Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 INTERBYU | HANS KRISTIAN KOTLAR

Ang Paniniwala ng Isang Biotechnologist

Ang Paniniwala ng Isang Biotechnologist

Noong 1978, ang unang trabaho ni Dr. Hans Kristian Kotlar sa scientific research ay sa Norwegian Radium Hospital, kung saan pinag-aralan niya ang tungkol sa kanser at sa immune system ng tao. Nang panahong iyon, naging interesado rin siya sa pinagmulan ng buhay. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang mga research at pananampalataya.

Paano ka naging interesado sa pinagmulan at kahulugan ng buhay?

Katoliko ang tatay ko at Protestante naman ang nanay ko. Ibig sabihin, hindi mahalaga sa kanila ang relihiyon. Noong kabataan ko, pinag-isipan ko ang kahulugan ng buhay, at nagbasa ako ng mga aklat tungkol sa Budismo, Hinduismo, at Islam. Hiniling ko pa nga sa Diyos na isiwalat niya sa akin ang katotohanan.

Pagsapit ng dekada ’70, malaki ang isinulong ng molecular biology, at naisip kong baka maisiwalat nito kung paano nagsimula ang buhay. Interesado ako sa mga mekanismong nasa loob ng mga selulang buháy, kaya pinag-aralan ko ang biotechnology. Siyanga pala, ayon sa karamihan ng propesor ko, ang buhay ay nag-evolve dahil sa likas na mga proseso, at naniwala naman ako sa kanila.

Bakit ka naging interesado sa Bibliya?

Dalawang Saksi ni Jehova ang pumunta sa bahay namin. Mababait naman sila, pero naging magaspang ako at sinabi kong hindi ako interesado. Narinig ito ng misis ko. “Hindi maganda ’yon, Hans Kristian,” ang sabi niya. “Ikaw nga itong interesadong malaman ang kahulugan ng buhay.” Tama siya, at napahiya ako. Kaya hinabol ko ang mga Saksi. Sa pag-uusap namin, sinabi ko sa kanila na gusto kong malaman kung ang Bibliya ay kaayon ng siyensiya.

Ano’ng sabi nila?

Ipinakita nila sa akin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Pinagmulan ng enerhiyang nasa uniberso. Ganito ang sabi ng tekstong binasa nila: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? . . . Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.” * Naintriga ako sa mga salitang iyan. At parang makatuwiran nga na isang matalinong Pinagmulan ng enerhiya  ang tanging nasa likod ng kaayusan sa uniberso.

Nagbago ba ang pangmalas mo sa ebolusyon?

Unti-unti kong nakita na walang matibay na patotoo ang siyensiya pagdating sa iba’t ibang teoriya ng ebolusyon. Sa katunayan, ang mga ito ay mga kuwentong inimbento para palitawing basta na lang umiral ang kamangha-manghang disenyong nasa nabubuhay na mga bagay, gaya ng immune system. Habang pinag-aaralan ko ang immune system, lalo kong nakikita kung gaano ito kasalimuot at kahusay. Kaya naman, dahil sa mga research ko, napatunayan kong ang buhay ay produkto ng isang matalinong Maylalang.

Dahil sa mga research ko, napatunayan kong ang buhay ay produkto ng isang matalinong Maylalang

May maibibigay ka bang halimbawa ng matalinong disenyo?

Ang immune system mismo ay isang kahanga-hangang grupo ng mga kayarian at mekanismong dinisenyo para protektahan ang katawan natin mula sa iba’t ibang kalaban, kasali na ang mga baktirya at virus. Ang mga mekanismo naman ay maaaring hatiin sa dalawang magkaugnay na sistema. Ang una ay umaatake sa mga mikrobyo ilang oras lang matapos sumalakay ang mga ito. Ang ikalawa naman ay pagkaraan pa ng ilang araw, pero gaya ng nakaasintang panà, tinatarget nito ang mga kalaban. Matandain din ang ikalawang sistemang ito. Kaya kapag bumalik ang isang partikular na kalaban pagkaraan ng mga taon, agad nitong aatakihin iyon. Napakahusay ng buong sistema kung kaya hindi mo man lang mahahalata na nahawahan ka na pala at naprotektahan. Ang husay rin ng immune system dahil alam nito kung alin ang mga napahalong substansiya at kung alin naman ang daan-daang uri ng selula na bumubuo sa ating katawan.

Ano ang nangyayari kapag nakapasok sa katawan ang mga mikrobyo?

Ang mga mikrobyo ay nakakapasok sa ating katawan kapag tayo’y humihinga, kumakain, o sa pamamagitan ng ating urogenital tract at mga sugat. Kapag na-detect ng immune system ang mga kalaban, sinisimulan nito ang sunud-sunod na reaksiyon ng napakaraming protinang metikuloso ang pagkakadisenyo. Ina-activate ng bawat bahagi ng reaksiyong ito ang kasunod na bahagi para patindihin ang pag-atake sa kalaban. Talagang kamangha-mangha!

Kung gayon, masasabi bang tumibay ang pananampalataya mo sa Diyos dahil sa kaalaman mo sa siyensiya?

Oo! Ang kakayahan at husay ng ating immune system ay nagpapakitang mayroon ngang matalino at maibiging Maylalang. Masasabi ko ring pinatibay ng siyensiya ang pananampalataya ko sa Bibliya. Halimbawa, sinasabi sa Kawikaan 17:22 na “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.” Natuklasan ng mga mananaliksik na ang kalagayan ng ating isip ay may malaking epekto sa ating immune system. Halimbawa, ang stress ay nakapagpapahina ng ating resistensiya.

Karamihan sa mga kakilala mo ay hindi naniniwala sa Diyos. Bakit kaya?

Iba’t iba ang dahilan. Ang ilan, gaya ko, ay basta na lang naniniwala sa itinuro sa kanila. Baka iniisip nila na ang ebolusyon ay suportado ng siyensiya. Ang iba naman ay di-gaanong interesado kung paano nagsimula ang buhay. Nakakalungkot iyon. Para sa akin, dapat sana’y nagtatanung-tanong sila.

Bakit ka naging Saksi ni Jehova?

Naakit kasi ako sa kanilang pagkamapagpatuloy at sa pananampalataya nila sa magandang bukas na ipinangako ng Maylalang. * At ang pananampalatayang iyan ay salig sa mga research at mahuhusay na pangangatuwiran, hindi sa mga alamat o espekulasyon. *