Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Naaadik Na ba Ako sa Electronic Media?
Ano ang pagkakatulad ng tatlong ito?
“Love na love ko ang pagte-text! The best talaga ’to. Hindi makukumpleto ang araw ko kung hindi ako magte-text.”—Alan. *
“Tuwang-tuwa ako nang bumili si Mommy ng TV para sa kuwarto ko! Pero sa halip na matulog, napupuyat ako sa kakapanood. Mas gusto ko pang manood ng TV kaysa sa sumama sa mga kapamilya at kaibigan ko.”—Teresa.
“Noon, hindi ako mapakali hangga’t hindi ko natitingnan kung may nag-post sa Web page ko. Kapag nagising ako nang dis-oras, nag-o-online ako. Kapag nakasilip ako ng pagkakataon, ina-update ko ang blog ko.”—Anna.
Sa palagay mo, sino sa kanilang tatlo ang naaadik sa electronic media?
□ Alan □ Teresa □ Anna
NOONG kabataan pa ang mga magulang mo, TV at radyo lang ang electronic media. Ang mga telepono noon ay telepono lang—de-kable at boses lang ang naitatawid. Masyado bang makaluma? Ganiyan ang palagay ni Anna. “Noong panahon ng mga magulang ko, wala pa ang mga makabagong teknolohiya sa ngayon. Ngayon lang sila nasasanay gumamit ng cellphone!” ang sabi niya.
Sa ngayon, puwede kang makipag-usap, makinig sa musika, manood ng palabas, maglaro ng mga game, mag-e-mail sa mga kaibigan, kumuha ng litrato, at kumonekta sa Internet, gamit lamang ang cellphone na kasya sa bulsa mo. Dahil lumaki kang may computer, cellphone, TV, at Internet, baka isipin mong wala namang masama na gamitin ito anumang oras. Pero baka sa tingin ng mga magulang mo ay naaadik ka na. Kung pagsabihan ka nila, huwag mo itong balewalain at isiping napag-iiwanan lang sila ng panahon. Sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya.”—Kawikaan 18:13.
Nagtataka ka ba kung bakit nag-aalala ang mga magulang mo? Sagutin ang sumusunod na mga tanong para malaman kung naaadik ka na nga sa mga electronic media.
‘Naaadik Na ba Ako?’
Ayon sa isang ensayklopidiya ang adiksiyon ay “nakagawiang di-makatuwirang paggawi na
ayaw o hindi kayang ihinto ng isa kahit may masasamang resulta.” Kung iyan ang batayan, ang tatlong kabataang nabanggit sa simula ng artikulong ito ay naadik sa electronic media. Kumusta ka naman? Isa-isahin natin ang mga punto sa kahulugang nabanggit. Basahin ang komento ng ibang kabataan at tingnan kung nasabi o nagawa mo rin ang mga iyon. Pagkatapos, isulat mo ang iyong mga sagot.Di-makontrol na paggawi. “Nauubos ang oras ko sa paglalaro ng mga video game. Nakukuha nito kahit ang oras para sa pagtulog at ito na lang ang gusto kong pag-usapan. Nawalan na ako ng panahon sa aking kapamilya at parang nahibang ako sa mundo ng pantasya ng mga game na nilalaro ko.”—Andrew.
Sa tingin mo, ilang oras sa isang araw ang makatuwirang gamitin sa mga electronic media? ․․․․․
Sa tingin ng mga magulang mo, ilang oras ang dapat mong gamitin? ․․․․․
Ilang oras bawat araw ang talagang ginagamit mo sa pagte-text, panonood ng TV, pag-a-upload ng mga litrato at comment sa Web site, paglalaro ng video game, at iba pa? ․․․․․
Kung titingnan mo ang mga sagot mo sa itaas, masasabi mo bang sobra-sobra ang paggamit mo sa electronic media?
□ Oo □ Hindi
Ayaw o hindi kayang huminto. “Lagi akong nakikita ng mga magulang ko na nagte-text at sabi nila sumosobra na daw ako. Pero kumpara sa ibang kabataan, hindi totoo iyon. Siyempre, kumpara sa mga magulang ko, mas madalas akong mag-text. Pero unfair naman iyon—40 na sila, 15 pa lang ako.”—Alan.
Nasabihan ka na ba ng mga magulang o kaibigan mo na labis-labis na ang panahon na ginagamit mo sa electronic media?
□ Oo □ Hindi
Hindi mo ba kaya o ayaw mo lang kontrolin ang paggamit mo ng electronic media?
□ Oo □ Hindi
Masasamang resulta. “Laging nagte-text ang mga kaibigan ko—kahit nagmamaneho sila. Delikado talaga iyon!”—Julie.
“Noong una akong magka-cellphone, lagi akong nagte-text o tumatawag. Wala na akong ibang inatupag. Naapektuhan ang relasyon ko sa mga kapamilya at kaibigan ko. Napansin ko ngayon na kapag nag-uusap kami ng mga kaibigan ko, palagi nilang sinasabi: ‘Ay, sandali. Sasagutin ko lang ang text na ito.’ Isang dahilan iyan kung bakit hindi na ako masyadong close sa kanila.”—Shirley.
Nakikipag-text ka ba habang nagmamaneho o sa oras ng klase?
□ Oo □ Hindi
Kapag kausap mo ang mga kapamilya o kaibigan, madalas ka bang magpaalam para sagutin ang e-mail, tawag, o text?
□ Oo □ Hindi
Nakukuha na ba ng electronic media ang oras ng pagtulog o pag-aaral mo?
□ Oo □ Hindi
Kung Paano Magiging Balanse
Kung gumagamit ka ng computer, cellphone, o iba pang gadyet, itanong sa sarili ang apat na tanong sa ibaba. Ang pagsunod sa payo ng Bibliya at sa ilang simpleng tagubilin ay makatutulong sa iyo na maging balanse at makontrol ang paggamit ng electronic media.
1. Ano ang nilalaman nito? “Maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.”—Filipos 4:8, Magandang Balita Biblia.
Makipag-usap palagi sa mga kaibigan at kapamilya mo, at ibahagi sa kanila ang nakapagpapatibay na mga balita at opinyon.—Kawikaan 25:25; Efeso 4:29.
Huwag magkalat ng mga tsismis, magpadala ng mahahalay na text o larawan, o manood ng malalaswang video clip o palabas.—Colosas 3:5; 1 Pedro 4:15.
2. Kailan ko ito ginagamit? “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”—Eclesiastes 3:1.
Magtakda ng limitasyon sa oras na ginagamit mo sa pagtawag at pagte-text, panonood ng TV, o paglalaro ng video game. Bilang respeto, i-off ang iyong cellphone sa panahon ng mahahalagang okasyon gaya ng pagsamba. Puwede mo namang sagutin ang text pagkatapos nito.
Huwag hayaang agawin ng electronic media ang oras na dapat sana’y para sa mga kaibigan Efeso 5:15-17; Filipos 2:4.
at kapamilya, pag-aaral, o gawaing pagsamba.—3. Sino ba ang mga kasama ko? “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Gamitin ang electronic media para patibayin ang pakikipagkaibigan mo sa mga taong makatutulong sa iyong magkaroon ng magandang pag-uugali.—Kawikaan 22:17.
Huwag dayain ang iyong sarili—puwede kang mahawa sa ugali, pagsasalita, at pag-iisip ng mga nakaka-e-mail at nakaka-text mo, mga napapanood mo sa TV, video, o Internet.—Kawikaan 13:20.
4. Gaano karaming panahon ang nauubos ko? ‘Tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’—Filipos 1:10.
Ilista ang dami ng oras na ginagamit mo sa electronic media.
Huwag balewalain kapag sinabi ng mga kaibigan o magulang mo na marami ka nang oras na inuubos sa electronic media.—Kawikaan 26:12.
Pagdating sa timbang na paggamit ng electronic media, maganda ang sinabi ni Andrew, na nabanggit sa itaas: “Nakakaaliw ang mga gadyet, pero panandalian lang. Hindi ko na hinahayaan ang teknolohiya na maging pader sa pagitan ko at ng aking pamilya’t mga kaibigan.”
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
^ par. 4 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]
ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN
“Dati, sinasabi ng mga magulang ko sa akin, ‘Mabuti pa itali na lang namin ’yang cellphone mo sa kamay mo, tutal halos hindi mo na binibitiwan ’yan!’ Noong una, tinatawanan ko lang sila, pero seryoso pala sila. Ngayon, nililimitahan ko ang pagte-text ko, at ang saya-saya ko!”
“Noon, kailangan ko laging mag-Internet para tingnan kung may message ako. Hindi ko tuloy nagagawa ang mga assignment ko at napapabayaan ko ang pag-aaral ko. Ngayong binawasan ko na ang pag-i-Internet, guminhawa ang buhay ko. Kailangan talagang maging balanse.”
[Mga larawan]
Jovarny
Mariah
[Kahon sa pahina 26]
“NAADIK AKO SA SOCIAL NETWORKING SITE”
“Mga ilang taon na ang nakalipas, lumipat ng bahay ang pamilya namin. Ayaw kong maputol ang komunikasyon naming magkakaibigan, at niyaya nila akong sumali sa isang photo-sharing site. Parang tamang-tama ito sa amin. Mga kakilala ko lang naman ang kakausapin ko at hindi ang mga estranghero, kaya wala naman sigurong masama roon.
“Noong una, okey lang. Nag-i-Internet ako minsan sa isang linggo para tingnan ang mga litrato ng mga kaibigan ko at para maglagay at magbasa ng mga comment sa mga litrato. Di-nagtagal, iyon na lang ang inaatupag ko. Hindi ko namalayan, nakababad na ako sa site na iyon. At dahil dito, nakikita ako ng mga kaibigan ng mga kaibigan ko, na nag-invite naman sa akin na maging kaibigan din nila. Ganun ’yon—sasabihin ng isang kaibigan na okey naman siya, kaya tatanggapin mo naman ang imbitasyon. Magugulat ka na lang na mayroon ka nang 50 online friends.
“Di-nagtagal, gusto ko na lang na lagi akong naka-online. Kahit nandoon pa ako sa Web site, iniisip ko na kung kailan ko uli ito bubuksan at mag-a-upload ng mga bagong litrato. Magbabasa ako ng comment, magpo-post ng video, at hindi ko na namamalayan ang oras.
“Inabot din nang mga isa’t kalahating taon bago ako natauhan na naadik na pala ako. Pero ngayon, istrikto na ako sa paggamit ng Internet at mas gusto kong makipagkaibigan nang personal sa mga taong alam kong kapareho ko ng paniniwala. Hindi ito maintindihan ng ilang kaibigan ko, pero natuto na ako ng leksiyon.”—Ellen, 18.
[Kahon sa pahina 26]
TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO
Baka magulat ka kapag kinausap mo ang mga magulang mo tungkol sa paglilibang. “Minsan, naghinala ang daddy ko sa isa sa mga CD ko,” ang sabi ni Cheryl. “Niyaya ko siyang pakinggan naming magkasama ang buong CD. Pumayag naman siya. Pagkatapos, sinabi niya na wala naman palang masama roon!”
Isulat sa ibaba kung ano ang gusto mong itanong sa iyong mga magulang tungkol sa electronic media.
[Kahon sa pahina 27]
MENSAHE SA MGA MAGULANG
Nagbababad ba sa Internet ang anak mo, laging hawak ang cellphone, o mas mahal pa niya ang MP3 niya kaysa sa iyo? Kung oo, ano ang puwede mong gawin?
Puwede mo namang bawiin ang gadyet niya. Pero huwag mo sanang isipin na masama ang lahat ng electronic media. Tutal, malamang na gumagamit ka rin ng mga electronic media na wala pa noong panahon ng mga magulang mo. Kaya sa halip na kumpiskahin ang gadyet niya—malibang kailangang-kailangan talaga—bakit hindi samantalahin ang pagkakataong ito para sanayin ang anak mo na maging matalino at balanse sa paggamit ng electronic media? Paano?
Ipakipag-usap mo ito sa anak mo. Una, sabihin kung bakit ka nag-aalala. Ikalawa, makinig sa sasabihin niya. (Kawikaan 18:13) Ikatlo, gumawa kayo ng praktikal na mga solusyon. Huwag matakot na magtakda ng limitasyon, pero maging makatuwiran. (Filipos 4:5) “Noong nagkaproblema ako sa pagte-text, hindi binawi ng mga magulang ko ang cellphone ko, pero nagtakda sila ng mga limitasyon. Kaya natulungan nila akong maging balanse sa pagte-text, kahit hindi na nila ako bantayan,” ang sabi ni Ellen na nabanggit na.
Paano kung mangatuwiran ang anak mo? Huwag mo namang isipin na para kang kumausap sa hangin. Sa halip, maghintay at bigyan ng panahon ang anak mo na makapag-isip-isip. Malay mo, sang-ayon naman pala siya sa iyo at handang magbago. Maraming kabataan ang tulad ni Hailey na nagsabi: “Noong una, nagdamdam ako nang sabihin ng mga magulang ko na adik ako sa computer. Pero habang pinag-iisipan ko ’yon, nakita kong tama sila.”
[Larawan sa pahina 27]
Kontrolado mo ba ang gadyet mo o ikaw ang kinokontrol nito?