Pitong Simulain na Mapananaligan
Pitong Simulain na Mapananaligan
ANG mga sumusunod ay mababasa sa isang sinaunang aklat na punô ng praktikal na mga simulaing kapit pa rin sa ngayon. Pag-isipan kung paano makatutulong ang mga ito sa matalinong paghawak ng pera.
1. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.” (Eclesiastes 5:10) Hindi iyan pananalita ng isang taong dukha na mainggitin. Isinulat iyan ng isa sa pinakamayamang tao na nabuhay sa lupa, si Haring Solomon ng Israel, batay sa kaniya mismong karanasan at obserbasyon. Ganiyan din ang opinyon ng maraming mayayamang tao sa ngayon.
2. “Kung may pagkain at pananamit tayo, dapat na tayong masiyahan. Ang mga taong naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso.” (1 Timoteo 6:8, 9, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ang pananalitang iyan ay isinulat ni apostol Pablo. Iniwan niya ang isang mataas na propesyon para maging tagasunod ni Jesu-Kristo. Di-tulad ng ilang relihiyosong lider sa ngayon, hindi natukso si Pablo na pagkakitaan ang kaniyang mga tinuturuan at mga kasamahan. Kaya naman nasabi niya: “Hindi ko inimbot ang pilak o ginto o kasuutan ng sinumang tao. Nalalaman ninyo mismo na ang mga kamay na ito ang nag-asikaso sa mga pangangailangan ko at niyaong sa mga kasama ko.”—Gawa 20:33, 34.
3. “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” (Lucas 14:28) Ang ilustrasyon ni Jesus ay maikakapit sa isang sitwasyong maaari mong maranasan: Bago bumili ng isang bagay, lalo na sa pamamagitan ng credit card, magpapadalus-dalos ka ba o mag-iisip muna at tutuusin ang magagastos? Talaga bang kailangan mo iyon, at kaya mo bang bilhin?
4. “Ang mangungutang ay alipin ng nagpapahiram.” (Kawikaan 22:7, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ipinakikita ng pandaigdig na krisis sa ekonomiya ang panganib ng pangungutang gamit ang credit card at iba pang paraan ng pag-utang. Sa ilang bansa, “karaniwan na lang sa ngayon na magkautang ang isang tao ng mahigit $9,000 sa apat o higit pang credit card,” ang sabi ni Michael Wagner sa aklat niyang Your Money, Day One noong 2009.
5. “Ang balakyot ay nanghihiram at hindi nagbabayad, ngunit ang matuwid ay nagpapakita ng lingap at nagbibigay ng mga kaloob.” (Awit 37:21) Iniisip ng ilan na para makaiwas sila sa pagbabayad ng utang, magdedeklara na lang sila ng bankruptcy. Pero ang mga nag-iingat ng kanilang kaugnayan sa Diyos ay seryoso sa pagbabayad ng kanilang utang, hangga’t kaya nila, at marunong ding magbigay sa kanilang kapuwa.
6. “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.” (Awit 37:25) Ang pananalitang iyan ay isinulat ng isang taong dumanas ng pang-aapi. Ilang taon siyang takas, anupat kung minsa’y nagtátagô siya sa mga kuweba o sa ibang lupain. Nang maglaon, ang takas na ito, si David, ay naging hari ng sinaunang Israel. Naranasan niya mismo ang sinabi niya sa itaas.
7. “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Sinabi iyan ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya,” ginamit ni Jesus ang buhay niya sa lupa para sa paglilingkod sa iba. Ngayon ay isa na siyang imortal na espiritu sa langit at nasa kanan ng “maligayang Diyos,” si Jehova.—Hebreo 12:2; 1 Timoteo 1:11.
Maaari tayong magkaroon ng makabuluhang buhay kung tutularan natin ang halimbawa ni Jesus. Gawin din natin ang ating buong makakaya para makatulong sa iba. Tiyak na sasang-ayon ka na mas mabuti ang pagtitipid nang may katalinuhan, para may maibahagi sa iba, kaysa sa paggasta na pansarili lang.