MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Honduras
SA Kastila, ang Honduras ay nangangahulugang “Kalaliman,” isang salita na posibleng ginamit ni Christopher Columbus para ilarawan ang katubigan sa Baybaying Atlantiko ng lupaing ito. Sinasabi ng ilan na dito nanggaling ang pangalang Honduras.
Mahalaga sa mga taga-Honduras ang katapatan at pagtutulungan ng magkakapamilya. Halimbawa, ang mabibigat na desisyon—gaya ng mga gastusin sa bahay o edukasyon ng mga anak—ay pinagpapasiyahan ng mag-asawa.
Karamihan sa mga taga-Honduras ay mestiso, na may lahing Europeo at katutubo. May mga katutubo pa rin dito, gaya ng mga Chortí. Iba naman ang pinagmulan ng iba pang katutubong taga-Honduras, gaya ng mga Garifuna.
Ang mga Garifuna ay inapo ng mga Aprikano at mga Carib Indian na tumira sa isla ng St. Vincent. Nakarating
ang mga Garifuna sa Islas de la Bahía (Bay Islands) noong mga taóng 1797. Nang maglaon, nanirahan sila sa Baybayin ng Carribean sa Sentral Amerika. Mula roon, ang mga Garifuna ay nangalat sa iba pang bahagi ng Sentral at Hilagang Amerika.Ang mga Garifuna ay mahilig sumayaw sa tugtog ng mga tambol na kahoy. Bahagi rin ng kultura nila ang makukulay na tradisyonal na kasuutan, pagkukuwento, at mga pagkaing tulad ng ereba (malaki at manipis na kakaning gawa sa kamoteng-kahoy).
May mga 400 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Honduras. Idinaraos ang mga pulong sa wikang Kastila pati na rin sa Garifuna, Honduras Sign Language, Ingles, Mandarin Chinese, at Miskito.