Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Halika at Kilalanin Natin ang mga Batak

Halika at Kilalanin Natin ang mga Batak

Halika at Kilalanin Natin ang mga Batak

Nang si Marco Polo, isang Italyanong manggagalugad noong ika-13 siglo, ay makarating sa isla ng Sumatra sa Indonesia, inilarawan niya na may mga “taong-burol” doon na “parang mga hayop at kumakain ng laman ng tao.” Sinasabing ang mga taong tinutukoy niya ay ang mga Batak. Pero ibang-iba ang tingin naming mag-asawa sa kanila. Kilalanin sila, ang mga taong napamahal na sa amin.

“HORAS!” Iyan ang mainit na pagbati sa amin ng bagong mga kaibigan naming Batak nang dumating kami sa North Sumatra sa Indonesia, ang aming bagong teritoryo bilang misyonero. Malapit ito sa Lawa ng Toba, isa sa pinakamaganda at dinadayong tanawin sa Sumatra. Sa buong daigdig, ang Lawa ng Toba ang pinakamalaking lawa sa bulkan. Ito ang pinakasentro ng pamayanan ng mga Batak.​—Tingnan ang  kahon sa ibaba.

Ang Batak ay isa sa pinakamalalaking grupo ng katutubo sa Indonesia. Tinatayang walong milyon ang mga Batak. Sila ang bumubuo sa marahil ay anim na grupong etniko na halos magkakamag-anak​—Toba, Simalungun, Karo, Dairi, Angkola, at Mandailing. Ang bawat grupo ay binubuo ng malalaking angkan. Kapag nagkikita-kita, ang unang tanong nila ay, “Anong angkan ka?” Madali nilang natutunton kung magkamag-anak sila.

Tradisyon sa Pag-aasawa

Ang pag-aasawa ng mga Batak ay pagsasama, hindi lang ng dalawang tao, kundi ng dalawang angkan. Itinuturing na bagay maging mag-asawa ang magpinsan sa ina. Pero mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aasawa sa pagitan ng magpinsan sa ama, o sa magkaparehong angkan. Kaya ganito ang kaayusan nila sa pag-aasawa: Ang mga lalaki sa angkan A ay kukuha ng asawa sa angkan B, ang mga lalaki sa angkan B ay kukuha ng asawa sa angkan C, at ang mga lalaki sa angkan C ay kukuha ng asawa sa angkan A. Pinatitibay ng kaayusang ito ang buklod ng mga Batak at pinalalaki ang angkan ng bagong kasal.

Kahit ang mga mag-asawang Batak ay legal na ikinasal at may mga anak na, hindi ito kinikilala hangga’t hindi sila nagpapakasal ayon sa tradisyon ng angkan. Magarbo ang seremonya sa kasalan. Daan-daang kamag-anak ang nakikibahagi at maaari itong tumagal nang ilang oras.

Halimbawa, sa mga kasalan ng katutubong Karo, ang dote ng pamilya ng nobyo ay binibilang munang mabuti at ipinamamahagi sa espesipikong mga grupo sa bawat angkan ng nobya. Saka pa lang itutuloy ang seremonya. Ang mga miyembro ng angkan ay nagbibigay ng mahahabang sermon na pinakikinggan namang mabuti ng ikinakasal. Hindi makukumpleto ang kasalan kung walang salu-salo at sayawan.

Paraiso sa mga Magsasaka

Noon, sama-samang nakatira ang maraming pamilyang Batak sa isang malaki at mahabang bahay na may bubong na hugis-sungay ng bupalo. Ang ilan sa magagarbong bahay na ito​—na yari sa kahoy, kawayan, at himaymay ng kaong​—ay may mga tukod at sapat ang laki para sa 12 pamilya. Hindi ito ginagamitan noon ng pako. Maraming bahay na itinayo 300 taon na ang nakalipas ay natitirhan pa rin. Sa silong ng bahay makikita ang mga alagang hayop​—baka, manok, aso, baboy, at kalabaw.

Ang pangunahing ikinabubuhay ng mga Batak ay pagsasaka, pangingisda, pag-aalaga ng hayop, at turismo. Oo, isang paraiso para sa mga magsasaka ang palibot ng Lawa ng Toba. Sa itaas ng lawa, makikita ang hagdan-hagdan at berdeng palayan. May mga tanim na kape, prutas, at mga pampalasa sa gilid ng mayayabong na hardin ng gulay na nasa mataba at itim na lupa ng bulkan. Ang mga mangingisda naman na sakay ng bangka ay saganang umaani mula sa malamig at malinaw na tubig ng lawa.

Tuwing hapon, masayang nagtatampisaw at lumalangoy ang mga bata sa lawa, nag-uumpukan ang mga lalaki sa mga kapihan, at maririnig ang himig ng musika sa malamig na gabi. Oo, ang mga Batak ay kilala sa kanilang malakas at madamdaming pag-awit. Mahilig din silang sumayaw​—hiwalay ang lalaki sa babae​—at napakagandang tingnan ng galaw ng kanilang mga braso at kamay.

Kontrobersiyal na Nakalipas

Mula nang panahon ni Marco Polo hanggang noong ika-19 na siglo, ipinapakita ng mga ulat na ang mga Batak ay mababangis na kanibal. Kinakain nila ang mga kriminal at kalabang mandirigma. Pero ang ilang “nakapangingilabot na detalye ng kanibalismo ay posibleng gawa-gawa lang ng mga Batak para hindi pasukin ng mga tagalabas ang kanilang lupain,” ang sabi ni Leonard Y. Andaya, isang propesor sa kasaysayan. Anuman ang totoo, “noong ika-19 na siglo, ipinagbawal ng pamahalaan ng Olandes sa mga rehiyong sakop nila ang kanibalismo,” ang sabi sa aklat na The Batak​—Peoples of the Island of Sumatra.

Ang mga Batak ay mga animista at sumasamba sila sa maraming diyos at espiritu. Sila ay nagsasagawa ng ritwal na paghahain, nakikipag-ugnayan sa mga patay, nanghuhula, at nangkukulam. Inirekord nila ang kanilang mga panghuhula, bulong, awit, mahika, at pormula sa panggagamot sa isang aklat na gawa sa balat ng punungkahoy na may habang hanggang 15 metro at itinuping gaya ng pamaypay. Gumagamit sila ng sagradong tela na may palamuti para itaboy ang masasamang espiritu at hulaan ang hinaharap.

Ayon sa mga rekord, noong 1824, ang mga Batak ay pinuntahan ng mga Baptist na sina R. Burton at N. Ward, unang mga misyonero mula sa Kanluran. Pagkalipas ng sampung taon, nang tinatangkang sakupin ng mga Olandes ang ilang bahagi ng lupain ng mga Batak, dumating naman doon ang dalawang misyonerong Amerikano na sina H. Lyman at S. Munson, pero di-nagtagal ay pinatay sila. Maaaring gayon din ang nangyari sa dalawang misyonerong Katoliko na hindi nakinig sa babalang huwag pumunta sa mapanganib na mga lugar.

Gayunman, ang misyonerong Aleman na si Ludwig Nommensen, na dumating noong 1862, ay hindi napatay at nakatulong nang malaki sa mga Batak. Sa katunayan, hindi pa rin siya nalilimutan ng maraming tagaroon. Sa ngayon, karamihan sa mga Batak ay nagsasabing Kristiyano sila. At karamihan sa iba pa ay nag-aangking Muslim o animista. Magkagayunman, marami pa rin ang sumusunod sa kanilang mga tradisyon.

Naabot ng Tunay na Mabuting Balita

Noong mga 1936, dumating sa lupain ng mga Batak ang mga Saksi ni Jehova dala ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, na inihula ni Jesus na ipangangaral “sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Tinanggap ng maraming Batak ang salig-Bibliyang mensaheng ito at iniwan ang kanilang mga pamahiin. Ngayon, mayroon nang mga 30 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa rehiyong ito.​—Tingnan ang  katabing kahon.

Kapag nangangaral kaming mag-asawa ng mabuting balita sa mga tagaroon, madalas naming nakakausap ang mga turista na humahanga sa tanawin ng Lawa ng Toba at sa magandang klima nito. Sang-ayon kami sa kanila. Pero sinasabi namin na ang talagang maganda rito ay ang mga tao​—ang mabait at palakaibigang mga Batak.

[Kahon sa pahina 17]

 MALAMIG NA LAWA NA MAY MAAPOY NA PINAGMULAN

Ang Lawa ng Toba ay may habang 87 kilometro at may lapad na 27 kilometro. Sa buong daigdig, ito marahil ang pinakamalaking lawa na nasa bunganga ng bulkan. Sapat ang tubig nito para matakpan ang buong United Kingdom sa lalim na mga isang metro. Matatagpuan ito sa gitna ng maberdeng tuktok ng bulkan na bahagi ng Kabundukan ng Barisan. Kahit saang anggulo, ang lawang ito ay napakagandang kunan ng larawan.

Lumitaw ang lawang ito matapos ang isa o higit pang malakas na pagsabog ng bulkan, na ayon sa mga siyentipiko ay posibleng isa sa pinakamalakas sa buong kasaysayan. Sa paglipas ng panahon, napuno ng tubig ang napakalaking hukay na kilala ngayon bilang Lawa ng Toba. Dahil sa sumunod na mga pagyanig sa ilalim ng lawa, nabuo ang napakagandang Isla ng Samosir, na may lawak na 647 kilometro kuwadrado, halos kasinlaki ng Republika ng Singapore.

[Kahon sa pahina 18]

PARAISONG MAY KATAMTAMANG KLIMA

Ang Lawa ng Toba ay mga 300 kilometro lamang mula sa ekwador, pero nakapagtatakang ang klima rito ay malamig. Ang taas kasi ng lawa sa kapantayan ng dagat ay 900 metro. Nakapalibot sa paraisong ito na katamtaman ang klima ang mayayabong na puno ng kaong at pine tree.

Sa magkabilang panig ng lawa, maraming nakatirang iba’t ibang hayop. Halimbawa, may mga oranggutan, white-handed gibbon, at Thomas’ leaf monkey sa hilaga ng lawa, at may mga tapir, tarsier, at banded leaf monkey naman sa timog.

[Kahon/Larawan sa pahina 19]

 ESPIRITISTA NOON, TUNAY NA KRISTIYANO NA NGAYON

Si Nursiah ay isang Batak na ḍukun, o doktor-kulam. Gumagamit siya ng mahika para magpagaling ng sakit, magpalayas ng masamang espiritu, at makipag-ugnayan sa mga “patay.” * Malakas siyang kumita at kahit mangkukulam siya, iginagalang pa rin siyang miyembro ng isang simbahang Protestante.

Nang makausap si Nursiah ng mga Saksi ni Jehova, nagulat siya na ang pangalan pala ng Diyos ay Jehova. (Awit 83:18) Nang maglaon, nabasa niya sa Bibliya na iniwan ng marami sa mga naging mananampalataya noong unang siglo ang pagsasagawa ng mahika. Sinunog nila ang kanilang mga aklat tungkol sa espiritismo para tanggapin ng Diyos ang pagsamba nila. (Gawa 19:18, 19) Sa kabila ng matinding pagsalansang, nagpasiya siyang gayon din ang gawin at lubusang nagtiwala sa sinabi ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:32.

Sa ngayon, si Nursiah at ang anak niyang si Besli ay mga bautisadong Saksi na, at ang asawa niyang si Nengku ay regular na dumadalo sa mga pulong Kristiyano. “Ngayong naglilingkod na ako kay Jehova, di-hamak na mas maganda ang buhay ko!” ang sabi ni Nursiah. “Noong isa akong ḍukun, inaasam kong malaman ang katotohanan. Ngayon, talagang kontento na ako.”

[Talababa]

[Larawan]

Si Nursiah kasama ang kaniyang asawa at anak

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Sumatra

Lawa ng Toba

[Credit Line]

Based on NASA/Visible Earth imagery

[Larawan sa pahina 16, 17]

Kuha ng Lawa ng Toba mula sa dalisdis ng Bundok Pusuk Buhit

[Larawan sa pahina 18]

Ang talon ng Sipisopiso sa dulong hilaga ng Lawa ng Toba na may taas na 110 metro