Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Makokontrol ang Iyong Paggastos

Kung Paano Makokontrol ang Iyong Paggastos

Bukod sa mga advertisement, nariyan din ang ating sariling damdamin at mga kaugalian na nagiging dahilan ng sobrang pamimili. Narito ang anim na mungkahi para makontrol ang iyong paggastos.

  1. Iwasan ang padalus-dalos na pagbili. Excited ka bang mag-shopping at makakita ng sale? Kung oo, baka magpadalus-dalos ka sa pagbili. Para maiwasan ito, huwag kang magmadali. Isipin mo munang mabuti ang pangmatagalang resulta ng pagbili, pagkakaroon, at pagmamantini ng bagay na pinaplano mong bilhin. Alalahanin mo ang mga bagay na padalus-dalos mong binili noon at pagkatapos ay pinagsisihan mo. Mag-isip-isip ka muna bago magdesisyon.

  2. Huwag mag-shopping para lang gumanda ang pakiramdam mo. Ang pagsa-shopping ay pansamantalang nakapagpapasaya. Pero kapag bumalik ang di-magandang pakiramdam, baka mas tumindi ang kagustuhan mong gumastos. Sa halip na mag-shopping, makipag-usap sa iyong mga kaibigan o kaya’y gumawa ng ilang pisikal na gawain, gaya ng paglalakad.

  3.   Huwag gawing libangan ang pagsa-shopping. Dahil sa mga naggagandahang shopping mall, ang pagsa-shopping ay nagiging libangan na. Baka pumunta ka sa mall o mag-Internet para lang malibang, pero dahil sa mga makikita mo roon, malamang na matukso kang bumili. Mag-shopping ka lang kung may kailangan kang bilhin, at tiyaking iyon lang ang bibilhin mo.

  4. Maging maingat sa pagpili ng mga kaibigan. May malaking impluwensiya sa iyo ang istilo ng pamumuhay at mga kuwentuhan ng iyong mga kaibigan. Kung lumalaki ang gastos mo dahil nakikipagsabayan ka sa kanila, pumili ng mga kaibigang hindi sobra ang pagpapahalaga sa pera at materyal na mga bagay.

  5. Maging matalino sa paggamit ng credit card. Madaling bumili kapag may credit card, anupat hindi iniisip ang ibubunga nito. Sikaping bayaran nang buo ang iyong credit card bill buwan-buwan. Alamin ang interest rate at iba pang sinisingil ng iyong credit card, at ikumpara ito sa ibang mga card para mapili mo ang pinakamura. Mag-ingat sa mga premium card na nag-aalok ng mas malalaking pautang at mga benepisyong hindi mo naman kailangan. Sa halip na bumili gamit ang credit card, mag-ipon at magbayad nang cash.

  6. Alamin ang kalagayan ng iyong pananalapi. Mas madaling gumasta nang gumasta kapag hindi mo alam ang kalagayan ng iyong pananalapi. I-update ang mga rekord mo para malaman ang iyong sitwasyon sa pinansiyal. Gumawa ng realistiko at buwanang badyet batay sa iyong kinikita at nakaraang mga gastusin. I-monitor ang iyong ginagastos at ikumpara sa iyong badyet. Kung mayroon kang hindi maintindihan tungkol sa pinansiyal na mga bagay, magtanong sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan.