TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Kung Paano Aalisin ang Hinanakit
ANG HAMON
Hindi mo makalimutan ang masasamang sinabi at ginawa ng iyong asawa; tumatak na sa isip mo ang masasakit na salita at walang-pakundangang mga kilos niya. Kaya naman ang iyong pagmamahal ay napalitan ng hinanakit. Parang wala ka nang magagawa kundi pagtiisan na lang ang isang pagsasamang walang pag-ibig. Dahil diyan, naghihinanakit ka rin sa asawa mo.
Huwag mawalan ng pag-asa; puwede pang bumuti ang sitwasyon ninyo. Pero alamin muna natin ang ilang bagay tungkol sa hinanakit.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Ang hinanakit ay makasisira sa inyong pagsasama. Bakit? Dahil pinahihina nito ang mismong mga katangiang kailangan sa masayang pag-aasawa, kasama na ang pag-ibig, tiwala, at katapatan. Kung gayon, ang hinanakit ay hindi resulta ng problema ng mag-asawa; ito ay problema ng mag-asawa. Kaya naman sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng mapait na saloobin . . . ay alisin [ninyo] mula sa inyo.”
Sa paghihinanakit, sinasaktan mo ang iyong sarili. Kapag naghihinanakit ka sa isang tao, parang sinasampal mo ang sarili mo pero umaasa kang siya ang masasaktan. “Ang kapamilyang kinasasamaan mo ng loob ay baka ayos naman, masaya, at baka nga wala lang sa kaniya ang nangyari,” ang isinulat ni Mark Sichel sa kaniyang aklat na Healing From Family Rifts. Ang punto? “Kapag naghihinanakit ka sa isang tao, ikaw ang higit na nasasaktan, hindi siya,” ang sabi ni Sichel.
Ang paghihinanakit ay pumipigil sa masayang takbo ng inyong pagsasama
Nasa iyo kung maghihinanakit ka. Baka hindi sang-ayon diyan ang ilan. Sinasabi nila, ‘Ang asawa ko ang dahilan kung bakit ako naghihinanakit.’ Pero mali ang gayong kaisipan dahil nakapokus ito sa isang bagay na hindi mo kontrolado
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Huwag magpadaig sa hinanakit. Totoo, madaling sisihin ang iyong asawa. Pero tandaan, nasa iyo kung maghihinanakit ka. Nasa iyo rin kung magpapatawad ka. Puwede mong piliing sundin ang paalaala ng Bibliya: “Huwag hayaang lumubog ang araw na [ikaw] ay pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Kung magiging mapagpatawad ka, mahaharap mo ang mga problema ninyong mag-asawa taglay ang positibong saloobin.
Tapatang suriin ang iyong sarili. Sinasabi ng Bibliya na may mga taong “magagalitin” at “madaling magngalit.” (Kawikaan 29:22) Ganiyan ka ba? Tanungin ang sarili: ‘Ugali ko bang magkimkim ng sama ng loob? Madali ba akong magdamdam? May tendensiya ba akong palakihin ang maliliit na bagay?’ Sinasabi ng Bibliya na “siyang salita nang salita tungkol sa isang bagay ay naghihiwalay niyaong malalapít sa isa’t isa.” (Kawikaan 17:9; Eclesiastes 7:9) Puwede ring mangyari iyan sa mga mag-asawa. Kaya kung may tendensiya kang maghinanakit, tanungin ang sarili, ‘Puwede ba akong maging mas mapagpasensiya sa asawa ko?’
Isipin kung ano ang mas mahalaga. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) Hindi lahat ng pagkakamali ay kailangang pag-usapan; kung minsan, puwedeng ‘magsalita ka na lang sa iyong puso, sa iyong higaan, at manahimik.’ (Awit 4:4) Kapag kailangan mo talagang ipakipag-usap ang isang bagay, palipasin muna ang iyong inis. “Kapag masama ang loob ko,” ang sabi ng may-asawang si Beatriz, “sinisikap ko munang kumalma. Kung minsan, nare-realize ko na hindi naman pala gano’n kagrabe ang nagawa sa ‘kin, kaya nagiging magalang na ako sa pakikipag-usap.”
Unawain ang kahulugan ng “magpatawad.” Sa Bibliya, ang salita sa orihinal na wika na isinasalin bilang “magpatawad” ay nagpapahiwatig ng ideya na pakawalan ang isang bagay. Kaya naman kapag nagpatawad ka, hindi ibig sabihin nito na kailangan mong bale-walain ang pagkakamali o kumilos na para bang hindi ito nangyari; baka kailangan mo lang itong pakawalan, o palampasin, dahil kumpara sa nagawang pagkakamali ng asawa mo, ang paghihinanakit ay mas makapipinsala sa kalusugan mo at sa pagsasama ninyo.