Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tibok ng Puso

Tibok ng Puso

Tibok ng Puso

● Ang iyong puso ang sentro ng sistema ng sirkulasyon ng dugo at wala itong tigil sa pagtatrabaho. Sa katunayan, ang puso ng isang adulto ay tumitibok nang mahigit 100,000 beses bawat araw. Kahit nagpapahinga ka, kumakayod nang husto ang mga kalamnan ng puso​—doble-kayod pa nga kung ihahambing sa kalamnan ng iyong paa kapag tumatakbo ka. At kung kinakailangan, kayang doblehin ng puso ang bilis ng tibok nito sa loob lang ng wala pang limang segundo. Sa mga adulto, ang nabobombang dugo ng puso ay naglalaro sa pagitan ng 5 litro kada minuto​—ang tinatayang dami ng dugo sa katawan​—at 20 litro kada minuto kapag nag-eehersisyo.

Ang tibok ng iyong puso ay kontrolado ng kamangha-manghang sistema ng nerbiyo. Tinitiyak ng sistemang ito na maunang sumara ang mga upper chamber (atrium) ng puso bago ang mga lower chamber (ventricle) nito. Paano? Inaantala nito ang pagsasara ng mga ventricle nang wala pang isang segundo. Sa katunayan, ang dug-dug na tunog na naririnig ng mga doktor sa kanilang stethoscope ay nagmumula sa sumasarang mga balbula ng puso, hindi mula sa pumipintig na kalamnan ng puso.

Isang Bilyong Tibok

Karaniwan na, kapag mas malaki ang hayop, mas mabagal ang tibok ng puso. Kapag mas maliit, mas mabilis ang tibok ng puso. Halimbawa, ang puso ng elepante ay tumitibok sa aberids na 25 beses kada minuto, samantalang ang puso ng canary ay mga 1,000 beses kada minuto! Sa mga tao, ang bilis ng tibok ng puso ng isang bagong-silang na sanggol ay mga 130, samantalang ang adulto naman ay 70 o higit pa.

Ang puso ng karamihan ng mga mamalya ay tumitibok sa aberids na mga isang bilyong beses sa buong buhay nila. Kaya ang daga, na may pusong tumitibok nang 550 beses kada minuto, ay nabubuhay nang hanggang 3 taon; samantalang ang isang blue whale, na mga 20 beses lang kada minuto ang tibok ng puso, ay umaabot nang mahigit 50 taon. Subalit iba sa tao. Kung ibabatay sa bilis ng tibok ng puso natin, aabot lang sana tayo nang mga 20 taon. Pero ang isang malusog na puso ng tao ay puwedeng tumibok nang tatlong bilyong beses o higit pa, kaya umaabot tayo nang mahigit 70 o 80 taon! *

Gayunpaman, walang isa man sa atin ang gustong malimitahan ang kaniyang buhay sa espesipikong bilang ng tibok ng puso, dahil gusto talaga nating lahat na mabuhay nang walang hanggan. Sa katunayan, natural lang na gustuhin natin ito dahil binigyan tayo ng Diyos ng ganitong pagnanais. Bukod diyan, malapit nang alisin ang kasalanan​—na siyang sanhi ng kamatayan. (Roma 5:12) Kaya “hindi na magkakaroon ng kamatayan,” ang sabi ng Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

^ par. 6 Ang mga ito ay batay sa pagtantiya. Ang aberids na bilis ng tibok ng puso at haba ng buhay ng bawat nilalang ay maaaring magkakaiba.

[Dayagram/Larawan sa pahina 29]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DAYAGRAM NG PUSO

Kanang atrium

Kaliwang atrium

Kanang ventricle

Kaliwang ventricle