Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Itinaas ng International Agency for Research on Cancer ang klasipikasyon ng mga aparatong gumagamit ng ultraviolet na liwanag para maging tan ang kulay ng balat. Ang klasipikasyong “maaaring maging sanhi ng kanser sa mga tao” ay ginawang “sanhi ng kanser sa mga tao.”—THE LANCET ONCOLOGY, BRITANYA.
Sa Argentina, 9 sa 10 buntis ang ayaw sanang magbuntis.—CLARÍN, ARGENTINA.
“Madalas na nakakatuklas ang mga siyentipiko ng bagong uri ng mga hayop at halaman. Ang mga biyologo ay nakakadiskubre ng mga 50 bawat araw. Noong taóng 2006 lang, halos 17,000 bagong halaman at hayop ang nadiskubre—mga 1% ito ng 1.8 milyong uri na nabigyan na ng pangalan.”—TIME, E.U.A.
Proteksiyon ba ang Pagkakaroon ng Baril?
Proteksiyon ba ang baril sa isang tao kapag may sumalakay sa kaniya? Kadalasan nang hindi, ayon sa isang pag-aaral ng University of Pennsylvania School of Medicine, E.U.A. Nakita ng mga mananaliksik na ang isang taong may baril ay “4.5 beses na mas posibleng mabaril sa isang pagsalakay kaysa sa mga walang baril.” Hindi pa kasali rito ang mga insidenteng may kaugnayan sa mga pulis, pagbaril sa sarili, at di-sinasadyang pamamaril. Ipinakikita ng pag-aaral na napoprotektahan din ng ilang may baril ang kanilang sarili, pero napakaliit ng tsansa na mangyari ito. Ang paniniwala na “depensa [ang pagkakaroon ng baril] kapag may panganib ay dapat pag-usapan at pag-isipang mabuti,” ang sabi ng ulat.
Mga Monghe na May Lipstick
Ang mga bagong monghe sa Thailand ay “nakasisira sa reputasyon ng konserbatibong Budismo” dahil sa pagli-lipstick, pagsusuot ng hapit na robe, “pagkembot kapag naglalakad at pagdadala ng handbag,” ang sabi ng isang ulat mula sa Bangkok. Nababahala ang mga opisyal ng relihiyon sa iginagawi ng mga bagong monghe na homoseksuwal kaya inirekomenda nila na turuan ang mga monghe ng tamang asal. Sinabi ng isang kilalang mangangaral na Budista, na hindi ipinagbabawal ang pagiging homoseksuwal sa mga monghe, “kasi kung gayon, kalahati na lang sa mga monghe ang matitira.”
Tren Para Lang sa Kababaihan
Maraming taon nang nakikipagsiksikan ang kababaihan sa mga tren sa India. Sila ay iniinsulto, hinihipuan, pinanggigigilan, tinititigan, at tsinatsansingan ng mga lalaking pasahero. Dahil sa dumaraming reklamo, nagpasiya ang gobyerno na ipagbawal ang mga lalaki sa ilang tren, ang ulat ng pahayagang The Telegraph sa Calcutta. Kaya sa apat na pinakamalalaking lunsod sa India—New Delhi, Mumbai, Chennai, at Calcutta—may ilang tren na “Para Lang sa mga Babae.” Ayon sa ulat, tuwang-tuwa ang kababaihan.