Posible ba ang Isang Daigdig na Walang Terorismo?
Posible ba ang Isang Daigdig na Walang Terorismo?
“KAILANGAN nating sikaping abutin . . . ang mga puso’t isip.” Iyan ang konklusyon matapos ang 20-taóng pag-aaral sa buhay at personalidad ng itinuturing na mga terorista.
Pero ano ang makapagpapabago sa puso’t isip ng mga taong naging buhay na ang karahasan at paghihiganti?
Isang Aklat na Kayang Bumago ng Puso
Noong dekada ’90, pinag-isipan ni Hafeni ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala at nagpasiyang kumuha ng Bibliya. Sinabi niya: “Sinimulan kong pag-aralan ang mga Ebanghelyo [ang mga aklat ng Bibliya na Mateo, Marcos, Lucas, at Juan], na naglalaman ng buhay ni Jesus. Sa pagbabasa ko, naakit ako sa personalidad ni Jesus at sa kaniyang mabait at patas na pakikitungo sa mga tao. Naging maligaya ako dahil dito.”
Sinabi pa ni Hafeni na nang ipagpatuloy niya ang pagbabasa, “isang teksto sa Bibliya ang talagang nakaantig sa akin—Gawa 10:34 at 35.” Binabanggit doon: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”
“Sa tingin ko,” ang sabi ni Hafeni, “mga tao ang responsable sa pagtatangi sa pagitan ng mga tribo, bansa, at mga lahi. Nalaman ko na kayang baguhin ng mensahe ng Bibliya ang isip ng isang tao at na ang pinakamahalagang bagay sa buhay ay ang pagkakaroon ng mabuting katayuan sa harap ng Diyos. Mas mahalaga ito kaysa sa pakikipaglaban para sa iyong mga katribo, kalahi, o kakulay.”
Si Joseba, na nabanggit sa nakaraang artikulo, ay lider ng isang maliit na commando group na nagplanong pasabugin ang isang istasyon ng pulis. “Pero bago pa namin maisagawa ang pag-atakeng ito,” ang paliwanag ni Joseba, “inaresto ako at nakulong nang dalawang taon.” Nang maglaon, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang asawa niyang si Luci. Di-nagtagal, sumali rin si Joseba sa pag-aaral.
“Habang natututo ako tungkol kay Jesus,” ang naalaala ni Joseba, “nagiging huwaran ko siya. Natauhan ako sa sinabi niya: ‘Ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.’ Sang-ayon ako rito.” (Mateo 26:52) Sinabi pa ni Joseba: “Ang pagpatay ay humahantong lang sa galit at paghihiganti ng mga kapamilya. Puro pasakit ang naidudulot ng karahasan, hindi isang magandang daigdig.” Binago ni Joseba ang kaniyang saloobin.
Napatunayan nina Hafeni at Joseba na napakalaki ng epekto ng mga turo ng Bibliya sa buhay ng isang tao. Sinasabi ng Bibliya na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas” at kaya nitong unawain ang “mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Dahil sa Salita ng Diyos, marami ang natulungan na baguhin ang kanilang pag-iisip at pagkilos. Pero mayroon bang katibayan na ang mga sumusunod sa mga turo ng Bibliya ay nagkakaisa sa buong daigdig?
Isang Kapatiran na Nakasalig sa Pag-ibig
Nang magsimulang dumalo si Hafeni sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, naantig siya nang
makita niyang magkakasama ang iba’t ibang lahi. “Talagang kakaiba ang pakiramdam na maupong katabi ng isang puti,” ang sabi niya. “Ni sa hinagap, hindi ko naisip na darating ang panahong tatawagin kong kapatid ang isang puti. Pinatibay nito ang aking kombiksiyon na ang mga Saksi ang tunay na relihiyon dahil sa kanila ko nakita ang pagkakaisang pinakaaasam ko at ang pag-ibig sa isa’t isa kahit magkakaiba sila ng lahi.”Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tunay na tagasunod ay makikilala sa kanilang “pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Tumanggi rin siyang makibahagi sa mga alitan sa pulitika, at sinabi sa kaniyang mga alagad: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 6:15; 15:19; Mateo 22:15-22) Mula noon hanggang ngayon, ang pag-ibig at neutralidad ay mga pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano.
Pagsunod sa Itinuro ni Jesus
Pero paano madaraig ng pag-ibig ang terorismo? Kapag nagkaroon ng pagkakapootan dahil sa pulitikal na mga isyu, kadalasan nang pagmamahal sa sariling lahi, bansa, o etnikong pinagmulan ang nagiging sanhi ng mga labanan.
Halimbawa, noong 1914, ang pagmamahal ni Gavrilo Princip sa kanilang etnikong grupo ang nagtulak sa kaniya na patayin ang artsidukeng si Francis Ferdinand, ang tagapagmana sa trono ng Austria-Hungary. Si Princip ay miyembro ng isang organisasyong tinatawag na Black Hand. Ayon sa kanilang konstitusyon, mas pinipili nila ang “rebolusyon kaysa sa . . . paglilinang ng kultura” para maabot ang kanilang mga tunguhin. Ang pagpatay na ito ang naging mitsa ng digmaan sa pagitan ng diumano’y mga bansang Kristiyano, na naging dahilan ng Digmaang Pandaigdig I at pagkamatay ng milyun-milyong sundalo na nag-aangking tagasunod ni Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6.
Pagkatapos ng digmaan, tinuligsa ng prominenteng klero na si Harry Emerson Fosdick ang nag-aangking mga lider ng Kristiyanismo dahil hindi nila tinuruan ang kanilang mga miyembro na sumunod sa halimbawa ni Jesus. “Nagsanay tayo ng mga lalaki para sa digmaan,” ang isinulat niya. “Ginawa nating bayani ang mga mandirigma at iwinagayway ang mga bandila ng digmaan maging sa ating mga simbahan.” Nagtapos si Fosdick: “Pinupuri natin ang Prinsipe ng Kapayapaan pero kasabay nito ay niluluwalhati natin ang digmaan.”
Sa kabaligtaran, isang pag-aaral sa lipunan na inilathala noong 1975 ang nagsabi: “Pinanatili ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang paninindigan tungkol sa hindi marahas na ‘Kristiyanong neutralidad’ sa dalawang malalaking digmaang pandaigdig at sa sumunod na labanang militar noong panahon ng ‘Cold War.’” Kahit na pinagmalupitan at ibinilanggo ang mga Saksi, sila ay “hindi kailanman gumanti.” Ganito ang konklusyon ng pag-aaral: “Ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova
ay mula sa kanilang paniniwala na ang Bibliya ay kinasihang salita ng Diyos.”Mga Pakinabang sa Pagsunod sa mga Turo ng Bibliya
Nakatanggap ang dating punong ministro ng Belgium ng aklat tungkol kay Jesus na pinamagatang Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman mula sa kaniyang kapitbahay. Talagang naantig siya nang mabasa niya ito. “Kung pagtutuunan ng higit na pansin ng mga tao ang mensahe ng Ebanghelyo at isasabuhay ang mga simulaing itinuro ni Jesu-Kristo,” ang isinulat niya sa kaniyang kapitbahay, “ibang-iba sana ang daigdig sa ngayon.”
“Hindi na natin kakailanganin ang isang Security Council,” ang dagdag niya, “wala nang sasalakay na mga terorista, [at] matitigil na ang karahasan.” Pero ito ang naging konklusyon niya: “Pangangarap lang iyan nang gisíng.” Talaga nga ba? Sa ngayon, punung-puno ng karahasan ang daigdig. Pero natulungan ng Bibliya ang maraming indibiduwal na may iba’t ibang pinagmulan na makaiwas sa karahasan at mapagtagumpayan ang poot na nasa kanilang dibdib dahil sa mga patayang nasaksihan nila sa loob ng mga dekada.
Gaya ng ipinakita sa unang artikulo, si Andre ay muntik nang mamatay dahil sa bombang itinanim ng isang militanteng grupo. Ikinasawi iyon ng ilan sa kaniyang mga kaibigan. Pagkatapos, natutuhan niya at ikinapit ang payo ng Bibliya na ‘lubusang magpatawad.’ (Colosas 3:13) Si Hafeni, na naging miyembro ng grupong iyon ilang taon matapos ang insidente, ay nagkapit din ng mga prinsipyo sa Bibliya at umiwas na sa karahasan. (Awit 11:5) Ngayon, pareho nang Saksi ni Jehova sina Andre at Hafeni. Magkasama silang nagtatrabaho sa isang tanggapan sa pagsasaling-wika ng mga Saksi sa isang bansa sa Aprika.
Isang Matiwasay na Kinabukasan
Napatutunayan ng milyun-milyong tao sa buong daigdig na ang pag-aaral ng Bibliya ay nakatutulong para manghawakan sila sa isang matiwasay na kinabukasan. Halimbawa, isang araw ay ipinakikipag-usap ni Andre sa kapitbahay niya ang pangako ng Bibliya tungkol sa isang bagong sanlibutan. (Isaias 2:4; 11:6-9; 65:17, 21-25; 2 Pedro 3:13) Bigla na lang pinalibutan ng mga sundalong may malalakas na armas ang bahay, at inutusan nila si Andre na lumabas para tanungin. Nang malaman ng mga sundalo na si Andre ay isang guro sa Bibliya at nasisiyahan namang makinig ang kapitbahay, umalis na sila.
Katatapos lang ipaliwanag ni Andre na makikialam ang Diyos sa mga gawain ng tao, gaya ng ginawa Niya noong panahon ni Noe nang “ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:11) Nilipol ng Diyos ang mga tao noon sa pamamagitan ng isang pangglobong baha pero iningatan niyang ligtas si Noe, isang taong maibigin sa kapayapaan, pati na ang pamilya nito. “Kung paano ang mga araw ni Noe,” ang sabi ni Jesus, “magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
Si Jesus, ang “Anak ng tao,” ang pinili ng Diyos para mamahala sa Kaniyang Kaharian sa langit, at malapit na niyang pangunahan ang hukbo ng Diyos sa langit para alisin ang karahasan sa lupa. (Lucas 4:43) Bilang Hari, si Jesus ay magiging ‘patas sa lahat, at iiral ang kapayapaan.’ Poprotektahan niya ang kaniyang mga sakop “mula sa malupit at marahas na kamatayan.”—Awit 72:7, 14, Contemporary English Version.
Pagkatapos, makikita ng lahat ng umiibig sa katuwiran at nagpapasakop sa makalangit na Haring ito ang pagbabago ng lupa tungo sa isang mapayapang paraiso. (Lucas 23:42, 43) “Ang kapayapaan at katarungan,” ang pangako ng Bibliya, ay ‘maghahari sa bawat bundok at burol.’—Awit 72:1-3, CEV.
Gusto mo bang mabuhay sa isang daigdig na pinamumunuan ng gayong hari? Oo, isang daigdig na walang terorismo!
[Blurb sa pahina 7]
Napatunayan nina Hafeni at Joseba na napakalaki ng epekto ng mga turo ng Bibliya sa buhay ng isang tao
[Blurb sa pahina 9]
‘Kung isasabuhay ng mga tao ang mga simulaing itinuro ni Jesu-Kristo, ibang-iba sana ang daigdig sa ngayon. Hindi na natin kakailanganin ang isang Security Council, wala nang sasalakay na mga terorista, at matitigil na ang karahasan.’—Dating punong ministro ng Belgium
[Larawan sa pahina 8]
Nakatulong kina Hafeni at Andre ang pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya para magkaroon sila ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa