TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Kapag Sobra Na ang Stress ng Iyong Dalagita
ANG HAMON
Sinasabi ng anak mo na sobrang stressed na siya. ‘Sa edad na 13?’ ang di-makapaniwalang tanong mo sa iyong sarili. ‘Napakabata pa niya para malaman kung ano ang stress!’ Pero bago mo iyan sabihin sa kaniya, tingnan mo muna ang ilang dahilan kung bakit parang napakahirap ng buhay para sa isang dalagita.
ANG DAHILAN
Pagbabago sa katawan. Nakababalisa para sa isang dalagita ang biglang paglaki, lalo na kung siya ay nahuhuli—o nauuna—sa kaniyang mga kaedad. “Isa ako sa mga unang gumamit ng bra, kaya asiwang-asiwa ako sa sarili ko,” ang sabi ni Anna, * 20 anyos na ngayon. “Kumpara sa mga kaedad ko, pakiramdam ko’y weird ako. Para akong mutant!”
Pagbabago sa emosyon. Naaalaala pa ni Karen, 17 anyos na ngayon: “Inis na inis ako dahil hindi ko maintindihan kung bakit ang saya-saya ko maghapon, ’tapos sa gabi, iyak naman ako nang iyak. Hindi ko alam kung ba’t ako ganito. Parang ’di ko makontrol ang emosyon ko.”
Simula ng pagreregla. “Kahit kinausap na ako ni Mommy, nagulat pa rin ako noong una akong magkaroon,” ang sabi ng kabataang si Kathleen. “Ilang beses akong naliligo maghapon dahil parang ang dumi-dumi ko. ’Tapos inaasar pa ako ng tatlo kong kuya. Akala siguro nila, biru-biro lang ang pinagdadaanan ko.”
Panggigipit. Naaalaala pa ng 18 anyos na si Marie: “Noong 12 hanggang 14 anyos ako, napakalakas ng panggigipit sa iskul. Galít ang mga kaeskuwela ko kapag napaiba ka sa kanila.” Ang sabi naman ng 14-anyos na si Anita: “Sa edad ko, napakaimportanteng kabilang ka sa isang grupo ng magkakaibigan. Ang hirap kayang ma-out of place.”
KUNG ANO ANG PUWEDE MONG GAWIN
Pagkuwentuhin ang anak mo tungkol sa kaniyang stress. Sa umpisa, baka hindi agad siya magsalita. Pero huwag kang mainip. Sundin mo ang payo ng Bibliya na “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.
Seryosohin ang nararamdamang stress ng iyong dalagita. Tandaan, hindi pa niya nararanasan ang mga naranasan mo, kaya wala siyang mapagkukumparahan ng mga nararamdaman niyang stress—at lalo nang wala pa siyang kakayahang labanan ang mga iyon.—Simulain sa Bibliya: Roma 15:1.
Huwag mong tambakan ng gawain ang anak mo. Ayon sa aklat na Teach Your Children Well, kapag punung-puno ang iskedyul ng mga kabataan, sila ay “madalas kakitaan ng palatandaan ng stress, gaya ng pananakit ng ulo at tiyan.”—Simulain sa Bibliya: Filipos 1:9, 10.
Tiyaking sapat ang tulog ng iyong anak. Kadalasan nang pagtulog ang unang napapabayaan ng mga tin-edyer. Kapag kulang sa tulog ang anak mo, hihina ang isip niya, pati na ang kakayahan niyang labanan ang stress.—Simulain sa Bibliya: Eclesiastes 4:6.
Tulungang makahanap ng magandang pang-alis ng stress ang iyong anak. Para sa ilang dalagita, nakababawas ng pagkabalisa ang ehersisyo. “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang,” ang sabi ng Bibliya. (1 Timoteo 4:8) Sa iba naman, ang pagkakaroon ng diary ay nakatutulong para magkaroon ng tamang pangmalas sa stress. “Noong bata pa ako,” ang sabi ng 22-anyos na si Brittany, “isinusulat ko ang mga problemang hindi ko malutas. Kaya naman nalalaman ko kung ano talaga ang tingin ko sa isang problema. ’Tapos, mas madali nang solusyonan ’yon o kalimutan na lang.”
Magpakita ng halimbawa. Paano mo hinaharap ang stress? Inaako mo ba ang higit sa kaya mo at saka ka natataranta habang tinatapos ang mga iyon? Sinasagad mo ba ang sarili mo, kung kaya wala ka nang panahon sa mas mahahalagang bagay? “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran,” ang sabi ng Filipos 4:5. Tandaan, pinagmamasdan ng dalagita mo ang iyong halimbawa at sa pagtulad niya rito, puwede siyang mapabuti o mapasamâ.
^ par. 6 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.