ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Karahasan
Punô ng karahasan ang kasaysayan ng tao. Magpapatuloy pa kaya ang masaklap na kalagayang ito?
Ano ang pangmalas ng Diyos sa karahasan?
ANG SINASABI NG MGA TAO
Para sa marami, kasama na ang mga taong relihiyoso, ang karahasan ay makatuwirang tugon kapag ang isa ay ginalit. At para sa milyon-milyon, ang karahasang napapanood sa mga pelikula at programa sa telebisyon ay katanggap-tanggap na uri ng paglilibang.
ANG SABI NG BIBLIYA
Malapit sa lunsod ng Mosul, sa hilagang Iraq, matatagpuan ang mga guho ng isang dakilang lunsod—ang Nineve, kabisera ng sinaunang Imperyo ng Asirya. Noong namamayagpag pa ang lunsod na ito, inihula ng Bibliya na “ang Nineve ay gagawin [ng Diyos na] tiwangwang na kaguhuan.” (Zefanias 2:13) “Gagawin kitang isang panoorin,” ang sabi ng Diyos. Bakit? Ang Nineve noon ay “lunsod ng pagbububo ng dugo.” (Nahum 1:1; 3:1, 6) “Kinasusuklaman ni Jehova” ang mga taong marahas, ayon sa Awit 5:6. Pinatutunayan ng mga guho ng Nineve na tinotoo ng Diyos ang kaniyang mga sinabi.
Ang karahasan ay nagmula sa pangunahing kaaway ng Diyos at ng tao—si Satanas na Diyablo, na tinawag ni Jesu-Kristo na isang “mamamatay-tao.” (Juan 8:44) At dahil “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang mga katangian niya ay masasalamin sa saloobin ng maraming tao tungkol sa karahasan, kasama na rito ang pagkahumaling sa karahasan sa media. (1 Juan 5:19) Para mapalugdan ang Diyos, kailangang kapootan natin ang karahasan at ibigin ang mga bagay na iniibig ng Diyos. * Posible ba iyan?
“Ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan [ni Jehova].”—Awit 11:5.
Posible pa kayang magbago ang mga taong marahas?
ANG SINASABI NG MGA TAO
Ang karahasan ay bahagi na ng karakter ng tao, na hindi na mababago.
ANG SABI NG BIBLIYA
Alisin ang “poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita.” Sinasabi rin nito: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad.” (Colosas 3:8-10) Napakahirap ba ng hinihiling sa atin ng Diyos? Hindi, dahil ang mga tao ay puwedeng magbago. * Paano?
Ang unang hakbang ay ang pagkuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos. (Colosas 3:10) Kapag natutuhan ng isang taong may mabuting puso ang tungkol sa kaakit-akit na katangian at pamantayan ng ating Maylalang, napapalapít siya sa Diyos at nais niyang palugdan Siya.—1 Juan 5:3.
Ang ikalawang hakbang ay may kinalaman sa pagpili natin ng mga kaibigan. “Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit; at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama, upang hindi mo matutuhan ang kaniyang mga landas at magdala nga ng silo sa iyong kaluluwa.”—Kawikaan 22:24, 25.
Ang ikatlong hakbang ay nangangailangan ng unawa. Kailangan nating kilalanin na ang pagkahilig sa karahasan ay isang malubhang kahinaan na nagpapakita ng kawalan ng pagpipigil sa sarili. Sa kabaligtaran, ang mga mapagpayapa ay may tunay na lakas ng loob. “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki,” ang sabi ng Kawikaan 16:32.
“Itaguyod ninyo ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.”—Hebreo 12:14.
Mawawala pa kaya ang karahasan?
ANG SINASABI NG MGA TAO
Bahagi na ng buhay natin ang karahasan at hindi na iyan mawawala.
ANG SABI NG BIBLIYA
“Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11) Oo, para mailigtas ang maaamo at mapagpayapa, gagawin ng Diyos sa mga mahilig sa karahasan ang ginawa niya sa sinaunang Nineve. Pagkatapos, hindi na muling magagambala ang kapayapaan sa lupa!—Awit 72:7.
Kaya naman, panahon na para kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mapayapang saloobin. Sinasabi ng 2 Pedro 3:9: “Si Jehova ay . . . matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”
“Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.”—Isaias 2:4.
^ par. 7 Pinahintulutan ng Diyos ang sinaunang Israel na makipagdigma para ipagtanggol ang teritoryo nito. (2 Cronica 20:15, 17) Pero nagbago ang kalagayan nang wakasan ng Diyos ang kaniyang pakikipagtipan sa Israel at itatag ang kongregasyong Kristiyano, na bukás sa anumang lahi.
^ par. 11 Ang karanasan ng mga taong nagbagong-buhay ay mababasa sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay,” na itinatampok sa Ang Bantayan.