Magiging Matalino Ka ba sa Pagpili?
Magiging Matalino Ka ba sa Pagpili?
“Napaka-boring ng musikang pinakikinggan ng parents ko,” ang reklamo ng 17-anyos na si Jordan. *
“Ang musikang pinakikinggan ng anak ko ay puro tungkol sa hinanakit at galit,” ang sabi ng nanay niyang si Denise.
BAKIT kadalasan nang hindi magkasundo ang mga magulang at anak na tin-edyer pagdating sa musika? Una, nagbabago ang panlasa ng mga tao habang sila’y tumatanda. Pangalawa, mismong ang musika ay nagbabago. Kaya naman ang musikang popular ngayon ay maaaring hindi na uso bukas.
Pero isang bagay ang tiyak: nakaiimpluwensiya sa atin ang musika. Napapansin mo ba kung paano ito nakaaapekto sa iyong emosyon? Noong nababalisa si Haring Saul ng sinaunang Israel, nakatulong sa kaniya ang nakagiginhawang musika. (1 Samuel 16:23) Ang mga awit ay maikukumpara sa mga taong nakakasama natin. Ang ilan ay tumutulong sa atin na magkaroon ng positibong damdamin, gaya ng kaligayahan at pag-ibig. Ang iba naman ay pumupukaw ng negatibong damdamin, gaya ng galit at poot.—Kawikaan 13:20.
Dahil malaki ang impluwensiya ng musika, makabubuting maging matalino ang mga magulang at mga kabataan sa pagpili ng musika. Kung isa kang magulang, talaga bang interesado ka sa kung anong musika ang pinakikinggan
ng mga anak mo at kung gaano karaming oras ang nauubos nila rito? Nagtatakda ka ba ng mga pamantayan?Hindi iyan nangangahulugan na basta ipagbabawal mo ang ilang partikular na album o uri ng musika. Dapat mo ring tulungan ang mga anak mong tin-edyer na pumili ng angkop na alternatibo. Ang aklat na On Becoming Teenwise ay nagsasabi: “Hindi puwedeng basta mo na lang kukunin ang isang bagay na gustung-gusto ng isang tao. Kailangan ng panghalili, isang bagong bagay na kapalit para hindi siya bumalik sa dating gawi.”
Ang isa pang bagay na dapat pag-isipan ay: Gaano karaming oras ang nauubos ng mga anak mo sa pakikinig ng musika? Umaagaw ba iyan ng panahon sa mas mahahalagang bagay, gaya ng homework, gawain sa bahay, o mga aktibidad na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos? Ang sabi nga ng Bibliya, “sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”—Eclesiastes 3:1.
Problema rin kapag laging ibinubukod ng anak mo ang sarili niya. Siyempre pa, kailangan nating lahat ng privacy at dapat tayong maglaan ng panahon sa pagbubulay-bulay tungkol sa mahahalagang bagay sa buhay. (Awit 1:2, 3) Pero kapag lagi na lang nakabukod ang isa, baka puro pansarili na lang ang maisip niya. (Kawikaan 18:1) Para kay Felipe, na 20 anyos na ngayon, ang pakikinig sa musika ay ‘panahon para mapag-isa’ siya. “Pero nag-alala ang nanay ko,” ang sabi niya, “kasi lagi ko na lang ibinubukod noon ang sarili ko.”
Ano ang makatutulong sa mga kabataang gaya ni Felipe at sa kanilang mga magulang para hindi sila magtalo dahil sa musika? Paano tayo makagagawa ng matalinong pasiya sa pagpili ng musika? Marami ang natulungan ng mga simulain sa Bibliya. Maaari mong ipakipag-usap sa iyong mga anak ang sumusunod na tatlong tanong.
● Ano ang mensahe ng musika? “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal.” (Efeso 5:3) Maraming awit ang may magagandang liriko. Pero ang iba, lantaran man o hindi, ay nagtataguyod ng gawaing labag sa mabubuting pamantayan, gaya ng mga simulain sa Bibliya. Ang totoo, ang ilang klase ng musika ay nagtatampok ng imoralidad, pagkapoot, at karahasan. “May mga liriko ng rap na nakaka-shock, brutal, at punô ng poot sa kababaihan at ng kalaswaan,” ang sabi ng awtor na si Karen Sternheimer. Ang mga liriko naman ng heavy metal ay madalas na may kasamang karahasan at okulto. Kahit ang karaniwang pop music ay maaaring magtaguyod ng kuwestiyunableng paggawi. Kaya para maging matalino sa pagpili ng musika, gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Huwag maging sunud-sunuran sa kung ano ang popular o masarap pakinggan.
● Paano nakaaapekto sa aking damdamin ang musika? “Ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Hindi lang basta ipinakikita ng pinipili mong musika kung ano ang nasa puso at isip mo. Nakaiimpluwensiya rin ito sa iyong puso at isip. “May mga klase ng musika na kapag pinakinggan ko, nagiging magagalitin ako at agresibo,” ang sabi ni Jordan, na binanggit sa simula. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang epekto sa aking isip at damdamin ng musikang pinakikinggan ko? Narerelaks ba ako o nate-tense at nababalisa? Pumupukaw ba ito ng mahahalay na kaisipan?’ (Colosas 3:5) Kung dahil sa isang partikular na musika ay nagkakaroon ka ng negatibong damdamin o maruruming kaisipan, isang katalinuhan na iwasan mo iyon. (Mateo 5:28, 29) Si Hannah, 17 anyos, ay nagsabi, “nakikita ko ang pinsalang nagagawa ng masamang musika, at ayokong mangyari iyon sa akin.”
● Makaiimpluwensiya ba ang musika sa aking mabubuting ugali? “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan,” ang sabi sa Amos 5:15. Hindi ito madaling gawin sa ngayon dahil ayon sa hula ng Bibliya, ang karamihan ng tao ay magiging ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagmapuri sa sarili, palalo, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-matapat, walang likas na pagmamahal, hindi bukás sa anumang kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, walang pag-ibig sa kabutihan, maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.’ (2 Timoteo 3:1-4) Kaya naman sinasabi sa talata 5: “Layuan mo ang mga ito.”
Efeso 4:25, 29, 31) Pero ibig bang sabihin, kaunti na lang ang musika na puwede mong pakinggan? Hindi naman.
Paano mo lalayuan ang ganiyang uri ng mga tao? Maliwanag na hindi ka lang basta lalayo sa kanila. Dapat mo ring iwasan ang inilalabas nilang mga produkto na nagtataguyod ng masasamang gawain. (Subukan ang Ibang Uri ng Musika
Maraming magulang at tin-edyer ang nag-e-enjoy makinig sa musikang nagugustuhan ng bawat isa. Sinabi ni Lena, “Ipinarinig sa akin ng 13-anyos kong anak na babae ang paborito niyang kanta, at ngayon, gusto ko na rin iyon.” Si Heather, 16 anyos, at ang mga magulang niya ay nag-e-enjoy makinig sa musikang kinahihiligan ng bawat isa at madalas maghiraman ng CD.
Sa buong mundo, milyun-milyong Saksi ni Jehova, anuman ang kanilang edad at kultura, ang nasisiyahan sa iba’t ibang uri ng musika, kasama na rito ang nakapagpapatibay na espirituwal na mga awitin sa songbook na Umawit kay Jehova. * Gayunman, ang mga himig nito ay maaaring iba sa istilo ng musika na nakasanayan ng ibang mga tao sa kanilang kultura.
Magulang ka man o tin-edyer, kapag gusto mong bumili ng isang album o mag-download ng musika, tanungin ang sarili: ‘Sino ang nagbigay sa akin ng kakayahang masiyahan sa musika? Hindi ba’t ang Maylalang, ang Diyos na Jehova? Kaya paano ko maipakikita na talagang pinahahalagahan ko ang kaniyang mga regalo? Hindi ba’t dapat lang na sundin ko ang kaniyang mga pamantayan ng tama at mali o mabuti at masama?’ Ang mga tanong na ito ay tutulong sa iyo na maging matalino sa pagpili ng musika, sa gayo’y mapasasaya mo ang puso mo at ang puso ng iyong Maylalang.—Kawikaan 27:11.
[Mga talababa]
^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 17 Maaari itong i-download nang walang bayad mula sa Web site na www.mt1130.com.
[Blurb sa pahina 7]
Ang ilang klase ng musika ay nagtatampok ng imoralidad
[Blurb sa pahina 8]
Maraming uri ng musika ang puwede mong pakinggan
[Kahon sa pahina 7]
Kung Bakit Ako Nagbago
“Noong tin-edyer ako, wala na akong inatupag kundi alak, droga, at karahasan,” ang sabi ni Ashley, 24 anyos, “at musikang heavy metal at rap ang nagsusulsol sa akin na gawin iyon. Para akong lumalakas dahil sa liriko nito na lapastangan at punô ng galit at sa tiyempo nito na mabilis at mapuwersa. Lalo rin akong napalapit sa mga kaibigan kong adik dahil sa gayong musika. Ang mga rapper at mga bandang heavy metal ang itinuturing naming mga huwaran at bayani.
“Pero di-nagtagal, lalo pang nasira ang buhay ko. Sa edad na 17, na-overdose ako sa droga at muntik nang mamatay. Paggising ko, nanalangin ako sa Diyos na tulungan ako. Isang batang lalaki ang nagsabi noon sa akin na ang pangalan ng Diyos ay Jehova, na iniuugnay ko sa mga Saksi ni Jehova. Kaya kinuha ko ang direktoryo ng telepono, tinawagan ang mga Saksi, at nakipag-aral sa kanila ng Bibliya.
“Iniwan ko ang aking masasamang bisyo at itinapon ang pinakikinggan kong mga musika. Pero nang itapon ko sa basurahan ang aking mga CD, natigilan ako. Para akong nanghihinayang. Kaya sinabi ko sa sarili ko na ang musikang ito, pati na ang mga bisyo ko, ang sumisira sa akin. Tumalikod ako at umalis.
“Sa ngayon, pagkaraan ng ilang taon, natutukso pa rin akong makinig sa heavy metal at rap. Kaya iniiwasan ko ang mga iyon na parang drogang nakakaadik. Ngayon, nasisiyahan ako sa maraming uri ng musika, kasama rito ang ballad, easy rock, at ilang classical music. Pero ang pinakamahalaga, kontrolado ko na ang sarili ko.”
[Kahon sa pahina 9]
Mga Tip Para sa mga Magulang
Nababahala ka ba sa musikang pinakikinggan ng anak mo? Paano mo siya matutulungan nang hindi kayo nag-aaway? Pag-isipan ang mga mungkahing ito:
Kumuha ng impormasyon Alamin ang mga detalye bago magsalita. Pakinggan ang musika, pansinin ang liriko, at suriin ang pabalat ng album. Itanong sa sarili, ‘May dahilan ba ako para mag-alala, o masyado lang akong pihikan?’ Sinasabi sa Bibliya: “Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin, kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.”—Kawikaan 16:23, Magandang Balita Biblia.
Magtanong at makinig Ipinahihiwatig ng musikang gusto ng anak mo kung ano ang kaniyang ginagawa, iniisip, at nadarama. May-kabaitang alamin ang niloloob niya. Tanungin siya: “Ano ang gusto mo sa musikang ito? Nadarama mo rin ba ang sinasabi ng mga liriko nito?” Pagkatapos, makinig na mabuti sa sagot niya. Sinasabi sa Kawikaan 20:5: “Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao, ngunit ito’y matatarok ng isang matalino.”—Magandang Balita Biblia.
Turuan ang anak na magpasiya Ang tunguhin mo ay hindi lang basta maipatapon sa iyong anak ang isang CD na makasásamâ sa kaniya. Sa halip, gusto mong sanayin ang kaniyang “kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali” para siya mismo ang gumawa ng matalinong pasiya. (Hebreo 5:14) Kaya turuan siyang mag-research at mangatuwiran batay sa mga simulain ng Bibliya. Sa gayon, matutulungan mo siyang magkaroon ng makadiyos na karunungan at ng kakayahang mag-isip, na di-hamak na mas mahalaga kaysa sa lahat ng ginto sa mundo!—Kawikaan 2:10-14; 3:13, 14.
Maging matatag, maunawain, at mabait “Damtan [ang iyong] sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Colosas 3:12) Kapag nakikipagkatuwiranan sa iyong anak, huwag makipagtalo o maging diktador. Tandaan na dumaan ka rin sa pagiging tin-edyer.
[Larawan sa pahina 8]
Manghawakan sa matataas na pamantayan pagdating sa pagpili ng musika