Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

  MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Storage Capacity ng DNA

Ang Storage Capacity ng DNA

ANG mga nagko-computer ay nakagagawa ng napakaraming digital data na isine-save para ma-access kapag kailangan. Umaasa ang mga siyentipiko na mababago nila ang kasalukuyang paraan ng pag-iimbak ng impormasyon sa pamamagitan ng paggaya sa isang mas mahusay na data-storage system na nasa kalikasan—ang DNA.

Pag-isipan ito: Ang DNA, na nasa mga buháy na selula, ay naglalaman ng bilyun-bilyong biyolohikal na impormasyon. “Puwede natin itong kunin mula sa buto ng mga woolly mammoth . . . at unawain,” ang sabi ni Nick Goldman ng European Bioinformatics Institute. “Napakaliit din nito, siksik, at hindi nangangailangan ng kuryente para makapag-imbak, kung kaya napakadali nitong ibiyahe at ingatan.” Puwede bang ilagay sa DNA ang data na gawa ng tao? Ayon sa mga mananaliksik, oo.

Ang mga siyentipiko ay nakabuo ng artipisyal na DNA na may naka-encode na mga text, image, at audio file, kung paanong ang digital media ay nakapag-iimbak ng data. Nang maglaon, nai-decode ng mga mananaliksik ang nakaimbak na impormasyon doon nang may 100 porsiyentong katumpakan. Naniniwala ang mga siyentipiko na pagdating ng panahon, gamit ang pamamaraang ito, ang isang gramo ng artipisyal na DNA ay makapag-iimbak ng data ng mga 3,000,000 CD at na lahat ng impormasyong ito ay maiingatan nang daan-daang taon kung hindi man libu-libong taon. Baka nga posibleng iimbak sa storage system na ito ang digital archive ng buong mundo. Kaya naman ang DNA ay tinaguriang “pinakamahusay na hard drive.”

Ano sa palagay mo? Ang storage capacity ba ng DNA ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?