Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tatar—Noon, Ngayon, at sa Hinaharap

Mga Tatar—Noon, Ngayon, at sa Hinaharap

Mga Tatar​—Noon, Ngayon, at sa Hinaharap

BATA pa ako, naririnig ko nang sinasabi na malamang na Tatar ang maraming Ruso. Sa pagkakaalam ko’y Ruso ako, pero hindi pa natatagalan, sinabi sa akin ng mga kamag-anak ko na ang lolo ko raw ay Tatar. * Nang sabihin ko ito sa mga kaibigan ko, sinabi ng ilan na sila rin ay may lahing Tatar.

Natutuwa akong malaman ang tungkol sa sikát na mga Tatar at sa tagumpay nila sa sining, isport, at iba pang larangan. Halimbawa, ang bantog sa ballet na si Rudolf Nureyev, na nakaimpluwensiya nang malaki sa larangan ng sayaw, ay isinilang sa Russia sa isang pamilyang Tatar. Mga pitong milyong Tatar ang nakatira sa mga bansa ng dating Unyong Sobyet. Hayaan ninyong ikuwento ko ang mga natutuhan ko tungkol sa mga Tatar.

Ang Kanilang Nakaraan

Sa loob ng maraming siglo, ang mga Tatar ay binabanggit kaugnay ng mga Mongol at Turko. Noong ika-13 siglo, sumama sila sa mga kampanyang militar ni Genghis Khan, na lider ng mga Mongol. * Napakalawak ng kaniyang imperyo at halos sinlaki ito ng dating Unyong Sobyet. Noong 1236, mga 150,000 sa kaniyang mga mandirigma ang nagtungo sa Europa, na nagsisimula sa gawing kanluran ng Kabundukan ng Ural. Dito sila unang sumalakay sa mga lunsod ng mga Ruso.

Di-nagtagal, nang masakop ng mga Mongol ang Russia, nagtatag sila ng isang bansa kung saan magkahalo ang mga Mongol at Turko, anupat ang kanlurang bahagi ay tinatawag ng ilan na Golden Horde. Ang kabisera nito, ang Sarai Batu, ay nasa bandang ibaba ng Ilog Volga. Saklaw ng estadong ito ang isang bahagi ng Siberia at ng Kabundukan ng Ural, gayundin ang malayong kabundukan ng Carpathian at Caucasus sa Ukraine at Georgia. Ang mga prinsipalidad ng mga Ruso ay pinagbayad ng buwis sa Horde. Noong ika-15 siglo, ang Horde ay nahati sa iba’t ibang teritoryo, gaya ng Crimea, Astrakhan, at Kazan’.

Tatarstan at ang Kabisera Nito, ang Kazan’

Sa ngayon, mga apat na milyon katao mula sa iba’t ibang bansa ang nakatira sa Republika ng Tatarstan, na nasa dulong silangan ng Russia sa Europa. Ang teritoryo nito ay mga 68,000 kilometro kuwadrado, at sinasabing isa ito sa “pinakamaunlad na sakop ng Russian Federation.” Ang Tatarstan ang isa sa pinakamalaking prodyuser ng langis at gas sa Russia. Mayroon itong mga industriya ng eroplano at kotse, at may ilang airport doon.

Ang Kazan’ ay isang modernong lunsod na may isang milyong mamamayan. Matatagpuan ito kung saan nagsasalubong ang mga ilog ng Volga at Kazanka. Isa ito sa maraming lunsod sa Russia na may magagandang subway. * Bawat istasyon ay may sariling disenyo. Ang ilan ay moderno, at ang ilan naman ay may silanganin o sinaunang istilo. Ang isang istasyon sa Kazan’ ay may 22 moseyk na fresco na naglalarawan sa tradisyonal na mga fairy tale ng mga Tatar.

Ang Kazan Federal University ay itinatag ng Rusong czar na si Alexander I noong 1804 at kinaroroonan ng isa sa pinakamalaking aklatan sa Russia. Ito’y isang prominenteng institusyon ng edukasyon at kultura at isa sa mga unang unibersidad sa Tatarstan. Kabilang sa 5,000,000 literatura sa aklatang iyon ang 30,000 sinaunang manuskrito, na ang ilan ay mula pa noong ikasiyam na siglo C.E.

Masarap maglakad sa kahabaan ng Bauman Street sa sentro ng lunsod. Maraming kapihan at magagandang tindahan doon. Nang pumunta kaming mag-asawa roon kamakailan, nasiyahan kaming mag-cruise sa Ilog Volga pagkatapos maglibot sa lunsod.

Ang isa sa dinadayo sa Kazan’ ay ang bantog na kremlin nito. Ang lumang tanggulang ito, na may mga gusali na mula pa noong ika-16 na siglo, ang kaisa-isang tanggulan ng mga Tatar sa Russia na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Makikita sa loob ng batong pader ng Kazan’ Kremlin ang Syuyumbeki Tower, mga gusali ng pamahalaan ng Tatarstan, isang moske, at isang simbahang Ortodokso.

Noong 2000, ang Kazan’ Kremlin ay naging isang UNESCO World Heritage site. Napakagandang tingnan ng arkitektura ng kremlin sa gabi dahil sa repleksiyon ng mga ilaw sa ilog.

Ang mga Tao at ang Kanilang Wika

Ang mga Tatar ang bumubuo sa pinakamalaking populasyong Turkic sa Russia na sinasabing umaabot nang mga 5,500,000. Pero hindi alam kung ilan talaga ang mga Tatar sa napakalawak na bansang ito.

Ang wikang Tatar ay kabilang sa mga wikang Turkic. Kasama rito ang mga wikang Azerbaijani, Bashkir, Kazakh, Kirghiz, Nogai, Turkish, Turkoman, Tuvinian, Uzbek, at Yakut. Ang ilan sa mga wikang ito ay magkakahawig anupat halos nagkakaintindihan ang mga nagsasalita ng mga iyon.

Sa buong mundo, milyun-milyon ang nagsasalita ng mga wikang Turkic. Sa mga lansangan ng mga lunsod sa Tatarstan, ginagamit ng mga tao kapuwa ang Tatar at Russian, pati na sa mga diyaryo, aklat, radyo, at telebisyon. Mapapanood sa mga teatro doon ang mga palabas sa wikang Tatar, na nagtatampok sa kasaysayan, alamat, at pang-araw-araw na buhay ng mga Tatar.

Ang mga karatula ng mga tindahan at kalye sa Kazan’ at iba pang mga lunsod ay nasa wikang Russian at Tatar. Maraming salitang Russian ang nanggaling sa Tatar. Sa Unyong Sobyet, ang Tatar, na dating isinusulat gamit ang alpabetong Arabic, ay sinimulang isulat sa alpabetong Latin noong 1928. Mula noong 1939, ang Tatar ay isinusulat sa isang anyo ng Cyrillic na kahawig ng Russian Cyrillic.

Mga Tradisyon ng Bansa

Ang mga Tatar ay dating mga mangangaso at may mga hayupan. Kahit sa ngayon, maraming tradisyonal na lutuin ang may sangkap na karne. Isa na rito ang belesh, na paborito ng maraming pamilyang Tatar. Karaniwan nang niluluto ito na parang pie, na may lamang patatas, karne, sibuyas, at mga pampalasa. Mga dalawang oras itong niluluto sa oven. Pagkatapos, ang “pie” ay hinahati sa harap ng lahat habang umuusuk-usok pa ito.

Sa mga pista opisyal ng mga Tatar, malamang na ang Sabantui ang pinakasinauna at pinakapopular. Nakasalig ito sa isang paganong kaugalian kung saan magkakasamang nagdarasal ang mga tao at naghahain sa diyos ng araw at sa espiritu ng mga ninuno. Naniniwala sila na dahil sa gayong mga hain, hindi mauubos ang kanilang lahi, dadami ang kanilang hayupan, at magiging mabunga ang kanilang lupain.

Mahilig sa kabayo ang mga Tatar. Ito ay mahalagang bahagi ng kanilang kultura at nauugnay sa pamumuhay nila noon nang pagala-gala. Nasa Kazan’ ang isa sa pinakamagandang karerahan ng kabayo sa buong mundo, na may 12 kuwadra at isang klinika ng beterinaryo. May swimming pool pa nga ito para sa mga kabayo!

Kung Anong Kinabukasan ang Naghihintay

Sinasabi sa Koran: “May-katiyakang isinulat Namin sa mga Awit, pagkatapos ng Torah: ‘Mamanahin nga ng Aking matuwid na mga lingkod ang lupa.’” (Sura 21, Al-Anbiyā [Mga Propeta], talata 105). Maliwanag na kinuha ito sa mga awit ni David na iniulat sa Bibliya mahigit 1,500 taon na ang nakararaan. Ayon sa Awit 37:29: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”

Saan kayang bansa at lahi manggagaling ang maligaya at matuwid na mga taong ito? Isang hula sa Injil (mga akda sa Bagong Tipan) ang nagsasabi: “Isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Tiyak na napakasarap mabuhay sa hinaharap sa gitna ng isang kapatiran mula sa iba’t ibang bansa at lahi! *

[Mga talababa]

^ par. 2 Ang mga Tatar ay isang malaking etnikong grupong Turkic na ang karamiha’y nasa Russia.

^ par. 5 Tingnan ang artikulong “Mga Lagalag na Asiano na Nagtatag ng Imperyo” sa Gumising! ng Mayo 2008.

^ par. 9 Ang iba pang lunsod sa Russia na may mga subway ay ang Yekaterinburg, Moscow, Nizhniy Novgorod, Novosibirsk, St. Petersburg, at Samara.

^ par. 25 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga layunin ng Diyos, tingnan ang brosyur na Tunay na Pananampalataya​—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 25]

ANG PANGALAN NG DIYOS SA WIKANG TATAR

Ayon sa aklat na Dinnər Tarixb (Mga Relihiyon sa Daigdig) na isinulat ni M. Khuzhayev, isang Tatar, si Adan ay nilalang ni Yakhve Allah, o Diyos na Jehova. Bukod diyan, ang edisyong Tatar ng Pentateuch, ang unang limang aklat ng Bibliya, ay may talababa sa Genesis 2:4 na nagsasabi tungkol sa pangalan ng Diyos: “Ang pangalang ito ay posibleng binibigkas na Yahveh ng sinaunang mga Hebreo.”

[Kahon sa pahina 26]

MGA SAKSI NI JEHOVA SA TATARSTAN

Dahil gusto nilang maipangaral sa mga tao ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay nagdaraos ng mga klase para sa pagtuturo ng wikang Tatar. Sinabi ng isang babaing taga-Tatarstan: “Naiyak ako sa tuwa nang matutuhan ko ang tungkol sa Diyos sa sarili kong wika.”

Noong 1973, isang maliit na grupo ng mga Tatar na Saksi ni Jehova ang nagsimulang magdaos ng pulong sa wikang Tatar para pag-aralan ang Bibliya. Noong dekada ’90, sinimulan ng mga Saksi ni Jehova ang paglalathala ng mga literatura sa Bibliya sa wikang Tatar. * At noong 2003, ang unang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Tatar ay itinatag sa Naberezhnye Chelny, sa Republika ng Tatarstan. Sa ngayon, mayroon nang 8 kongregasyon at 20 grupo sa wikang Tatar sa Russia.

Noong 2008, ang mga delegado mula sa Astrakhan, Rehiyon ng Volga, Kabundukan ng Ural, Kanlurang Siberia, at sa malayong hilaga ay dumalo ng pandistritong kombensiyon sa wikang Tatar. Ngayon sa Tatarstan, mayroon nang 36 na kongregasyon at grupo sa wikang Tatar, Russian, at Russian Sign Language, kung saan mahigit 2,300 ang nagtuturo ng katotohanan tungkol sa Diyos.

[Talababa]

^ par. 37 Ang Watch Tower Bible and Tract Society ay nakapaglimbag na ng Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon sa mahigit 560 wika.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

ISANG ATLETA NA NAGING PASTOL

Si Pyotr Markov ay isinilang sa isang nayon sa Tatarstan noong 1948. Sa loob ng 30 taon, kilalang-kilala siya sa kanilang lugar dahil napakahusay niya sa wrestling at weight-lifting. Minsan, 130 beses niyang nabuhat ang bigat na 32 kilo. Pero mula nang maging Saksi ni Jehova, nakilala siya sa pangangaral tungkol sa Diyos sa wikang Tatar at Russian at sa pagtulong sa mga tao na maharap ang mga problema sa buhay.

Dahil dito, natutularan ni Pyotr ang maibiging Maylalang, na inilarawan sa Isaias 40:11: “Papastulan niyang gaya ng pastol ang kaniyang sariling kawan. Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila. Yaong mga nagpapasuso ay maingat niyang papatnubayan.”

[Larawan]

Si Pyotr ay naglilingkod ngayon bilang pastol sa kongregasyon

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

RUSSIA

KABUNDUKAN NG URAL

MOSCOW

St. Petersburg

REPUBLIKA NG TATARSTAN

Kazan’

Ilog Volga

[Larawan sa pahina 25]

Ang Kazan’ Kremlin sa may Ilog Kazanka

[Credit Line]

© Michel Setboun/CORBIS

[Larawan sa pahina 26]

Ang “belesh” ay isang paboritong pagkain ng maraming pamilyang Tatar