Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Bakit Ko Dapat Pangalagaan ang Aking Kalusugan?
Lagyan ng ✔ ang tunguhing gusto mong maabot.
◯ Magbawas ng timbang
◯ Gumanda ang kutis
◯ Maging mas masigla
◯ Maging mas alisto
◯ Bawasan ang kabalisahan
◯ Kontrolin ang galit
◯ Magkaroon ng higit na kumpiyansa
MAY mga bagay sa buhay na hindi nakadepende sa iyo—ang mga magulang mo, mga kapatid, tirahan, at iba pa. Pero kung kalusugan ang pag-uusapan, maaaring nakadepende ito sa iyong genes at lifestyle. *
‘Pero ang bata ko pa para isipin ang kalusugan ko!’ baka sabihin mo. Gayon nga kaya? Tingnan mo ang listahan ng mga tunguhin sa itaas. Ilan ang nilagyan mo ng tsek? Maniwala ka man o hindi, napakahalaga ng magandang kalusugan para maabot ang mga tunguhing iyan.
“Hindi ko kaya kung puro whole wheat at low-fat at sugar-free na pagkain ang kakainin ko,” ang sabi ng 17-anyos na si Amber. * Sabihin na nating ganiyan din ang nadarama mo. Pero huwag kang mag-alala. Hindi mo kailangang maging panatiko sa kalusugan, huminto sa pagkain ng matatamis, o mag-jogging nang malayo bawat linggo. Baka nga ilang simpleng bagay lang ang kailangan mong baguhin para gumaan ang iyong pakiramdam, maging masigla, at hindi tumaba. Tingnan natin kung ano ang ginawa ng ibang kabataan.
Kumain Nang Tama at Hindi Ka Tataba!
Inirerekomenda ng Bibliya na maging katamtaman sa ating pagkain. “Huwag kang . . . masyadong matakaw,” ang sabi ng Kawikaan 23:20. (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Hindi laging madaling sundin ang payong iyan.
● “Tulad ng maraming tin-edyer, lagi akong gutom. Sabi nga ng mga magulang ko parang wala akong kabusugan!”—Andrew, 15.
● “Parang wala namang epekto sa akin ang ilang kinakain ko, kaya wala naman sigurong masama dito.”—Danielle, 19.
Kailangan mo ba ng higit na pagpipigil pagdating sa pagkain?
Narito ang ilang hakbang na nakatulong sa ibang kabataan.Pakinggan ang tiyan mo. “Dati, nagbibilang pa ako ng kalori,” ang sabi ng 19-anyos na si Julia, “pero ngayon, tumitigil na lang ako sa pagkain kapag busog na ako.”
Iwasan ang di-masustansiyang mga pagkain. “Nang tigilan ko ang softdrinks,” ang sabi ng 21-anyos na si Peter, “limang kilo agad ang nabawas sa timbang ko sa loob lang ng isang buwan!”
Baguhin ang di-magandang kaugalian sa pagkain. “Sinisikap kong huwag nang kumuha uli ng pagkain kapag naubos ko na ang nasa plato ko,” ang sabi ni Erin, 19 anyos.
Sekreto sa Tagumpay: Huwag lumiban sa pagkain, dahil lalo ka lang magugutom at mapaparami ng kain!
Laging Mag-ehersisyo at Gagaan ang Pakiramdam Mo!
Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang.” (1 Timoteo 4:8) Pero maraming kabataan ang tinatamad mag-ehersisyo.
● “Noong haiskul ako, halos lahat ay bumagsak sa klase sa gym, samantalang iyon ang pinakamadaling klase bukod sa recess!”—Richard, 21.
● “Iniisip ng iba, ‘Bakit kailangan mo pang magpawis at magpagod sa katatakbo sa init ng araw kung puwede ka namang maglaro ng video game na kunwari’y iyon din ang ginagawa mo?’ ”—Ruth, 22.
Marinig mo pa lang ba ang salitang “ehersisyo,” napapagod ka na? Kung oo, tingnan ang tatlong kapakinabangan ng regular na pag-eehersisyo.
Kapakinabangan #1. Pinalalakas ng ehersisyo ang iyong katawan para malabanan ang sakit. “Laging sinasabi ng tatay ko, ‘Kung wala kang panahon sa ehersisyo, magkakasakit ka at lalo kang mawawalan ng panahon sa ibang bagay,’ ” ang sabi ni Rachel, 19 anyos.
Kapakinabangan #2. Tinutulungan ng ehersisyo ang utak na maglabas ng mga kemikal na magpaparelaks sa iyo. “Malaking tulong ang pagtakbo kapag marami akong iniisip,” ang sabi ni Emily, 16 anyos. “Gumagaan kasi ang pakiramdam ko.”
Kapakinabangan #3. Puwedeng maging libangan ang pag-eehersisyo. “Ayokong nasa bahay lang ako,” ang sabi ni Ruth, 22 anyos, “kaya kasama sa ehersisyo ko ang pamimisikleta, hiking, swimming, at snowboarding.”
Sekreto sa Tagumpay: Mag-iskedyul ng kahit 20 minuto, tatlong beses bawat linggo para sa ehersisyong gustung-gusto mo.
Matulog Nang Maaga at Magiging Masigla Ka!
Sinasabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng Eclesiastes 4:6) Kapag kulang ka sa tulog, hindi ka makakagawa nang maayos.
pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (● “Kapag kulang ako sa tulog, . . . nahihirapan akong mag-concentrate!”—Rachel, 19.
● “Alas-dos pa lang ng hapon, pagód na pagód na ako, kaya halos makatulog ako kahit may kausap ako!”—Kristine, 19.
Kulang ka ba sa tulog? Narito ang ginawa ng ilang kabataan.
Matulog nang maaga. “Sinisikap kong matulog nang maaga-aga,” ang sabi ni Catherine, 18 anyos.
Huwag magpagabi nang husto sa pakikipagkuwentuhan. “Kung minsan, gabing-gabi na kung tumawag o mag-text ang mga kaibigan ko,” ang sabi ng 21-anyos na si Richard, “pero alam ko na ngayon kung paano puputulin ang pag-uusap para makatulog ako nang maaga.”
Huwag pabagu-bago. “Sinisikap ko na ngayon na huwag magpabagu-bago ng oras ng pagtulog at paggising,” ang sabi ni Jennifer, 20 anyos.
Sekreto sa Tagumpay: Sikaping matulog nang walo hanggang sampung oras gabi-gabi.
Alin sa tatlong bagay na tinalakay sa artikulong ito ang kailangan mong bigyang-pansin?
◯ pagkain ◯ ehersisyo ◯ tulog
Isulat sa ibaba ang hakbang na makakatulong sa iyo sa bagay na ito.
․․․․․
Malaki ang maitutulong ng mga simpleng hakbang na ito para mapangalagaan mo ang iyong sarili. Tandaan, tutulong ang magandang kalusugan para gumaan ang iyong pakiramdam, maging masigla, at hindi tumaba. At di-gaya ng ilang bagay sa buhay, ang kalusugan mo ay nakadepende sa iyo. Gaya ng sinabi ng 19-anyos na si Erin, “Ang iyong kalusugan ay nakadepende sa iisang tao—sa iyo.”
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 11 Alam nating marami ang may karamdaman o kapansanan, at wala silang magawa. Makakatulong sa kanila ang artikulong ito na mapangalagaan ang kanilang kalusugan sa abot ng kanilang makakaya.
^ par. 13 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
PAG-ISIPAN
● Paano makakaapekto sa iyong kumpiyansa sa sarili ang pangangalaga mo sa iyong kalusugan?
● Paano ka magiging makatuwiran pagdating sa iyong kalusugan?—Filipos 4:5.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 13]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Ang katawan ng tao ay parang sasakyan—nasa may-ari na kung paano niya ito iingatan. Iyan ang isang dahilan kung bakit gusto kong mag-ehersisyo.”
“Maganda kung may kasama ka sa pag-eehersisyo, kasi mapipilitan kang mag-ehersisyo dahil ayaw mo siyang madismaya.”
“Ang sarap ng pakiramdam kapag nag-eehersisyo ako. At kapag gumaganda na ang figure ko, aba, ang laking tulong n’un sa kumpiyansa ko!”
[Mga larawan]
Ethan
Briana
Emily
[Kahon sa pahina 14]
“BINAGO KO ANG LIFESTYLE KO”
“Anim na taon pa lang ako, medyo mataba na ako. Pagkatapos, ang paunti-unting meryenda ay nauwi sa laging pagkain! Kahit kailan, hindi ako nag-ehersisyo—ayoko kasi. Hindi ko namamalayan, ang taba-taba ko na pala, na ayoko namang mangyari. Inis na inis ako sa hitsura ko! Paminsan-minsan, sinusubukan kong magbawas ng timbang sa pamamagitan ng pagdidiyeta, pero balik pa rin sa dati. Kaya noong 15 anyos na ako, sabi ko sa sarili ko, ‘Tama na!’ Gusto kong magbawas ng timbang sa tamang paraan—isang paraan na magagawa ko nang tuluy-tuloy. Bumili ako ng libro tungkol sa tamang nutrisyon at pag-eehersisyo, at sinunod ko ang mga nabasa ko. Determinado ako na kahit sumablay ako paminsan-minsan o masiraan ng loob, hindi ako susuko. At epektibo ito. Sa loob lang ng isang taon, 25 kilo ang nabawas sa timbang ko! Dalawang taon na akong ganito. Akala ko, wala na akong pag-asa! Sa palagay ko, hindi lang pagkain ang dahilan kung bakit ako nagtagumpay—binago ko ang lifestyle ko. Nang maunawaan kong malaki ang magiging epekto nito sa buhay ko, inihanda ko na ang sarili ko na gumawa ng kinakailangang pagbabago.”—Catherine, 18.
[Larawan sa pahina 14]
Ang iyong kalusugan ay parang sasakyan—masisira ito kung hindi mo iingatan