Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Mga Hayop

Mga Hayop

Sa iba’t ibang paraan, nakaaapekto sa buhay natin ang mga hayop. Mananagot ba tayo sa pagtrato natin sa mga ito?

Paano natin dapat tratuhin ang mga hayop?

ANG SINASABI NG MGA TAO

Para sa ilan, ang mga hayop ay puwedeng gamitin sa anumang paraang gusto ng tao. Sinasabi naman ng iba na ang mga hayop ay dapat tratuhing gaya ng mga tao.

  • Ikinakatuwiran ng isang kilaláng aktibista ng animal rights na ang mga hayop ay may “saligang karapatan na huwag tratuhin bilang ari-arian o paninda lamang.” Sinabi pa niya: “Ihinto na natin ang pagtrato sa mga hayop bilang pag-aari.”

  • Para sa marami, kalabisan naman ang ginawa ng bilyonaryang si Leona Helmsley nang mag-iwan siya ng $12-milyong trust fund para sa kaniyang aso at magbilin sa testamento na ilibing ito sa tabi niya pagkamatay nito.

Pag-isipan: Para sa iyo, paano dapat tratuhin ang mga hayop?

ANG SABI NG BIBLIYA

Ganito ang sinabi ng Diyos na Jehova, ang Maylalang ng buhay, sa mga tao: “Magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Kaya naman makatuwirang isipin na para sa Diyos, ang mga tao ay nakatataas sa mga hayop.

Sinusuportahan iyan ng mahalagang pananalitang mababasa bago ang tekstong nabanggit sa itaas. Sinasabi ng Bibliya na “pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.”—Genesis 1:27.

Dahil ang mga tao ay nilalang “ayon sa larawan ng Diyos,” tayo lang ang nakapagpapakita ng makadiyos na mga katangiang gaya ng karunungan, katarungan, at pag-ibig. Mayroon din tayong likas na kakayahan na magpakita ng kagandahang-asal at espirituwalidad. Walang ganitong mga katangian ang mga hayop dahil hindi naman sila nilalang “ayon sa larawan ng Diyos.” Nakabababa sila at hindi dapat tratuhin na parang tao.

Ibig bang sabihin, puwedeng maltratuhin ng mga tao ang mga hayop? Hindi.

“Anim na araw mong gagawin ang iyong gawain; ngunit sa ikapitong araw ay hihinto ka, upang ang iyong toro at ang iyong asno ay makapagpahinga.”Exodo 23:12.

Mali bang pumatay ng mga hayop?

ANG SINASABI NG MGA TAO

May mga mangangaso at mangingisda na pumapatay ng hayop bilang katuwaan lang. Sang-ayon naman ang iba sa isinulat ng Rusong nobelista na si Leo Tolstoy, na nagsabing ang pagpatay at pagkain ng mga hayop ay “talagang imoral.”

ANG SABI NG BIBLIYA

Pinahihintulutan ng Diyos ang pagpatay sa mga hayop para protektahan ang buhay ng tao o para maglaan ng pananamit. (Exodo 21:28; Marcos 1:6) Sinasabi rin ng Bibliya na puwedeng patayin ang mga hayop para kainin. “Bawat gumagalang hayop na buháy ay magiging pagkain para sa inyo,” ang sabi ng Genesis 9:3. Kahit si Jesus ay tumulong sa kaniyang mga alagad na manghuli ng isdang kinain nila.—Juan 21:4-13.

Pero sinasabi rin ng Bibliya na “ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan” ng Diyos. (Awit 11:5) Makatuwiran kung gayon na ayaw ng Diyos na manakit tayo o pumatay ng mga hayop bilang katuwaan lang.

Ipinakikita ng Bibliya na malaki ang pagpapahalaga ng Diyos sa buhay ng mga hayop.

  • Sinasabi ng Bibliya na noong panahon ng paglalang, “pinasimulang gawin ng Diyos ang mailap na hayop sa lupa ayon sa uri nito at ang maamong hayop ayon sa uri nito at bawat gumagalang hayop sa lupa ayon sa uri nito. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.”Genesis 1:25.

  • Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Sa mga hayop ay nagbibigay siya ng kanilang pagkain.” (Awit 147:9) Lumikha ang Diyos ng isang ekosistema na naglalaan ng sapat na pagkain at tirahan para sa mga hayop.

  • Sa kaniyang panalangin, sinabi ni Haring David ng Israel: “Ang tao at hayop ay inililigtas mo, O Jehova.” (Awit 36:6) Halimbawa, noong panahon ni Noe, iniligtas ni Jehova ang walong tao at lahat ng uri ng hayop nang puksain niya sa Baha ang masasamang tao.—Genesis 6:19.

Maliwanag na mahalaga kay Jehova ang nilalang niyang mga hayop, at inaasahan niya na tatratuhin ng mga tao ang mga ito nang may malasakit.

“Pinangangalagaan ng matuwid ang . . . kaniyang alagang hayop.”Kawikaan 12:10.