Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Balanseng Pananaw sa Pera

Balanseng Pananaw sa Pera

MAY mga nagsasabing “Pera ang nagpapaikot sa mundo.” Medyo totoo iyan. Kailangan ng pera para makabili ng pagkain at damit, at makapagbayad ng renta o makabili ng bahay. “Talagang napakahalaga ng papel ng pera sa lipunan,” ang isinulat ng isang editor sa pananalapi. “Kung mawawala ang pera bilang pambayad, magkakaroon ng kaguluhan at giyera sa loob lang ng isang buwan.”

Siyempre pa, may mga limitasyon ang pera. Sinabi ng makatang taga-Norway na si Arne Garborg na kung may pera ka, “makabibili ka ng pagkain, pero hindi ng gana; gamot, pero hindi ng kalusugan; malambot na higaan, pero hindi ng tulog; kaalaman, pero hindi ng karunungan; kaningningan, pero hindi ng kagandahan; kasikatan, pero hindi ng pagmamahal; katuwaan, pero hindi ng kagalakan; kakilala, pero hindi ng kaibigan; lingkod, pero hindi ng katapatan.”

Kapag balanse ang pananaw ng isang tao sa pera—na itinuturing itong kasangkapan lang para maabót ang kaniyang tunguhin—magiging kontento na siya. Nagbababala ang Bibliya na “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay . . . napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”—1 Timoteo 6:10.

Pansinin na ang pag-ibig sa salapi—hindi ang pera mismo—ang mapanganib. Ang sobrang pagpapahalaga sa pera ay makasisira ng ugnayan sa pagitan ng magkakaibigan at magkakapamilya. Tingnan ang ilang halimbawa.

Daniel: * “Akala ko mabait at tapat ang kaibigan kong si Thomas. Hindi ako nagkaproblema sa kaniya hanggang sa bilhin niya ang segunda-mano kong kotse. Sa pagkakaalam ko, wala namang problema ang kotse. Kaya gumawa kami ng kasunduan na bibilhin niya iyon sa gayong kondisyon. Pagkalipas ng tatlong buwan, nasira ang kotse. Nagalit si Thomas dahil pakiramdam niya ay dinaya ko siya, at pinilit niya akong ibalik ang pera niya. Hindi ako makapaniwala! Nang subukan kong magpaliwanag sa kaniya, nagwala siya at inaway ako. Nang maging isyu ang pera, hindi na siya ang mabait na Thomas na nakilala ko.”

Esin: “Nag-iisang kapatid ko si Nesrim. Lagi kaming magkasundo, kaya hindi ko inisip na masisira ang relasyon namin dahil sa pera. Pero iyon nga ang nangyari. Nang mamatay ang mga magulang namin, nag-iwan sila ng maliit na mana at nagbilin na paghatian namin nang patas ang pera. Pero hindi ito sinunod ng kapatid ko at nanghingi siya nang higit sa parte niya. Dahil gusto kong sundin ang bilin ng mga magulang ko, nagalit siya at nagbanta. Hanggang ngayon, galít pa rin siya sa akin.”

PERA AT PAGTATANGI

Ang maling pananaw sa pera ay puwedeng magtulak sa mga tao na maging mapanghusga. Halimbawa, baka isipin ng isang taong mayaman na ang mahihirap ay napakatamad at ayaw magsikap na umasenso. O baka isipin agad ng isang mahirap na ang mayayaman ay materyalistiko o gahaman. Si Leanne, isang kabataang nagmula sa may-kayang pamilya, ay biktima ng gayong uri ng pagtatangi. Ikinuwento niya:

Pagdating sa pera, ang payo ng Bibliya ay praktikal pa rin sa ngayon

“Dati, ang tingin nila sa akin ay anak-mayaman dahil napakalaki raw ng kinikita ng tatay ko. Kaya madalas akong makarinig ng: ‘Kung may gusto ka, hihingi ka lang sa Daddy mo’ o ‘Sayang, hindi lahat tayo ay mayayaman at kayang bumili ng magagarang kotse gaya ng pamilya ninyo.’ Sinabihan ko ang mga kaibigan ko na tigilan na ang pagsasabi ng gayong mga bagay, at na nasasaktan ako sa mga salitang iyon. Gusto kong makilala ako, hindi bilang isang taong may pera, kundi bilang isa na nagpapakita ng kabaitan sa iba.”

ANG SABI NG BIBLIYA

Hindi hinahatulan ng Bibliya ang pera o ang mga mayroon nito—kahit marami pa silang pera. Ang mahalaga ay hindi ang dami ng pera ng isa kundi ang saloobin niya sa mga pag-aari niya o sa mga gusto niyang makamit. Pagdating sa pera, ang payo ng Bibliya ay balanse at praktikal pa rin sa ngayon. Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa.

SABI NG BIBLIYA: “Huwag kang [labis na] magpagal upang magtamo ng kayamanan.”—Kawikaan 23:4.

Ayon sa aklat na The Narcissism Epidemic, ang mga nag-aambisyong yumaman ay “nagkakaproblema . . . sa kalusugan ng isip; sinasabi rin nilang mas madalas silang makaranas ng pananakit ng lalamunan, likod, at ulo at mas malamang na maglasing at gumamit ng bawal na gamot. Dahil sa pagsisikap na yumaman, lumilitaw na nagiging miserable ang mga tao.”

SABI NG BIBLIYA: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.”—Hebreo 13:5.

Kahit ang taong kontento ay daranas pa rin ng pagkabalisa sa pinansiyal; pero alam niya kung ano ang pinakamahalaga sa buhay kaya hindi siya nadaraig ng pagkabalisa. Halimbawa, ang isang taong kontento ay di-masyadong manlulumo sa pagkalugi. Sa halip, sisikapin niyang tularan ang saloobin ni apostol Pablo, na sumulat: “Alam ko nga kung paano magkaroon ng kakaunting paglalaan, alam ko nga kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.”—Filipos 4:12.

SABI NG BIBLIYA: “Ang nagtitiwala sa kaniyang kayamanan . . . ay mabubuwal.”—Kawikaan 11:28.

Ayon sa mga mananaliksik, pera ang isa sa karaniwang dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa na nauuwi sa paghihiwalay. At ang problema sa pera ay isang dahilan ng pagpapakamatay. Para sa ilang tao, mas mahalaga ang pera kaysa sa kanilang pag-aasawa o maging sa buhay nila! Sa kabaligtaran, ang mga taong may balanseng pananaw sa pera ay hindi nagtitiwala rito. Kinikilala nila ang karunungan ng sinabi ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.

ANO ANG PERA PARA SA IYO?

Ang pagsusuri sa sarili ay makatutulong para magkaroon ka ng balanseng pananaw sa pera. Halimbawa, itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod.

  • Natutukso ba ako sa mga alok na biglang-yaman?

  • Maramot ba ako pagdating sa pera?

  • Ang mga kaibigan ko ba ay mga taong bukambibig ang pera at ang mga pag-aari nila?

  • Nagsisinungaling ba ako o nandaraya para magkapera?

  • Pakiramdam ko ba ay importante ako dahil sa pera?

  • Lagi bang pera ang laman ng isip ko?

  • Nakasasamâ ba sa pamilya’t kalusugan ko ang saloobin ko sa pera?

    Maging bukas-palad sa pamamagitan ng pagbibigay sa iba

Kung oo ang sagot mo sa alinman sa mga tanong na iyan, paglabanan mo ang kaisipan at tuksong dala ng materyalismo. Iwasang makipagkaibigan sa mga taong masyadong nagpapahalaga sa pera at mga ari-arian. Sa halip, makisama sa mga taong mas nagpapahalaga sa mga pamantayan ng Bibliya kaysa sa mga pag-aari nila.

Huwag hayaang tumubo sa puso mo ang pag-ibig sa pera. Sa halip, panatilihin ang pera sa tamang lugar—pangalawa sa iyong mga kapamilya at kaibigan, at sa iyong emosyonal at pisikal na kalusugan. Sa paggawa nito, maipakikita mo na mayroon kang balanseng pananaw sa pera.

^ par. 7 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.