MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Ilaw ng Hawaiian Bobtail Squid
ANG Hawaiian bobtail squid, na aktibo sa gabi, ay lumilikha ng sarili nitong liwanag—hindi para makita, kundi para makapagtago at hindi mahalata sa liwanag ng buwan at mga bituin. Ang sekreto ng pusit na ito ay ang pakikipagtulungan nito sa mga baktiryang naglalabas ng liwanag. Ang pagtutulungang iyan ay maaari rin nating pakinabangan, pero sa kakaibang paraan. Posibleng makatulong ito sa ating kalusugan.
Pag-isipan ito: Ang Hawaiian bobtail squid ay nakatira sa malinaw na baybayin ng Hawaiian Islands. Karaniwan na, maaaninag ng mga kalaban nito ang hugis ng pusit dahil sa liwanag ng buwan at mga bituin. Pero ang pinakailalim ng katawan ng bobtail squid ay naglalabas ng liwanag na katulad ng liwanag ng buwan at mga bituin. Ang resulta? Wala itong anino at hindi maaaninag. Ang “high-tech” na kasangkapan ng pusit ay ang parte nito ng katawan na naglalaman ng mga baktiryang nakapaglalabas ng tamang-tamang dami ng liwanag para maitago ang pusit.
Maaaring tumutulong din ang mga baktirya para makontrol ang siklo ng tulog at gising ng pusit. Interesado rito ang mga mananaliksik dahil posibleng hindi lang sa bobtail squid makikita ang ganitong koneksiyon sa pagitan ng mga baktirya at ng siklo ng tulog at gising. Halimbawa, sa mga mamalya, ang mga baktiryang tumutulong sa panunaw ay posibleng may koneksiyon din sa siklo ng tulog at gising. Kapag nagambala ang siklong ito, maaari itong mauwi sa depresyon, diyabetis, sobrang katabaan, at mga problema sa pagtulog. Kaya naman, ang pag-aaral tungkol sa pagtutulungan ng pusit at ng mga baktirya ay maaaring makatulong para maunawaan ang kalusugan ng tao.
Ano sa palagay mo? Ang ilaw ba ng Hawaiian bobtail squid ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?