“Gusto Ko Lang Namang Kunin ang mga Sulat Ko”
“Gusto Ko Lang Namang Kunin ang mga Sulat Ko”
“HINDING-HINDI ko malilimutan ang Lunes ng umagang iyon sa post office,” ang sabi ni Andre, isang puti na tubong Timog Aprika at taga-Namibia. “Napakaraming tao noon. Nakakita ako ng kahina-hinalang bag na nasa isang tabi. Pagkakuha sa mga sulat ko, umalis na ako. Mga tatlong minuto pa lang akong nagmamaneho nang makarinig ako ng napakalakas na pagsabog. Nang maglaon, nalaman kong mayroon palang sumabog na bomba di-kalayuan sa kinatayuan ko.”
“Gusto ko lang namang kunin ang mga sulat ko,” ang sabi ni Andre. “Pero talagang nabigla ako at nalungkot nang malaman kong may mga inosenteng tao, ang ilan ay mga kakilala ko pa nga, na nagkalasug-lasog ang katawan dahil sa pagsabog. Kinikilabutan pa rin ako kahit mahigit 25 taon na ang lumipas. Paminsan-minsan, sumasagi pa rin sa isip ko ang nakita kong mga patay at sugatán, at naiisip kong muntik na pala akong mamatay.”
Isang Pangglobong Problema
Baka hindi mo pa ito nararanasan, pero malamang na nabalitaan mo na ang ganitong mga pag-atake na madalas mangyari sa buong mundo. Parami nang parami ang mga taong gumagawa ng karahasan, karaniwang tinatawag na mga gawang terorismo, para makuha ang gusto nila.—Tingnan ang kahong “Ano ba ang Terorismo?” sa susunod na pahina.
Napag-alaman ng isang investigative journalist na noong 1997, “apat na bansa lang [ang] nakaranas ng sunud-sunod na pag-atake ng mga suicide bomber.” Pero noong 2008, isinulat niya na “mahigit tatlumpung bansa sa lahat ng kontinente,
maliban sa Australia at Antartiko, ang nakaranas ng mapangwasak na mga epekto ng pag-atake ng mga suicide bomber.” Bilang pangwakas, sinabi niya na ang gayong mga pag-atake ay “isinasagawa ng dumaraming organisasyon, na pumapatay ng mas maraming tao taun-taon.”—The Globalization of Martyrdom.Pag-isipan ang pag-atake na binanggit sa pasimula ng artikulo. Ang grupo na umako sa pagsabog ay nagsasabing mga tagapagtanggol sila ng kalayaan. Sinikap nilang makamit ang kasarinlan mula sa gobyernong namamahala noon sa kanilang bansa. Pero ano ba ang nag-uudyok sa mga tao na gumawa ng gayong mga bagay para maabot ang mga tunguhin nila? Kuning halimbawa ang karanasan ni Hafeni.
Si Hafeni ay ipinanganak sa Zambia. Lumaki siya sa mga refugee camp sa kalapít na mga bansa. “Galít na galít ako,” ang sabi niya, “sa malupit at di-patas na pagtrato sa aking pamilya at sa iba.” Kaya sumali siya sa militanteng grupo kung saan kasapi ang kaniyang mga magulang.
Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, sinabi pa ni Hafeni: “Ang pinakamasaklap sa lahat ay ang epekto sa emosyon ng pamumuhay bilang refugee. Ang mga bata ay nawawalay sa kanilang mga nanay, tatay, at mga kapatid. Ang malalaki na ay isinasabak sa labanan. Marami sa kanila ang hindi na nakabalik. Hindi ko kailanman nakita ang tatay ko, kahit sa litrato. Ang alam ko lang ay namatay siya sa pakikipaglaban. Nananatili pa rin sa akin ang mapapait na alaala.”
Kung gayon, komplikado ang nasasangkot na mga usapin. Ang mas malalim na pagkaunawa sa mga ito ay tutulong para malaman natin kung ano ang kinakailangan para magwakas ang ganitong karahasan.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
ANO BA ANG TERORISMO?
Ganito ang paliwanag ng mananaliksik na si Mark Juergensmeyer: “Ang paggamit ng salitang ‘terorismo’ para tukuyin ang mararahas na gawain ay nakadepende kung iniisip ng isa na kailangang gawin ang mga ito. Ang paggamit sa terminong ito ay nakadepende nang malaki sa pananaw ng isa sa daigdig: kung sa tingin niya ay mapayapa ang daigdig, ang mararahas na gawain ay terorismo. Pero kung iniisip niya na ang daigdig ay nasa pakikipagdigma, ang mararahas na gawain ay maaaring ituring na makatuwiran.”
Kaya kadalasan nang may bahid ng pulitika ang paggamit sa salitang “terorismo.” Maraming grupo ang nagsasabing sila ay mga tagapagtanggol ng kalayaan, at hindi mga terorista. Ayon sa isang manunulat, kasali sa terorismo ang (1) mga gawang bumibiktima sa mga sibilyan at (2) paggamit ng karahasan para maghasik ng lagim o manakot. Kung gayon, ang mga militante—grupo man sila ng mga rebelde o isang pamahalaang sibil—ay maaaring madalas na gumamit ng mga taktika o pamamaraan ng mga terorista.