Pagmamasid sa Daigdig
Daigdig
“Taon-taon, halos 3 milyong sanggol ang namamatay sa unang buwan ng kanilang buhay, karamihan ay dahil sa mga sanhing puwede namang maiwasan. Mahigit sangkatlo ng mga sanggol na ito ang namamatay sa unang araw pa lang ng kanilang buhay.”—Save the Children International.
Britain
Noong 2011, ayon sa Public Health England, tumaas ang bilang ng mga namatay sa 15 distrito sa London dahil sa polusyon sa hangin. Ang nakapagtataka, ang diesel ay sinasabing di-gaanong nakasasamâ sa kapaligiran dahil mas matipid daw ito at mas kakaunti ang inilalabas na carbon dioxide. Pero 91 porsiyento ng polusyon sa hangin sa lugar na iyon ay galing sa mga sasakyang gumagamit ng diesel.
Russia
Ayon sa isinagawang surbey ng Public Opinion Foundation sa Russia noong 2013, mga 52 porsiyento ng mga Ruso na nagpapakilalang sila ay Kristiyanong Ortodokso ang nagsabing hindi pa sila nakakabasa ng kahit isang bahagi ng Bibliya, at 28 porsiyento ang nagsabing bihira silang magdasal.
Aprika
Ang kalituhan sa pagmamay-ari ng mga lupang sakahan ay nagpapabagal sa produksiyon at nagpapalalâ sa kahirapan, ayon sa isang report ng World Bank. Sa buong daigdig, kalahati sa mga lupang hindi pa nasasaka—mga 202 milyong ektarya—ay nasa Aprika, kung saan ang produksiyon ay sinasabing 25 porsiyento lang ng talagang kakayahan nito.
Estados Unidos
Pinapalitan ng ilang iskul at unibersidad ang kanilang mga textbook ng mga electronic tablet na naglalaman ng mga kinakailangang impormasyon, software, app, at iba pang file. Pero kinukuwestiyon kung mas nakakatipid nga ba sa mga ito.