Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Pakikitungo sa mga Biyenan

Pakikitungo sa mga Biyenan

ANG HAMON

“Noong minsang may problema kami, nagsabi ang asawa ko sa mga magulang niya. Pagkatapos, tinawagan ako ng tatay niya para payuhan. Hindi ko nagustuhan ’yon!”—James. *

“Laging sinasabi ng biyenan kong babae, ‘Miss na miss ko na ang anak ko!’ Ikinukuwento niya kung gaano sila ka-close. Nagi-guilty tuloy ako, kasi feeling ko, malungkot siya dahil pinakasalan ko ang anak niya!”—Natasha.

Paano maiiwasan na ang problema ng magbiyenan ay maging problema ng mag-asawa?

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Ang mga ikinakasal ay nagiging isang bagong pamilya. Sinasabi ng Bibliya na sa pag-aasawa, “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa.” Totoo rin iyan sa asawang babae dahil sinasabi ng Bibliya na ang dalawang ikinasal ay magiging “isang laman.” Sila ay isa nang bagong pamilya.—Mateo 19:5.

Unahin ang asawa bago ang mga magulang. “Ang isa sa pinakamahalaga sa mag-asawa ay ang pagkakaroon ng kaisipang ‘isa lang’ sila,” isinulat ng tagapayong si John M. Gottman. “Baka kailangan mo nang dumistansiya sa iyong mga magulang at kapatid para maging kaisa ka ng iyong kabiyak.” *

Baka mahirapang mag-adjust ang ilang magulang. Sinabi ng isang asawang lalaki: “No’ng dalaga pa ang asawa ko, palagi niyang inuuna ang gusto ng mga magulang niya. Nang ikasal kami, nakita ng nanay niya na iba na ang sitwasyon. Hindi ito naging madali sa nanay niya.”

Baka mahirapan din ang ilang bagong kasal. “Ang pagkakaroon ng mga biyenan ay di-gaya ng pagkakaroon ng mga kaibigang pinili mo,” ang sabi ni James, na binanggit kanina. “Para bang sa ayaw at sa gusto mo, nagkaroon ka ng dalawang bagong kaibigan. Inis na inis ka man, kapamilya mo na sila!”

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Kapag nagtatalo kayong mag-asawa tungkol sa isang isyu may kinalaman sa biyenan, sikaping lutasin ito sa pamamagitan ng pagtutulungan. Sundin ang payo ng Bibliya na “hanapin mo ang kapayapaan, at itaguyod mo iyon.”—Awit 34:14.

Para magawa iyan, tingnan ang sumusunod na mga senaryo. Bagaman ang bawat senaryo ay ayon sa pananaw ng asawang lalaki o ng asawang babae, puwede itong maging hamon sa alinman sa kanila. Ang mga simulaing binabanggit ay makatutulong sa iyo na lutasin ang ilang isyu tungkol sa mga biyenan.

Sinasabi ng misis mo na sana’y makasundo mo ang nanay niya. Pero nahihirapan kang makitungo sa biyenan mo.

Subukan ito: Ipakipag-usap ito sa misis mo, at maging handang magparaya. Ang isyu ay hindi ang nadarama mo sa iyong biyenan, kundi ang nadarama mo sa iyong asawa—ang taong pinangakuan mong mamahalin. Sa pag-uusap ninyong mag-asawa, mag-isip ng isa o dalawang espesipikong paraan para gumanda ang kaugnayan mo sa iyong biyenan, at gawin mo iyon. Habang nakikita ng asawa mo ang iyong pagsisikap, tiyak na lalo ka niyang igagalang.—Simulain sa Bibliya: 1 Corinto 10:24.

Sinasabi ng mister mo na mas inuuna mo ang mga magulang mo kaysa sa kaniya.

Subukan ito: Ipakipag-usap ito sa mister mo, at sikaping unawain ang pananaw niya. Siyempre pa, hindi siya dapat mabahala kung iginagalang mo lang naman ang mga magulang mo. (Kawikaan 23:22) Pero kailangan mo pa ring ipadama sa kaniya—sa salita at gawa—na mas inuuna mo siya kaysa sa mga magulang mo. Sa gayon, hindi na niya iisiping kaagaw niya sa atensiyon mo ang mga magulang mo.—Simulain sa Bibliya: Efeso 5:33.

Sa halip na sa iyo humingi ng payo, lumalapit ang misis mo sa mga magulang niya.

Subukan ito: Kausapin mo ang iyong asawa, at magtakda kayo ng mga limitasyon. Sikaping maging makatuwiran. Lagi bang mali na ipakipag-usap sa magulang ang isang problema? Kailan ito tamang gawin? Kung magkakasundo kayo sa makatuwirang mga limitasyon, hindi na magiging problema ang isyung iyan.—Simulain sa Bibliya: Filipos 4:5.

^ par. 4 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 9 Mula sa aklat na The Seven Principles for Making Marriage Work.