Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | Pagpapalaki ng mga Anak

Kung Paano Makikipag-usap sa Iyong Anak na Tin-edyer

Kung Paano Makikipag-usap sa Iyong Anak na Tin-edyer

ANG HAMON

Noong bata siya, sinasabi niya sa iyo ang lahat. Nang maging tin-edyer na siya, hindi na siya nagkukuwento. Kapag sinubukan mong makipag-usap sa kaniya, bahagya lang siyang sasagot o kaya’y sasagot nang pabalang at makikipagtalo sa iyo.

Puwede mong matutuhan kung paano makikipag-usap sa iyong anak na tin-edyer. Pero pag-isipan muna ang dalawang bagay na maaaring maging dahilan ng problema.

ANG DAHILAN

Gustong maging independent. Para maging responsableng adulto, kailangan ng anak mong tin-edyer na unti-unting lumipat mula sa upuan ng pasahero patungo sa upuan ng drayber, wika nga, at matutong harapin ang mga hamon sa daan ng buhay. Siyempre pa, gusto ng ilang tin-edyer ng higit na kalayaan kaysa sa nararapat sa kanila; ang ibang magulang naman ay sobrang higpit. Ang ganitong sitwasyon ay maaaring magdulot ng tensiyon sa pagitan ng mga magulang at mga tin-edyer. “Gustong kontrolin ng mga magulang ko ang lahat ng kilos ko,” ang reklamo ng 16-anyos na si Brad. * “Kung hindi nila ako bibigyan ng higit na kalayaan kapag 18 na ako, magsasarili ako!”

Lumalawak ang pananaw. Ang mga bata ay simple lang mag-isip—ang tama ay tama, at ang mali ay mali. Pero nakikita ng maraming tin-edyer ang iba pang mga bagay na dapat isaalang-alang. Mahalaga ang ganitong paraan ng pag-iisip, at nakatutulong ito para matutong magpasiya nang tama ang isa. Halimbawa, para sa isang bata, simple lang ang pagiging patas: ‘Hinati ni Mommy ang isang biskuwit at ibinigay ang kalahati sa akin at ang kalahati ay sa kapatid ko.’ Sa kasong ito, ang pagiging patas ay parang isang pormula lang sa matematika. Pero alam ng mga tin-edyer na hindi iyon ganoon kasimple. Ang patas na pakikitungo ay hindi laging nangangahulugang pantay na pagtrato sa lahat. At ang pantay na pagtrato naman ay hindi laging patas. Dahil mas malawak na ang pananaw ng iyong anak na tin-edyer, naiintindihan niya ang gayong komplikadong bagay. Pero ang disbentaha nito, posibleng hindi ka rin niya makasundo.

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Kung posible, gawing kaswal ang pag-uusap. Samantalahin ang di-pormal na mga pagkakataon. Halimbawa, napansin ng ilang magulang na mas nagkukuwento ang mga tin-edyer habang may ginagawa sila sa bahay o nagbibiyahe, kapag katabi nila ang kanilang magulang sa halip na kaharap.—Simulain sa Bibliya: Deuteronomio 6:6, 7.

Huwag magpaliguy-ligoy. Hindi mo kailangang ipakipagtalo nang husto ang bawat isyu. Sa halip, sabihin ang punto mo . . . at huminto na. Karamihan ng payo mo sa anak mong tin-edyer ay “maririnig” din niya pagtagal-tagal, kapag nag-iisa na siya at mapag-iisipan na ang sinabi mo. Bigyan mo siya ng pagkakataong gawin iyon.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 1:1-4.

Makinig—at maging makatuwiran. Makinig na mabuti—huwag sasabad—para maintindihan mo nang husto ang problema. Kung may sasabihin ka, maging makatuwiran. Kung masyado kang mahigpit, matutukso ang anak mo na magpalusot. “Ito ang panahon na nagkakaroon ng dobleng pamumuhay ang mga bata,” ang babala ng aklat na Staying Connected to Your Teenager. “Sinasabi nila sa kanilang mga magulang ang gustong marinig ng mga ito pero ginagawa naman nila ang gusto nila kapag hindi na sila nakikita ng kanilang mga magulang.”—Simulain sa Bibliya: Filipos 4:5.

Manatiling mahinahon. “Kapag hindi kami magkasundo, nagagalit si Mommy sa anumang sabihin ko,” ang sabi ng tin-edyer na si Kari. “Naiinis tuloy ako, at nauuwi sa pagtatalo ang pag-uusap namin.” Sa halip na magalit, magsabi ng isang bagay na magpapakitang naiintindihan mo ang nadarama ng iyong anak na tin-edyer. Halimbawa, sa halip na sabihin, “Hindi problema iyan!” sabihin, “Alam kong ikinababahala mo ito.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 10:19.

Hangga’t posible, magbigay ng patnubay, huwag magdikta. Ang kakayahan ng iyong anak na tin-edyer na mag-isip nang malawak ay parang mga kalamnan na kailangan ng ehersisyo. Kaya kapag may problema siya, huwag ikaw ang “mag-ehersisyo” para sa kaniya. Kapag pinag-uusapan ninyo ang problema, bigyan mo siya ng pagkakataong makaisip ng sariling solusyon. Pagkatapos ninyong mapag-usapan ang ilang opsyon, puwede mong sabihin: “Ilan lang iyan sa mga opsyon. Pag-isipan mo nang ilang araw, tapos mag-usap tayo uli kung alin ang napili mo at kung bakit.”—Simulain sa Bibliya: Hebreo 5:14.

^ par. 7 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.