MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Ireland
ANG “Emerald Isle” ay binubuo ng dalawang bansa: ang independiyenteng Republic of Ireland na mas malaki, at ang mas maliit na Northern Ireland, na bahagi ng United Kingdom.
Emerald Isle ang tawag sa Ireland dahil sa berdeng-berdeng kabukiran nito na resulta ng saganang pag-ulan. Nakadaragdag din sa kagandahan nito ang mga lawa at ilog pati na ang mga burol nito at mga bundok sa tabing-dagat.
Maraming hirap na pinagdaanan ang mga Irish. Halimbawa, tinatayang mula noong mga 1845 hanggang 1851, mga isang milyon katao ang namatay sa sakit at gutom nang masira ang mga pananim na patatas dahil sa salot. Para matakasan ang kahirapan, marami ang nandayuhan sa mga bansang gaya ng Australia, Britanya, Canada, at Estados Unidos. Sa ngayon, mga 35 milyong Amerikano ang may mga ninunong taga-Ireland.
Kilaláng magiliw at mapagpatuloy ang mga Irish. Paborito nilang libangan ang pangangabayo at mga isport na gaya ng cricket, rugby, soccer (na tinatawag nilang football), at Gaelic football (kahawig ng soccer). Karaniwan nang mga babae ang naglalaro ng isport na camogie, na kahawig ng field hockey.
Mahilig sa kuwentuhan ang mga taga-Ireland, at mahilig din sila sa musika. Kilalá sa buong daigdig ang Irish step dance. Tuwid na tuwid ang katawan ng mga mananayaw; napakabilis at eksakto ang galaw ng kanilang mga paa.
Mahigit sandaang taon na sa Ireland ang mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon, mahigit 6,000 Saksi ang nakatira doon at masigasig na nagtuturo ng Bibliya.
ALAM MO BA?
Ang Giant’s Causeway, sa hilagang baybayin ng Northern Ireland, ay binubuo ng libo-libong haligi ng batong basalto na nabuo nang tumigas ang sinaunang lava na humalo sa tubig-dagat.