MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Mongolia
SI GENGHIS KHAN, isang matapang na mandirigma noong ika-12 siglo, ang nagtatag ng pundasyon ng dakilang Imperyo ng mga Mongol. Ang bansang Mongolia, na nasa pagitan ngayon ng Russia at China, ay maliit na bahagi na lang ng orihinal na imperyo at isa sa may pinakakaunting populasyon sa buong daigdig.
Ang Mongolia ay may mga ilog, batis, nagtataasang bundok, mabuburol na damuhan, at malalawak na kapatagan. Nasa gawing timog ang Gobi Desert na kilalá dahil sa naingatang mga labí ng mga dinosaur. Ang Mongolia ay may taas na 1,580 metro mula sa kapantayan ng dagat, at tinatawag ng mga tagaroon bilang “Lupain ng Asul na Kalangitan.” Tamang-tama ang pangalang ito dahil sa loob ng mahigit 250 araw bawat taon, maaraw at maaliwalas dito.
Magkaibang-magkaiba ang lagay ng panahon dito. Kapag tag-araw, umaabot nang 40 digri Celsius ang temperatura, pero kapag taglamig, bumababa ito nang hanggang -40 digri Celsius. Halos sangkatlo ng mga
nakatira sa Mongolia ay mga nomad, o nagpapalipat-lipat. Maagang gumigising ang mga tagarito para gatasan ang mga kambing, baka, kamelyo, at kabayo. Ang mga taga-Mongolia ay kadalasang kumakain ng karne at mga produktong mula sa gatas. Paborito nila ang karne ng tupa.Mapagpatuloy ang mga Mongol. Iniiwan nilang bukás ang kanilang bilog na ger, o naililipat-lipat na tirahang tulad-tolda, para ang sinumang nagdaraan ay makapagpahinga at makakain. Ang mga bisita ay kadalasang binibigyan ng mainit-init na tsaang may gatas at kaunting asin.
Karamihan sa mga taga-Mongolia ngayon ay Budista. May ilan ding sumusunod sa shamanismo, Islam, at Kristiyanismo, pero marami ang walang relihiyon. Sa Mongolia, may mahigit 350 Saksi ni Jehova na kasalukuyang nagtuturo ng Bibliya sa mahigit 770 katao.