya ng balyena.

Marahil, ang pinakakilalang canoe sa Hilagang Amerika ay ang birch-bark canoe, na gawa sa balat ng punong birch. Sa tulong ng substansiyang tinatawag na betulinol, matibay at hindi napapasok ng tubig ang kahoy ng birch. Katangi-tangi ang katatagan nito at pagiging madaling mabaluktot. “Di-tulad ng canoe na gawa sa kahoy at kambas, kayang sumuong ng birchbark canoe sa mga bahagi ng ilog na malakas ang agos at mabato,” ang paliwanag ni David Gidmark, isang gumagawa ng canoe.

Kasama sa mga materyales sa paggawa ng birch-bark canoe ang kahoy ng birch, kahoy ng sedro, ugat ng spruce, at resina ng puno. Dahil lahat ng ito ay makikita sa gubat, madaling kumpunihin ang canoe. Bukod diyan, magaan ang mga bangkang ito, kaya madaling buhatin kapag umiiwas sa mapanganib na mga bahagi ng ilog at sa iba pang hadlang. Palibhasa’y para lang nabuwal na puno na nabubulok, ang mga itinapon nang canoe ay hindi nakakasamâ sa kalikasan.

Kahanga-hanga ang paraan ng paggawa ng canoe. Ang mga katutubo ay “hindi gumagamit ng pako at turnilyo, lahat ay tinatahi at tinatali,” ang ulat ng isang tagapagmasid noong ika-19 na siglo. “Ang mga dugtungan, tahi, at buhol ay pulidung-pulido, matibay, at maganda, anupat wala ka nang mahihiling pa.”

Bago magkaroon ng mga tren sa Canada, ang canoe ang pinakamabilis at pinakamaaasahang uri ng transportasyon sa malaking bahagi ng Canada. At kahit may mga tren na, hindi agad nalaos ang canoe, dahil madalas na tren at canoe ang sinasakyan ng mga tao kapag naglalakbay.

Napakahalaga ng canoe sa buhay noon ng mga taga-Hilagang Amerika. Sa katunayan, naimpluwensiyahan nito ang kultura at paniniwala ng mga katutubo. Halimbawa, ayon sa ilang alamat, canoe​—hindi ang arka na binanggit ng Bibliya​—ang sinakyan ng mga nakaligtas sa isang malaking baha.

Ang Canoe Ngayon

Popular pa rin sa Canada ang canoe. Pero halos sa libangan na lang ito ginagamit. Nakalulungkot, unti-unti nang nauubos ang mga punong ginagamit sa matitibay na birch-bark canoe. Subalit mayroon namang ibang materyales, gaya ng aluminyo, kambas, kahoy, at fiberglass.

Ganito ang sinabi ni Bill Mason, isang kilalang gumagamit ng canoe: “Ang pamamangka sa mga sinaunang daluyang-tubig gamit ang canoe ay isang mainam na paraan para manumbalik ang ating kaugnayan sa kalikasan at sa Maylalang na gumawa sa lahat ng ito, matagal na panahon na ang lumipas.” Marami ang tiyak na sasang-ayon diyan!

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

KAYAK

Ang mga Inuit ay nakatira sa bahagi ng Canada na walang gubat. Pero nakagawa pa rin sila ng bangka. Paano? Ang mga likas na materyales nila ay balat ng poka at ng malalaking usa, at mga buto at kahoy na inanod sa baybayin ng Artiko. Taba ng hayop naman ang ginagamit nila para hindi pasukin ng tubig ang mga bangka. Ang resulta? Kayak.

Di-gaya ng pangkaraniwang canoe, ang kayak ay may takip na nagsisilbing proteksiyon mula sa iba’t ibang elemento. Tumutulong din ito para hindi masyadong pasukin ng tubig ang kayak kapag tumataob ito. Sa ngayon, ang mga kayak ay kadalasan nang gawa sa fiberglass at iba pang sintetikong materyales.

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Library of Congress