MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Kakayahan ng Cuttlefish na Magbago ng Kulay
KAYANG baguhin ng mga cuttlefish ang kulay nila para makapagtago, anupat hindi na sila halos makita. Ayon sa isang ulat, ang mga cuttlefish ay “kilaláng may iba’t ibang pattern sa katawan at may kakayahang pagpalit-palitin ang mga ito nang napakabilis.” Paano kaya nila ito nagagawa?
Pag-isipan ito: Binabago ng cuttlefish ang kulay niya gamit ang chromatophore, isang espesyal na uri ng selula na nasa ilalim ng balat niya. Ang mga chromatophore ay may mga sac na punô ng substansiyang pangkulay at napalilibutan ng maliliit na muscle. Kapag kailangang magtago ng cuttlefish, ang utak niya ay nagpapadala ng signal para umurong ang mga muscle na nakapalibot sa mga sac. Pagkatapos, nababanat ang mga sac at ang laman nitong substansiyang pangkulay, kung kaya ang kulay at pattern ng katawan ng cuttlefish ay mabilis na nagbabago. Hindi lang ginagamit ng cuttlefish ang kakayahang ito para magtago kundi para umakit din ng makakapareha, at marahil para sa komunikasyon.
Ang mga engineer sa University of Bristol, England, ay gumawa ng isang artipisyal na balat ng cuttlefish. Naglagay sila ng mga disk na yari sa gomang itim sa pagitan ng maliliit na device na gumaganang parang muscle ng cuttlefish. Nang paganahin ng mga mananaliksik ang artipisyal na balat, naglapat ang mga device at nabanat ang mga itim na disk, kung kaya tumingkad at nagbago ang kulay ng artipisyal na balat.
Ang pagsasaliksik sa muscle ng cuttlefish—“malalambot na disenyong gawa ng kalikasan,” ayon sa engineer na si Jonathan Rossiter—ay maaaring maging daan sa pagkakaroon ng mga damit na nagbabago ng kulay sa isang iglap. Sinabi ni Rossiter na ang mga damit na ginaya sa cuttlefish ay puwedeng isuot ng mga tao para makapagtago o para lang makiuso.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng cuttlefish na magbago ng kulay ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?