Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinanigan ng Korte sa Espanya ang Karapatan ng Isang Ina

Pinanigan ng Korte sa Espanya ang Karapatan ng Isang Ina

Pinanigan ng Korte sa Espanya ang Karapatan ng Isang Ina

● Ano ang mararamdaman mo kapag kinuwestiyon ang iyong pagiging mabuting ina? Paano kung may magsabi na dahil sa iyong impluwensiya, ang mga anak mo ay hindi marunong makipagkapuwa-tao, hindi makakilala ng tama at mali, at mapurol ang isip?

Si Rosa López, ina ng dalawang batang babae sa Espanya, ay pinaratangan ng ganito sa korte ng dati niyang asawa para makuha nito ang karapatan sa pangangalaga sa kanilang mga anak. Si Rosa ay Saksi ni Jehova at iginiit ng dati niyang asawa na ang kaniyang relihiyosong paniniwala ay may masamang epekto sa pakikipagkapuwa-tao, pag-aaral, at pangmalas ng kanilang mga anak sa kung ano ang tama at mali. Nang matalo sa lokal na korte, umapela ang asawa ni Rosa sa korteng panlalawigan.

Kung tungkol sa usapin sa pangangalaga sa anak, masasabing tama ang paglilitis kung sinisikap ng korte na manatiling patas; hindi ito sasangkot sa debate sa relihiyon na parang sinusubok ang pananampalataya ng isa. Kailangan lang isaalang-alang nito ang mga tanong na gaya ng: Ano ang pinakamabuti para sa bata? May masama bang impluwensiya sa paanuman ang nag-aalagang magulang? Sino sa mga magulang ang karapat-dapat mangalaga sa anak?

Para malaman ang sagot sa mga tanong na ito sa kaso ni Rosa, kumuha ang korte ng isang sikologo para interbyuhin ang mga bata at mga magulang. Ang resulta? Nakita ng sikologo na bagaman anim na taon nang nasa pangangalaga ng ina ang mga bata, lumaki silang tama​—nakapag-aaral sila at marunong silang makipagkapuwa-tao sa loob at labas ng pamilya. Batay sa pagsusuri ng sikologo at testimonya ng mga magulang, walang nakita ang hukom na nagpapahiwatig na “dahil lumaki ang mga bata sa turo ng mga Saksi ni Jehova, napabayaan sila sa kanilang emosyonal na pangangailangan o hindi naturuang makitungo sa mga tao.” Sinabi rin ng hukom na ang mga akusasyon ng dating asawa ni Rosa ay “di-makatuwiran at walang basehan.”

Dahil sa diskriminasyon at maling impormasyon, iniisip ng ilan na napagkakaitan ng “normal” na buhay ang mga batang Saksi ni Jehova. Pero ang mga batang pinalaki sa mga simulain ng Bibliya ay hindi napagkakaitan ng anuman. Sa kabaligtaran, sila ay tinuturuang maging balanse, mapagmahal, at marunong sa buhay.​—Efeso 6:4; 2 Timoteo 3:15-17.

[Larawan sa pahina 14]

Si Rosa López pa rin ang binigyan ng karapatang mangalaga sa kaniyang dalawang anak na babae