Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Ano ang Isang Mabuting Kaibigan?

Ano ang Isang Mabuting Kaibigan?

NOONG Disyembre 25, 2010, isang 42-anyos na babae sa Britain ang nag-post ng suicide note sa isang kilaláng social networking site. Para siyang nagmamakaawa sa message niya. Pero kahit mahigit isang libo ang “friends” niya sa Internet, wala man lang dumamay sa kaniya. Natagpuan ng mga pulis ang bangkay niya pagkaraan ng isang araw. Namatay siya dahil sa overdose.

Dahil sa modernong teknolohiya, napakadali na ngayong magkaroon ng daan-daan o libo-libo pa ngang “friends” sa social network—basta idagdag lang natin ang pangalan nila sa listahan ng ating mga contact. At kung ayaw na nating maging “friend” ang isang tao, idi-delete lang natin ang pangalan niya sa ating contact list. Pero pinatutunayan ng karanasan ng babae sa Britain ang isang masaklap na katotohanan—hiráp pa ring makahanap ng tunay na kaibigan ang marami. Sa katunayan, ipinakikita ng isang surbey kamakailan na kahit mas madalas tayo ngayong nakikisalamuha sa iba, bumababa pa rin ang bilang ng ating tunay na malalapít na kaibigan.

Gaya ng marami, marahil ay sang-ayon ka rin na mahalagang magkaroon ng mabubuting kaibigan. Pero alam mo rin na ang pakikipagkaibigan ay hindi lang basta pagki-click ng mga link sa iyong computer o cellphone. Ano ang hinahanap mo sa isang kaibigan? Paano ka magiging isang mabuting kaibigan? Ano ang kailangan para tumagal ang pagkakaibigan?

Isaalang-alang natin ang apat na mungkahi, at tingnan kung paano makatutulong sa iyo ang payo ng Bibliya para magkaroon ka ng mga katangiang hinahanap ng mga tao sa isang kaibigan.

 1. Ipakita na Talagang Nagmamalasakit Ka

Kailangan sa tunay na pagkakaibigan ang commitment. Ibig sabihin, alam ng isang mabuting kaibigan na may responsibilidad siya sa iyo, at talagang nagmamalasakit siya sa iyo. Siyempre pa, pareho kayong dapat makadama ng gayong responsibilidad, at kailangan dito ang pagsisikap at pagsasakripisyo. Pero sulit naman iyan. Tanungin ang sarili, ‘Handa ko bang ibigay ang aking sarili, panahon, at anumang mayroon ako para sa kaibigan ko?’ Tandaan, para magkaroon ng mabuting kaibigan, ikaw mismo ay dapat na maging isang mabuting kaibigan.

ANG HINAHANAP NG MGA TAO SA ISANG KAIBIGAN

Irene: “Ang pakikipagkaibigan ay parang pag-aalaga ng isang magandang garden. Kailangan dito ang maraming panahon at pag-aalaga. Una sa lahat, dapat ka munang maging isang mabuting kaibigan. Ipakita mo ang iyong pagmamahal at personal na interes. At dapat na handa mong isakripisyo ang iyong panahon, kung kailangan.”

Luis Alfonso: “Sa ngayon, inuuna ng marami ang sarili bago ang kapuwa. Kaya napakalaking bagay kapag may nagpakita sa ’yo ng kabaitan nang walang inaasahang kapalit.”

ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA?

“Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila. Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo.” (Lucas 6:31, 38) Dito, pinasisigla tayo ni Jesus na maging mapagbigay at huwag maging makasarili. Kung gagawin natin ito, magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan. Kung handa mong ibigay ang iyong sarili para sa mga kaibigan mo nang walang inaasahang kapalit, gugustuhin ka nilang maging kaibigan.

2. Maging Mahusay sa Pakikipag-usap

Hindi lalalim ang tunay na pagkakaibigan kung walang komunikasyon. Kaya laging mag-usap tungkol sa mga bagay na gusto ninyo. Pakinggan ang iyong kaibigan, at igalang ang opinyon niya. Kung posible, papurihan siya at patibayin. May mga panahong kailangan niya ng payo o pagtutuwid pa nga, at hindi ito laging madaling ibigay. Pero ang isang tapat na kaibigan ay may lakas ng loob na itawag-pansin ang maling ginagawa ng kaniyang kaibigan at magbigay ng payo sa mataktikang paraan.

ANG HINAHANAP NG MGA TAO SA ISANG KAIBIGAN

Juan: “Ang isang tunay na kaibigan ay malayang nakapagsasabi ng opinyon niya, pero hindi nagagalit kapag hindi ka sang-ayon dito.”

Eunice: “Gustong-gusto ko ang mga kaibigan na may panahon at handang makinig sa ’kin, lalo na ’pag may problema ako.”

Silvina: “Sasabihin sa ’yo ng mga tunay na kaibigan kung ano ang totoo—kahit alam nilang masakit ito—kasi iniisip nila ang kapakanan mo.”

ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA?

Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Sa pagkakaibigan, mahalaga ang pakikinig. Pero kung ikaw lagi ang nagsasalita, ipinadarama mong mas mahalaga ang opinyon mo kaysa sa opinyon nila. Kaya makinig ka kapag nagsasabi sa iyo ng niloloob ang kaibigan mo. At huwag sasamâ ang loob mo kapag may itinawag-pansin siya sa iyo. “Ang mga sugat na idinulot ng [kaibigan] ay tapat,” ang sabi ng Kawikaan 27:6.

 3. Maging Makatotohanan sa mga Inaasahan

Habang nagiging malapít tayo sa isang kaibigan, mas nakikita natin ang kaniyang mga kapintasan. Hindi perpekto ang mga kaibigan natin, pero ganoon din tayo. Kaya hindi tayo dapat umasang hindi sila magkakamali. Sa halip, pahalagahan natin ang kanilang magagandang katangian at palampasin ang kanilang mga pagkakamali.

ANG HINAHANAP NG MGA TAO SA ISANG KAIBIGAN

Samuel: “Kadalasan, mas mataas ang expectation natin sa iba kaysa sa sarili natin. Pero kung alam nating tayo mismo ay nagkakamali at nangangailangan ng kapatawaran, mas magiging mapagpatawad tayo.”

Daniel: “Tanggapin mo na talagang magkakamali ang mga kaibigan mo. Kapag nagkaproblema kayo, ayusin agad ito at kalimutan na.”

ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA?

Handa ka bang magpatawad?Colosas 3:13, 14

“Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Ang mga salitang iyan ay tutulong sa atin na maging mas maunawain sa ating mga kaibigan. Kaya naman mapalalampas natin ang maliliit na pagkakamali at pagkukulang na baka ikayamot natin. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. . . . Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”Colosas 3:13, 14.

 4. Makipagkaibigan sa Iba’t Ibang Uri ng Tao

Totoo na kailangan tayong maging mapamili pagdating sa kaibigan. Pero hindi ibig sabihin nito na kakaibiganin lang natin ang mga kaedad o kapareho natin ng background. Kapag nagpakita tayo ng interes sa lahat ng tao, anuman ang kanilang edad, pinagmulan, at lahi, mas magiging maligaya tayo.

ANG HINAHANAP NG MGA TAO SA ISANG KAIBIGAN

Unai: “Kung ang kakaibiganin mo lang ay y’ong mga kaedad mo o kapareho mo ng gusto, para itong pagsusuot ng paborito mong kulay ng damit sa lahat ng panahon. Paborito mo man ang kulay na ’yon, magsasawa ka rin.”

Funke: “Nag-mature ako nang magkaro’n ako ng maraming kaibigan. Natuto akong makisama sa mga taong iba’t iba ang edad at background, kaya naman naging mas palakaibigan ako at marunong makibagay. At talagang na-appreciate ’yon ng mga kaibigan ko.”

Nakikipagkaibigan ka ba sa iba’t ibang uri ng tao?2 Corinto 6:13

ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA?

“Nagsasalita akong gaya ng sa mga anakkayo rin ay magpalawak.” (2 Corinto 6:13) Pinasisigla tayo ng Bibliya na makipagkaibigan sa lahat ng uri ng tao. Kung gagawin mo ito, magiging makulay ang buhay mo, at mapapamahal ka sa iba.