Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tingnan at Pakinggan ang “Hari ng mga Orasan”

Tingnan at Pakinggan ang “Hari ng mga Orasan”

Tingnan at Pakinggan ang “Hari ng mga Orasan”

NANG masunog ang Palace of Westminster noong 1834, nag-organisa ng kompetisyon ang mga pulitiko sa Britanya. Sino kaya ang makagagawa ng pinakamagandang disenyo para sa bagong gusali ng Parlamento? Napili ang disenyong ginawa ni Sir Charles Barry. Isa itong marangyang palasyo na disenyong Gotiko at may napakagandang tore na may orasan sa apat na gilid nito. Iniutos ng Office of Works ang paggawa ng “isang Hari ng mga Orasan, ang pinakamalaking orasan sa daigdig.”

Ang orasang ito ay isa sa mga tanyag na palatandaan sa London. Maraming tao sa daigdig ang pamilyar sa naiibang tunog nito. Big Ben ang pangalan nito​—bagaman noong una, ang pangalang ito ay tumutukoy lang sa pinakamalaking kampana nito. Ang orasang ito na kilala sa buong daigdig ay talagang maipagmamalaki sa larangan ng inhinyeriya.

Isang Napakalaking Trabaho

Noong 1843, pinasimulang itayo ang tore ng orasan na 96 na metro ang taas. Pagkatapos ng tatlong taon, sinimulan ang paghahanap ng isang bihasang manggagawa na bubuo ng isang orasan na hindi mahuhuli o mauuna nang mahigit sa isang segundo bawat oras. Hindi ito madaling gawin. Dahil ilalagay ang orasang ito sa mataas na tore, mahahantad ang mga kamay nito sa hangin, niyebe, at yelo​—pati na sa dumadapong mga kalapati. Maaaring maapektuhan nito ang galaw ng pendulum na napakahalaga para manatiling tumpak ang orasan. Pinag-usapan ng mga eksperto kung paano ito gagawin. Samantala, ang manggagawa ng orasan na si Edmund Beckett Denison ay nagharap ng isang magandang disenyo. Binuo naman ito ng isang kilalang manggagawa ng orasan.

Pagkalipas ng dalawang taon, tapos na ang orasan, pero nasa gawaan lang ito sa loob pa ng limang taon habang itinatayo ang tore. Noong mga panahong iyon, nag-imbento si Denison ng aparato na magpoprotekta sa pendulum mula sa epekto ng hangin, niyebe, yelo at iba pa para manatiling tama ang orasan.

Ang Simula ng Big Ben

Nang matapos ang mekanismo ng orasan, ginawa naman ang mga kampana. Inihulma ang malaking kampanang bakal sa hilagang-silangan ng Inglatera. Mas malaki ito kaysa sa inaasahan at mahigit 16 na tonelada ang bigat! Sobrang bigat ng kampana kaya nasira ang deck ng barko na magdadala nito sa London. Di-nagtagal, naibiyahe rin ito. Ibinaba ito sa barko at isinakay sa isang pasadyang karwahe na hinihila ng 16 na puting kabayo. Pagkatapos, isinabit ito sa harap ng Parlamento para makita kung gagana ito.

May pangalan ang maraming malalaking kampana at ang dambuhalang kampanang ito ay binansagang Big Ben. Bakit? Walang nakatitiyak. Sabi ng ilan, puwedeng isinunod ito sa pangalan ni Sir Benjamin Hall, isang malaking lalaki na opisyal sa Parlamento. Sinasabi naman ng iba na isinunod ito sa pangalan ni Benjamin Caunt, isang sikat na heavyweight boxer noon. Saanman ito kinuha, ang Big Ben​—na dating tumutukoy lang sa malaking kampana​—ay tumutukoy ngayon sa buong orasan at tore nito.

Nasira Nang Dalawang Beses

Inisip noon na masyadong magaan ang unang pangkalembang ng malaking kampana kaya pinalitan ito ng pangkalembang na ang bigat ay 660 kilo. Pero pagkalipas ng ilang buwan, nagkalamat ang kampana. Kaya binaklas ito, tinunaw, at ginawang isang bagong kampana na may bigat na 13.7 tonelada. Muling dumagsa ang mga tao sa kalsada habang inihahatid ng isang karwahe ang bagong kampana sa Parlamento.

Pagkalipas ng ilang buwan, naitayo na ang tore. Ilang grupo ng mga lalaki ang nagtulung-tulong para maiangat ang malaking kampana sa tore. Nailagay na ang malaking kampana pati na ang apat na maliliit na kampana na tutunog kada 15 minuto. Naipuwesto na rin ang mabigat na mekanismo ng orasan. Sa wakas, handa na ang “Hari ng mga Orasan.” Pero ganoon nga kaya?

Noong Hulyo 1859, nagsimula nang tumunog kada oras ang malaking kampana. Pero hindi ito nagtagal. Pagsapit ng Oktubre, muli itong nagkalamat! Imposible nang maibaba ang kampana mula sa tore. Kaya ipinihit ito nang 90 digri para hindi tamaan ng pangkalembang ang bahaging may lamat. At para hindi na ito magkalamat uli, kinabitan ito ng mas magaan na pangkalembang. Pagkatapos ng tatlong taon, muling gumana ang Big Ben! May lamat pa rin ang malaking kampana, at ito ang dahilan kung bakit naiiba ang tunog nito.

Hindi Malilimutan

Noong 1924, kinabitan ng British Broadcasting Corporation (BBC) ng permanenteng mikropono ang Big Ben at pinasimulang isahimpapawid ang tunog nito. Ito ang nagsasabi ng oras sa buong bansa. Pagkalipas ng walong taon, narinig na rin ang tunog ng Big Ben sa buong British Commonwealth. At sa ngayon, naririnig na ito ng buong daigdig sa pamamagitan ng BBC World Service.

Ang Big Ben ay hindi napinsala ng bomba noong ikalawang digmaang pandaigdig. Pero noong 1976, malaki ang naging pinsala nito nang bumigay ang metal na mekanismong nagpapatunog sa orasan. Gayunman, hindi nasira ang malaking kampana, at ilang linggo lang, narinig na muli ang tunog nito. Inabot nang siyam na buwan ang pagkukumpuni sa orasan.

Sa loob ng ilang panahon, ang Big Ben ang pinakamalaking orasan sa buong mundo, at ito pa rin ang pinakatumpak na pampublikong orasan. Marami ang gumaya sa naiibang tunog nito. Kaya maririnig ito sa maliliit at malalaking orasan sa maraming lupain. Hindi nakapagtataka na ang Big Ben ang naging simbolo ng Inglatera at ng kabiserang lunsod nito. Isa nga itong “Hari ng mga Orasan”!

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 18]

LAGING TAMA ANG ORAS

Tatlong beses sa isang linggo, isang technician ang umaakyat sa paikot na batong hagdan na may 300 baytang. Inire-rewind niya nang manu-mano ang kable ng mabigat na mekanismo na nagpapaandar sa orasan. Tinitingnan din niya kung tama ang oras. Ang pendulum na apat na metro ang haba ay umuugoy kada dalawang segundo. May mga lumang barya sa may itaas ng pendulum. Kung nahuhuli ang oras, dadagdagan ito ng technician ng isang barya. Kung nauuna ang oras, babawasan niya ito ng isang barya.

[Larawan]

Gumagamit ng mga lumang barya para maging tama ang orasan

[Credit Lines]

Winding clock: AP Photo/​Lefteris Pitarakis; coins on ledge: Parliamentary copyright images are reproduced with the permission of Parliament

[Larawan sa pahina 19]

Ang malaking kampana na 13.7 tonelada ay tumutunog kada oras

[Credit Line]

Popperfoto/​Getty Images