Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sa unang isa’t kalahating taon ng pagsugpo sa human trafficking, “10,621 babae at 5,896 na bata na dinukot ang napalaya ng mga pulis na Tsino.” Mga 15,673 suspek ang ikinulong.—CHINA DAILY, TSINA.
“Mahigit 1,000 guro ang nasibak sa trabaho sa Kenya dahil sa seksuwal na pang-aabuso sa mga babaing estudyante sa nakaraang dalawang taon. . . . Ipinakita ng isang kompidensiyal na helpline sa bansa . . . na mas malala ang problema kaysa inaakala.”—DAILY NATION, KENYA.
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga taong gumagamit ng tanning bed ay 75 porsiyentong mas malamang na magkaroon ng melanoma. Kung mahigit 50 oras na silang gumagamit nito, 2.5 hanggang 3.0 beses na mas malamang na magkaroon sila ng melanoma.—CANCER EPIDEMIOLOGY, BIOMARKERS & PREVENTION, E.U.A.
“Walong porsiyento lang [ng mga babae sa Canada na malapit nang ikasal] ang naniniwalang hindi dapat makipagsex bago ang kasal,” at “74% ng mga mag-asawa ang nagsama muna bago nagpakasal.”—WEDDINGBELLS, CANADA.
Mga Panganib ng Maruming Tubig
Ayon sa report ng United Nations, “mas maraming tao ngayon ang namamatay sa kontaminado at maruming tubig kaysa sa lahat ng uri ng karahasan kasama na ang digmaan.” Iniulat din ng UN na dalawang milyong tonelada ng dumi—mula sa mga sakahan, hayupan, pabrika, kanal, at iba pa—ang itinatapon sa mga ilog at dagat at nagiging sanhi ng pagkalat ng sakit at pagkasira ng ekosistema. Karagdagan pa, sa bawat 20 segundo, isang bata na wala pang limang taóng gulang ang namamatay sa sakit na nakukuha sa tubig. Ganito ang sinabi ni Achim Steiner, executive director ng UN Environment Programme: “Kung gusto nating bumuti ang kalagayan ng daigdig, . . . kailangan nating magtulung-tulong para masolusyonan ang problema natin sa basura.”
Pagkanta—Terapi Para sa mga Naistrok
Nakatulong sa ilang pasyenteng naistrok ang pagkanta para makapagsalita muli. Hinihimok ng mga neurologist ang mga naistrok na daanin sa kanta ang gusto nilang sabihin. Napakaganda ng mga resulta ng melodic intonation therapy. Pagkalipas ng 15 linggo, “unti-unti nang nasasabi ng mga pasyente ang kinakanta nilang mga salita,” ang paliwanag ng The Wall Street Journal.
“Lumala ang Pandaraya sa Classroom”
Sa isang surbey sa 20,000 first year na estudyante sa mga unibersidad sa Canada, 73 porsiyento ang “umaming nakagawa sila ng isa o higit pang malubhang pandaraya sa kanilang mga paper work noong haiskul sila,” ang sabi ng Canadian Council on Learning (CCL). Isang unibersidad ang nagreport na tumaas nang 81 porsiyento ang mga kaso ng pandaraya at plagiarism mula 2003 hanggang 2006. “Nitong nakalipas na dekada,” ang sabi ni Dr. Paul Cappon, presidente ng CCL, “lumala ang pandaraya sa classroom dahil sa internet at high-tech na mga gadyet.”