Ang Kahanga-hangang Proseso ng Panganganak
Ang Kahanga-hangang Proseso ng Panganganak
SA WAKAS, pagkatapos ng siyam na buwang paghihintay, lalabas na ang pinananabikang sanggol. * Saradung-sarado ang cervix, o kuwelyo ng matris, ng isang buntis para maingatan ang sanggol sa bahay-bata. Pero ngayon, ang cervix niya ay numinipis, lumalambot, at bumubuka na. Magsisimula na ang himala ng panganganak.
Ano ang nasa likod ng kahanga-hangang proseso ng panganganak? Sa mga salik na nasasangkot, dalawa ang partikular na kahanga-hanga. Una, ang utak ay naglalabas ng hormon na oxytocin. Parehong naglalabas nito ang lalaki at babae, pero kapag nagsimula nang mag-labor ang isang buntis, marami siyang inilalabas na oxytocin. Dahil dito, bubuka ang kaniyang cervix at hihilab na ang kaniyang tiyan.
Hindi pa matukoy kung paano nalalaman ng pituitary gland ng isang buntis na panahon na para maglabas ng hormon na ito. Sinabi ng aklat na Incredible Voyage—Exploring the Human Body: “Sa paanuman nalalaman ng kaniyang utak na tapos na ang pagbubuntis at panahon na para sa malalakas na kalamnan ng matris . . . na gawin ang kaniyang saglit pero napakahalagang papel.”
Ang ikalawang salik na nasasangkot sa panganganak ay ang papel ng inunan na humihinto sa paglalabas ng progesterone. Habang buntis ang isa, hinahadlangan ng progesterone ang matinding paghilab ng kaniyang tiyan. Pero ngayon, wala nang progesterone, kaya magsisimula nang humilab ang bahay-bata niya. Kadalasan, pagkatapos ng 8 hanggang 13 oras ng pagle-labor, umuusod ang sanggol palabas ng bumukang cervix. Pagkatapos, lalabas din ang inunan.
Kailangan na ngayong mag-adjust agad ng sanggol sa bago niyang kapaligiran na ibang-iba sa sinapupunan ng kaniyang ina. Halimbawa, habang nasa bahay-bata pa ang sanggol, ang baga niya ay punô ng amniotic fluid, na napipiga habang lumalabas ang sanggol sa puwerta ng kaniyang ina. Ngayon, kailangan nang mapuno ng hangin ang kaniyang baga para makahinga. Kadalasan, ang unang iyak ng sanggol ay pahiwatig na nakakahinga na siya. Magkakaroon din ng malalaking pagbabago sa kaniyang sistema ng sirkulasyon ng dugo kasali na ang puso. Magsasara ang butas na nagkokonekta sa dalawang atrium ng puso pati na ang daluyan ng dugo na lumalaktaw sa baga para mas maraming dugo ang makadaloy sa baga at sa gayo’y makakuha ng oksiheno. Kahanga-hanga na napakabilis makapag-adjust ng isang sanggol sa labas ng tiyan ng kaniyang nanay.
Ang buong proseso ng pagle-labor at panganganak ay nagpapaalala sa atin ng sinasabi sa Bibliya: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit.” Kasama rito ang “panahon ng kapanganakan.” (Eclesiastes 3:1, 2) Tiyak na sasang-ayon ka na lahat ng pagbabago sa hormon at katawan sa panahon ng panganganak, na nangyayari sa loob lang ng ilang oras, ay kahanga-hangang patotoo ng disenyo ng isang Maylalang, na tinutukoy sa Bibliya bilang “ang bukal ng buhay.”—Awit 36:9; Eclesiastes 11:5.
[Talababa]
^ par. 2 Ang pagbubuntis ay karaniwan nang tumatagal nang 37 hanggang 42 linggo.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 16, 17]
Proseso ng Panganganak
1 Posisyon ng sanggol bago ang pagle-labor
2 Pag-usod ng sanggol papunta sa puwerta
3 Pagbuka ng cervix
4 Paglabas ng bata
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1
inunan
puwerta
cervix
2
3
4