Inaliw Ako ng Diyos sa Lahat ng Pinagdaanan Ko
Inaliw Ako ng Diyos sa Lahat ng Pinagdaanan Ko
Ayon sa salaysay ni Victoria Colloy
Sinabi ng isang doktor sa nanay ko: “Wala na kaming magagawa para sa anak mo. Kailangan na niyang magsaklay at magsuot ng suporta sa kaniyang binti habambuhay.” Parang gumuho ang mundo ko! Paano na kung hindi ako makakalakad?
IPINANGANAK ako noong Nobyembre 17, 1949, sa Tapachula, Chiapas sa Mexico, at ako ang panganay sa apat na magkakapatid. Malusog ako noong isilang ako. Pero noong anim na buwan na ako, hindi na ako makagapang at halos hindi na makakilos. Pagkalipas ng dalawang buwan, hindi na talaga ako makagalaw. Nagtaka ang mga doktor sa lugar namin dahil ang iba pang baby sa Tapachula ay may ganito ring sintomas. Kaya isang doktor sa buto mula sa Mexico City ang dumating para suriin kami. Sinabi ng doktor na kami ay may poliomyelitis, o polio.
Noong tatlong taóng gulang ako, naoperahan ako sa balakang, tuhod, at bukung-bukong. Nang maglaon, naapektuhan na rin ang kanang balikat ko. Sa edad na anim, dinala ako sa Mexico City para patuloy na magamot sa isang ospital para sa mga bata. Nagtatrabaho noon sa bukid ang nanay ko sa Chiapas, kaya tumira ako sa Mexico City kasama ang lola ko. Pero mas madalas ako sa ospital.
Noong mga otso anyos ako, bumuti nang kaunti ang kondisyon ko. Pero di-nagtagal, lumala ang kalagayan ko. Unti-unti, hindi ko na magawa kahit ang maliliit na bagay na kaya ko noon. Pagkatapos ay sinabi ng doktor na kailangan ko nang gumamit ng saklay at suporta sa binti habambuhay.
Noong 15 anyos na ako, naoperahan na ako nang 25 beses. Naoperahan ako sa gulugod, binti, tuhod, bukung-bukong, at mga daliri sa paa. Pagkatapos ng bawat operasyon, tineterapi ako. Matapos ang isa sa mga operasyon, nilagyan ng semento ang mga binti ko. Nang tanggalin ito, kinailangan kong mag-ehersisyo kahit mahirap.
Tunay na Kaaliwan
Noong 11 anyos ako, dinalaw ako ng nanay ko pagkatapos ng isang operasyon. Sinabi niya sa akin na nalaman niyang pinagaling ni Jesus ang mga maysakit, pati na ang isang paralitiko. Binigyan niya ako ng isang kopya ng magasin kung saan nabasa niya ang tungkol dito, Ang Bantayan na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Itinago ko ito sa ilalim ng unan ko, pero isang araw, wala na ito. Kinuha pala ito ng mga nars. At pinagalitan nila ako dahil binabasa ko iyon.
Pagkalipas ng mga isang taon, dinalaw ako ulit ni Nanay. Nakikipag-aral na siya noon ng Bibliya sa mga Saksi sa Chiapas. Dinalhan niya ako ng aklat na Mula * Sinabi ng nanay ko, “Kung gusto mong mabuhay sa pangakong bagong sanlibutan, kung saan pagagalingin ka ni Jesus, kailangan mong mag-aral ng Bibliya.” Kaya kahit ayaw ng lola ko, nakipag-aral ako sa mga Saksi noong mga 14 anyos ako. Nang sumunod na taon, kailangan ko nang lumabas ng ospital dahil para lang iyon sa mga bata.
sa Nawawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-Muling Paraiso.Nalampasan Ko ang mga Hamon sa Buhay
Dumanas ako ng depresyon. Dahil kontra ang lola ko sa pag-aaral ko ng Bibliya, kinailangan kong bumalik sa mga magulang ko sa Chiapas. Pero may mga problema kami sa bahay dahil lasenggo si Tatay. May panahon na parang ayoko nang mabuhay. Naisip kong uminom ng lason. Pero habang nag-aaral ako ng Bibliya, nabago ang pananaw ko. Nagkaroon ako ng pag-asa dahil sa pangako ng Bibliya na paraisong lupa.
Nakipag-usap ako sa iba tungkol sa napakagandang pag-asa na mababasa sa Bibliya. (Isaias 2:4; 9:6, 7; 11:6-9; Apocalipsis 21:3, 4) At noong Mayo 8, 1968, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova sa edad na 18. Mula noong 1974, buwan-buwan akong gumugugol ng mahigit 70 oras sa pagsasabi sa iba tungkol sa pag-asang tumulong sa aking patuloy na mabuhay.
Makabuluhan at Masayang Buhay
Nang maglaon, lumipat kami ng nanay ko sa lunsod ng Tijuana, malapit sa border ng Mexico at Estados Unidos. Tumira kami sa lugar na malapit sa lahat ng aming pangangailangan. Nakakaikot pa rin ako sa bahay dahil sa saklay at suporta ko sa binti, at naka-wheelchair naman ako kapag nagluluto, naglalaba, at namamalantsa. Kapag nangangaral tungkol sa Bibliya, gumagamit ako ng isang electric cart na pinasadya para sa kalagayan ko.
Nangangaral ako tungkol sa Bibliya sa lansangan at sa bahay-bahay. Regular din akong nagpupunta sa isang malapit na ospital at nakikipag-usap tungkol sa Bibliya sa mga taong naghihintay na ma-check-up. Pagkatapos, dumadaan ako sa pamilihan para bumili ng mga kailangan namin. Pag-uwi, tutulungan ko si Nanay sa mga gawaing-bahay kasama na ang pagluluto.
Nagtitinda ako ng mga segunda-manong damit para kumita. Ang nanay ko ay 78 anyos na at mahina na dahil tatlong beses na siyang inatake sa puso. Kaya inaasikaso ko ang kaniyang pagkain at pag-inom ng gamot. Sa kabila ng aming kalagayan, sinisikap naming dumalo ng mga pulong sa kongregasyon. Mahigit 30 sa mga naaralan ko ng Bibliya ang nakikibahagi na rin ngayon sa ministeryong Kristiyano.
Kumbinsido ako na matutupad ang pangako ng Bibliya: “Sa panahong iyon [sa bagong sanlibutan ng Diyos] ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.” Samantala, napapatibay ako ng mga salita ng Diyos: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”—Isaias 35:6; 41:10. *
[Mga talababa]
^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova noong 1958 pero hindi na ngayon inililimbag.
^ par. 18 Namatay si Victoria Colloy noong Nobyembre 30, 2009, sa edad na 60. Namatay ang nanay niya noong Hulyo 5, 2009.
[Larawan sa pahina 12]
Sa edad na pito, nagsusuot na ako ng suporta sa binti
[Larawan sa pahina 13]
Kapag nangangaral tungkol sa Bibliya, gumagamit ako ng isang electric cart na pinasadya para sa kalagayan ko