Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 SULYAP SA NAKARAAN | ANG KAHILINGAN

Isang Ultimatum sa Ngalan ng Diyos?

Isang Ultimatum sa Ngalan ng Diyos?

“Kung hindi ninyo ito gagawin, . . . sa tulong ng Diyos at sa awtoridad na ibinigay niya sa akin, lulusubin ko kayo, at didigmain nang lubusan sa abot ng aking makakaya, at ipasasakop ko kayo sa Simbahan at sa kaniyang Kamahalan; at kukunin ko ang inyong asawa’t mga anak para alipinin, . . . at sasamsamin ko ang inyong mga ari-arian at talagang pipinsalain kayo. . . . Mamamatay kayo at mapapahamak dahil sa inyong kagagawan at hindi dahil sa kaniyang Kamahalan, ni sa amin man.”

ITO na siguro ang isa sa pinakadi-makatuwirang opisyal na deklarasyon. Bahagi ito ng proklamasyong tinatawag na Kahilingan, o el Requerimiento sa wikang Kastila, na kailangang basahin nang malakas ng mga konkistador noong ika-16 na siglo pagdating nila sa mga lupain sa Amerika para manakop.

Ano ba talaga ang ipinroklama ng mga konkistador sa mga tagaroon, at bakit?

Sapilitang Pangungumberte sa Katolisismo

Di-nagtagal matapos marating ni Columbus ang mga lupain sa Amerika noong 1492, pinag-agawan ng Espanya at Portugal ang karapatang mamahala sa mga bagong lupaing ito. Yamang parehong itinuturing ng dalawang bansang ito ang papa bilang kinatawan ni Kristo sa lupa, hinilingan nila siyang lutasin ang usapin. Sa utos ng papa, ang mga bagong-tuklas na lupaing ito ay hinati ng simbahan at ibinigay sa Espanya at sa Portugal—sa kondisyong magpapadala ng mga misyonero ang dalawang bansang ito para kumbertihin ang mga katutubo.

Habang nagpapatuloy ang pananakop, sinikap ng monarkiya ng Espanya na maging lehitimo ang pananakop ng mga konkistador. Ayon sa mga Kastila, dahil ang papa ay nagsilbing kinatawan ng Diyos nang ibigay niya sa kanila ang mga lupain, malaya ang mga konkistador na gawin ang gusto nila sa mga katutubo at sa mga ari-arian ng mga ito at pagkaitan sila ng lubos na kalayaan.

 Gumawa ang Espanya ng dokumento para ipagbigay-alam sa mga katutubo ang desisyon ng papa. Inutusan ang mga katutubo na tanggapin ang Kristiyanismo at magpasakop sa hari ng Espanya. Kung hindi sila susunod, inisip ng mga Kastila na “matuwid” lang na digmain ang mga katutubo sa ngalan ng Diyos.

“Naniniwala silang hindi masama ang karahasan kung may makatuwirang dahilan. Kaya kinailangan ng Espanya na mag-isip ng mga dahilan na sa tingin nila ay makatuwiran.”—Francis Sullivan, Jesuitang propesor ng teolohiya

“Di-makatarungan, Lapastangan, Kagimbal-gimbal”

Iniutos ng monarkiya ng Espanya na basahin ang Kahilingan para hindi ito makonsiyensiya at maipagmatuwid ang mga pananakop nito. Ang proklamasyon ay karaniwan nang binabasa ng mga konkistador habang nasa barko bago sumalakay sa isang lupain o sa harap mismo ng mga katutubong hindi nakakaintindi ng mga wikang Europeo. Kung minsan, ang dokumento ay binabasa sa mga kubo na inabandona ng nahintakutang mga katutubo.

Ang sapilitang pangungumberteng ito ay naging dahilan ng pagdanak ng dugo. Halimbawa, mga 2,000 Araucanian ang pinatay sa labanan sa Chile noong 1550. Tungkol sa mga nakaligtas, sinabi ng konkistador na si Pedro de Valdivia sa hari: “Dalawang daan ang pinutulan ng mga kamay at ilong dahil sa kanilang pagmamatigas, yamang maraming beses ko silang pinadalhan ng mga mensahero at binigyan ng mga tagubilin [ang Kahilingan] gaya ng iniutos ng Inyong Kamahalan.” *

Maaaring nakatulong ang pagbasa sa Kahilingan para gumaan ang nababagabag na konsiyensiya ng mga mananakop. Pero hindi ito gaanong nakatulong sa pagpapalaganap ng relihiyon ng mga Kastila. Ang misyonerong prayle noong ika-16 na siglo na si Bartolomé de las Casas, na nakasaksi sa epekto ng Kahilingan, ay sumulat: “Talagang di-makatarungan, lapastangan, kagimbal-gimbal, di-makatuwiran, at kabaliwan ang utos na ito! Dahil dito, napakasama ng naging reputasyon ng relihiyong Kristiyano.” Ikinalungkot ng istoryador na si Gonzalo Fernández de Oviedo na dahil sa kalupitang ginawa sa mga katutubo sa mga lupain sa Amerika, ang mga ito ay nagkaroon ng napakapangit na impresyon sa Kristiyanismo.

Ang Diyos ba ang dapat sisihin sa kalupitan ng pamahalaan at simbahan, na diumano’y ginawa sa ngalan niya? Sinasabi ng Bibliya: “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat!”—Job 34:10.

^ par. 12 Ayon sa ilang reperensiya, ang Kahilingan ay pinawalang-bisa noong 1573.