Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Totoo Tungkol sa Pasko

Ang Totoo Tungkol sa Pasko

Ang Totoo Tungkol sa Pasko

GUSTO mo bang malaman ang katotohanan mula sa Bibliya? Kung oo, siguro naitanong mo na ang mga ito: (1) Disyembre 25 ba talaga ipinanganak si Jesus? (2) Sino ang mga “pantas na lalaki,” at talaga bang tatlo sila? (3) Anong uri ng “bituin” ang umakay sa kanila kay Jesus? (4) Ano ang kaugnayan ni Santa Claus kay Jesus at sa kaniyang kapanganakan? (5) Ano ang pangmalas ng Diyos sa pagbibigayan ng regalo, partikular na ang pagpapalitan ng regalo, tuwing Pasko?

Tingnan natin ngayon kung ano ang sinasabi ng mga ulat ng Bibliya at ng kasaysayan tungkol dito.

(1) Disyembre 25 ba Ipinanganak si Jesus?

Tradisyon: Ayon sa tradisyon, Disyembre 25 ang kapanganakan ni Jesus, at ipinagdiriwang ito sa petsang iyon. Sinabi ng Encyclopedia of Religion na ang “Pasko” ay nangangahulugang “misa para sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo.”

Pinagmulan: “Ang pagdiriwang tuwing Disyembre 25 ay hindi mula sa Bibliya,” ang sabi ng The Christmas Encyclopedia, “kundi mula sa paganong mga kapistahan ng mga Romano sa pagtatapos ng taon,” sa panahon ng winter solstice sa Hilagang Hemisperyo. Kasali rito ang Saturnalia, bilang pagpaparangal kay Saturn, diyos ng agrikultura, “at pinagsamang kapistahan para sa dalawang diyos ng araw na sina Sol ng Roma at Mithra ng Persia,” ang sabi pa ng ensayklopidiya. Pareho itong ipinagdiriwang tuwing Disyembre 25, ang winter solstice sa kalendaryong Julian.

Ang paganong mga kapistahan ay ginawang “Kristiyano” noong taóng 350, nang ideklara ni Pope Julius I ang Disyembre 25 bilang araw ng kapanganakan ni Kristo. “Unti-unting pumalit sa lahat ng ritwal ng solstice ang pagdiriwang sa kapanganakan ni Kristo,” ang sabi ng Encyclopedia of Religion. “Ginagamit na rin ang araw bilang simbolo ng binuhay-muling si Kristo (na tinawag na Sol Invictus), at ang pabilog na sinag ng liwanag . . . ay makikita na sa ulo ng mga santong Kristiyano.”

Ang sinasabi ng Bibliya: Hindi sinasabi ng Bibliya ang petsa ng kapanganakan ni Jesus. Pero tamang sabihin na hindi siya ipinanganak ng Disyembre 25. Bakit? Ayon sa Bibliya, nang ipinanganak si Jesus, ang mga pastol ay “naninirahan sa labas” at nag-aalaga ng kanilang mga kawan sa gabi malapit sa Betlehem. (Lucas 2:8) Kadalasan nang nagsisimula ang malamig na tag-ulan sa buwan ng Oktubre, at dinadala ng mga pastol​—lalo na sa malalamig at matataas na lugar, gaya ng sa palibot ng Betlehem​—ang kanilang mga tupa sa mga kanlungan sa gabi. Ang pinakamalamig na panahon, na kung minsan ay may kasamang niyebe, ay tuwing Disyembre. *

Kapansin-pansin, hindi ipinagdiwang ng unang mga Kristiyano, na marami sa kanila ay nakasama ni Jesus sa ministeryo, ang kapanganakan ni Jesus sa anumang petsa. Ang tanging inaalala nila ay ang kamatayan ni Jesus bilang pagsunod sa utos niya. (Lucas 22:17-20; 1 Corinto 11:23-26) Pero baka itanong pa rin ng ilan, ‘Masama ba kung pagano ang pinagmulan ng mga pagdiriwang na ito?’ Oo, sa pangmalas ng Diyos. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan.”​Juan 4:23.

(2) Ang mga “Pantas na Lalaki”​—Ilan Sila? Sino Sila?

Tradisyon: Sinasabing matapos akayin ng isang “bituin” mula sa silangan, ang tatlong “pantas na lalaki” ay nagbigay ng mga regalo kay Jesus na nasa sabsaban noon. Kung minsan, may mga pastol ding makikita sa tagpong iyan.

Pinagmulan: Maliban sa maikling ulat ng Bibliya, “ang lahat ng isinulat tungkol sa mga Pantas na Lalaki ay mula sa alamat,” ang sabi ng The Christmas Encyclopedia.

Ang sinasabi ng Bibliya: Hindi sinasabi ng Bibliya kung ilan ang “pantas na lalaki” na dumalaw kay Jesus. Maaaring dalawa sila, tatlo, apat, o higit pa. Sa ilang salin ng Bibliya, tinawag silang mga “pantas na lalaki.” Pero ang orihinal na salitang ginamit para dito ay magoi na nangangahulugang astrologo o manggagaway​—mga taong gumagawa ng mga bagay na ayon sa Bibliya ay “karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Dahil sa mahabang paglalakbay mula sa Silangan, hindi na naabutan ng mga astrologo si Jesus sa sabsaban. Sa halip, matapos ang ilang buwang paglalakbay, “pumasok sila sa loob ng bahay,” kung saan nakatira si Jesus. Doon, nakita nila “ang bata na kasama ni Maria na kaniyang ina.”​—Mateo 2:11.

(3) Anong Uri ng Bituin ang Umakay sa mga Astrologo?

Malalaman natin ang sagot kapag isinaalang-alang natin ang ginawa ng bituin. Una, hindi nito inakay ang mga lalaki deretso sa Betlehem, kundi sa Jerusalem, kung saan nagtanong sila tungkol kay Jesus na nabalitaan naman ni Haring Herodes. Kaya “palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga astrologo,” na nagsabi sa kaniya tungkol sa bagong-silang na “hari ng mga Judio.” Pagkatapos ay sinabi ni Herodes: “Maingat [ninyong] hanapin ang bata, at kapag nasumpungan ninyo siya ay ipaalam ninyo sa akin.” Pero masama ang balak ni Herodes kay Jesus. Gusto ng mapagmataas at walang-awang tagapamahalang ito na ipapatay si Jesus!​—Mateo 2:1-8, 16.

Kapansin-pansin, inakay naman ng “bituin” ang mga astrologo sa timog papuntang Betlehem. Pagkatapos, “huminto” ito sa itaas ng bahay kung saan naroroon si Jesus.​—Mateo 2:9, 10.

Maliwanag, hindi ito ordinaryong bituin! At bakit naman ang Diyos, na gumamit ng mga anghel para ipaalam sa mapagpakumbabang mga pastol ang pagsilang kay Jesus, ay gagamit ngayon ng bituin para akayin ang paganong mga astrologo​—una sa kaaway ni Jesus at pagkatapos ay sa bata mismo? Ang tanging makatuwirang dahilan ay ginamit ni Satanas ang bituing ito para sa kaniyang masamang pakana. Kayang-kayang gawin ito ni Satanas. (2 Tesalonica 2:9, 10) Ang kakatwa, ang dekorasyong bituin ng Betlehem ay kadalasan nang makikita sa mismong tuktok ng Christmas tree.

(4) Ano ang Kaugnayan ni Santa Claus kay Jesus at sa Kaniyang Kapanganakan?

Tradisyon: Sa maraming bansa, kilala si Santa Claus na nagbibigay ng regalo sa mga bata. * Karaniwan nang sumusulat ang mga bata kay Santa para sa regalo na ayon sa tradisyon ay inihahanda ni Santa at ng mga katulong niyang duwende sa headquarter niya sa North Pole.

Pinagmulan: Ayon sa alam ng marami, ang konsepto tungkol kay Santa Claus ay hango sa katauhan ni Saint Nicholas, Arsobispo ng Mira sa Asia Minor, na Turkey ngayon. “Halos lahat ng isinulat tungkol kay St. Nicholas ay batay sa alamat,” ang sabi ng The Christmas Encyclopedia. Ang pangalang “Santa Claus” ay maaaring mula sa salitang Sinterklaas, nabagong-anyo ng terminong “Saint Nicholas” sa wikang Olandes. Batay sa kasaysayan at sa Bibliya, walang kaugnayan si Santa Claus kay Jesu-Kristo.

Ang sinasabi ng Bibliya: “Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” Ang pinakamalapít nating “kapuwa” ay ang ating pamilya. (Efeso 4:25) Sinasabi rin ng Bibliya na dapat nating “ibigin . . . ang katotohanan,” anupat “nagsasalita ng katotohanan sa [ating] puso.” (Zacarias 8:19; Awit 15:2) Totoo, maaaring katuwaan lang na sabihin sa mga bata na si Santa (o ang batang Kristo) ang nagdadala ng regalo tuwing Pasko. Pero tama ba na lokohin ang mga bata, mabuti man ang intensiyon? Hindi ba kakatwa na ang isang okasyon na dapat sana’y nagpaparangal kay Jesus ay ginagamit para lokohin ang mga bata?

(5) Ano ang Pangmalas ng Diyos sa Bigayan ng Regalo at Pagsasaya Tuwing Pasko?

Tradisyon: Naiiba ang pagbibigay tuwing Pasko dahil pangunahin nang ito ay palitan ng regalo. Panahon din ito ng pagsasaya, kainan, at inuman.

Pinagmulan: Ang kapistahang Saturnalia ng sinaunang Roma ay nagsisimula tuwing Disyembre 17 at nagtatapos sa ika-24 ng buwang ito, kung kailan nagpapalitan ng regalo. Napakaingay sa mga bahay at lansangan. Ang mga tao ay nagsasaya, nag-iinuman, at napakagulo. Ang Saturnalia ay sinusundan ng isang pagdiriwang sa unang araw ng Enero. Ito ay isa ring kapistahan na karaniwan nang tumatagal ng mga tatlong araw. Ang pagdiriwang ng Saturnalia at unang araw ng Enero ay malamang na bumubuo ng iisang kapistahan.

Ang sinasabi ng Bibliya: Bahagi ng tunay na pagsamba ang kagalakan at pagkabukas-palad. “Magalak, kayong mga matuwid; at humiyaw kayo nang may kagalakan,” ang sabi ng Bibliya. (Awit 32:11) Kadalasan nang dahil sa pagkabukas-palad ang kagalakang iyan. (Kawikaan 11:25) “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” ang sabi ni Jesu-Kristo. (Gawa 20:35) Sinabi rin niya: “Ugaliin ang pagbibigay,” o gawin itong bahagi ng iyong buhay.​—Lucas 6:38.

Ang gayong pagbibigay ay iba sa pagbibigay na napipilitan, marahil dahil sa tradisyon. Sa pagpapaliwanag sa totoong kahulugan ng pagkabukas-palad, sinasabi ng Bibliya: “Bawat isa’y magbigay ayon sa ipinasya ng kanyang puso, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang pagkat mahal ng Dios ang nagbibigay nang masaya.” (2 Corinto 9:7, Ang Biblia​Bagong Salin sa Pilipino) Ang mga sumusunod sa napakagandang simulaing ito ng Bibliya ay nagbibigay dahil iyon ang udyok ng kanilang puso, anumang araw ng taon. Tiyak na ang ganitong pagbibigay ay pinagpapala ng Diyos, at hindi ito pabigat.

Isang Panloloko!

Kung susuriin ang sinasabi ng Bibliya, halos bawat aspekto ng Pasko ay may paganong pinagmulan o pagpilipit sa mga ulat ng Bibliya. Kaya ang Pasko ay Kristiyano lang sa pangalan. Paano nangyari iyon? Ilang siglo pagkamatay ni Kristo, maraming lumitaw na bulaang guro, gaya ng inihula ng Bibliya. (2 Timoteo 4:3, 4) Ang walang-prinsipyong mga taong ito ay mas interesado na gawing katanggap-tanggap sa mga pagano ang Kristiyanismo sa halip na ituro ang katotohanan. Kaya unti-unti nilang ipinagdiwang ang popular na mga kapistahang pagano at tinawag ang mga ito na kapistahang “Kristiyano.”

Nagbabala ang Bibliya na ang gayong “mga bulaang guro” ay ‘mananamantala sa inyo sa pamamagitan ng huwad na mga salita. Ngunit kung tungkol sa kanila, ang hatol mula noong sinauna ay hindi nagmamabagal, at ang pagkapuksa sa kanila ay hindi umiidlip.’ (2 Pedro 2:1-3) Para sa mga Saksi ni Jehova, seryosong bagay iyan at ang lahat ng iba pang sinasabi ng Bibliya dahil itinuturing nila itong nasusulat na Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Kaya itinatakwil nila ang huwad na relihiyosong mga kaugalian o pagdiriwang. Napagkakaitan ba sila ng kaligayahan dahil sa paninindigan nila? Hinding-hindi! Gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, masasabi nila mula sa kanilang karanasan na ang katotohanan sa Bibliya ay nagpapalaya!

[Mga talababa]

^ par. 8 Lumilitaw na ipinanganak si Jesus sa buwan ng Ethanim (Setyembre-Oktubre) sa sinaunang kalendaryo ng mga Judio.​—Tingnan ang reperensiyang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 56, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 19 Sa ilang bansa sa Europa, gaya ng Austria, “mas inaabangan pa rin ang pagdating ng batang Kristo kaysa kay Santa,” ang sabi sa ulat ng BBC. Pero regalo rin ang dahilan ng pagbisita.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

KUNG ANO ANG INIHASIK, IYON ANG AANIHIN

May panahon na “mahigpit na nilabanan ng Simbahan ang anumang bagay na may kinalaman sa paganismo,” ang sabi ng aklat na Christmas Customs and Traditions​—Their History and Significance. Pero nang maglaon, ang mga lider ng simbahan ay naging mas interesadong magparami ng miyembro kaysa sa magturo ng katotohanan. Kaya, “nagbulag-bulagan” na lang sila sa mga paganong gawain hanggang sa lubusan na nila itong tanggapin.

‘Kung ano ang inihasik mo, iyon ang aanihin mo,’ ang sabi ng Bibliya. (Galacia 6:7) Pagkatapos ihasik ang mga binhi ng paganismo, hindi dapat magtaka ang mga simbahan na inaani nila ang masamang bunga nito. Ang isang pagdiriwang na sinasabing parangal sa kapanganakan ni Jesus ay naging panahon ng lasingan at labis-labis na pagsasaya, mas dinudumog ng mga tao ang mga shopping mall kaysa sa mga simbahan, nababaon sa utang ang mga pamilya dahil sa pagbili ng mga regalo, at hindi na alam ng mga bata kung ano ang totoo at kung ano ang alamat, kung sino si Santa Claus at kung sino si Jesu-Kristo. Oo, makatuwirang sabihin ng Diyos: “Tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.”​—2 Corinto 6:17.

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang Pasko, gaya ng sinaunang kapistahan ng Saturnalia, ay panahon ng pagsasaya, kainan, at inuman

[Credit Line]

© Mary Evans Picture Library