TAMPOK NA PAKSA | IWAS-SAKIT—PAANO?
Protektahan ang Sarili Laban sa Sakit
MARAMING sinaunang lunsod ang napoprotektahan ng matataas na pader. Kapag napasok ng kaaway kahit ang isang maliit na bahagi nito, manganganib ang buong lunsod. Ang katawan mo ay parang isang lunsod na may pader. Nakadepende sa iyong depensa ang malusog na pangangatawan. Tingnan ang limang posibleng sanhi ng sakit at ang puwede mong gawin para mapalakas ang iyong depensa.
1 TUBIG
BANTA: Posibleng makapasok sa katawan mo ang nakapipinsalang mga organismo sa pamamagitan ng kontaminadong tubig.
ANG DEPENSA MO: Ang pinakamagandang depensa ay ingatan ang suplay ng tubig. Kung naghihinala kang kontaminado ang suplay ng tubig ninyo, may magagawa ka para gawin itong ligtas. * Iimbak ang iniinom na tubig sa isang lalagyang may takip at gripo, o kumuha rito gamit ang malinis na panalok. Huwag isawsaw ang mga daliri sa malinis na tubig. Hangga’t posible, tumira sa mga lugar na may tamang sistema ng pagtatapon ng dumi ng tao para hindi makontamina ang suplay ng tubig.
2 PAGKAIN
BANTA: Posibleng may nakapipinsalang mga organismo sa kinakain mo.
ANG DEPENSA MO: Ang kontaminadong pagkain ay maaari pa ring magmukhang sariwa at masustansiya. Kaya ugaliing hugasang mabuti ang lahat ng prutas at gulay. Kapag naghahanda ng pagkain, tiyaking malinis ang kusina, mga kagamitan sa pagluluto, pati na ang mga kamay. May mga pagkain na kailangang lutuin sa tamang temperatura para mamatay ang mikrobyo. Mag-ingat sa mga pagkaing iba na ang kulay, amoy, o lasa—mga senyales na kontaminado na ito. Ilagay agad sa refrigerator ang natirang pagkain. Kung may sakit ka, iwasang maghanda ng pagkain para sa iba. *
3 INSEKTO
BANTA: Ang ilang insekto ay may nakapipinsalang mga organismo na makapagdudulot ng sakit.
ANG DEPENSA MO: Iwasang lumabas ng bahay sa mga panahong aktibo ang mga insektong nagdadala ng sakit. Magsuot ng damit na may mahabang manggas at ng pantalon. Gumamit ng kulambong nilagyan ng insecticide at maglagay ng insect repellent. Tanggalin ang naipong tubig sa mga lalagyan na posibleng pamugaran ng mga lamok.4 HAYOP
BANTA: May mga mikrobyong nasa hayop na puwedeng maging banta sa kalusugan mo. Posible kang magkasakit kapag nakagat ka o nakalmot ng alagang hayop, o kapag nakahawak o nakalalanghap ka ng dumi nito.
ANG DEPENSA MO: May ilan na hindi nagpapapasok ng kanilang alagang hayop sa loob ng bahay. Magsabon at maghugas ng kamay kapag humawak ng alagang hayop, at huwag humawak ng mga ligáw na hayop. Kapag nakagat ka o nakalmot, hugasang mabuti ang sugat at magpatingin sa doktor. *
5 TAO
BANTA: Ang mga mikrobyong sumasama sa hangin kapag umubo o bumahin ang isa ay posibleng makapasok sa loob ng katawan mo. Naipapasa rin ito sa pamamagitan ng pagyakap o pakikipagkamay. Maaari ding makuha ang mga mikroorganismo sa mga bagay na gaya ng mga hawakan, doorknob, telepono, remote control, o computer monitor at keyboard.
ANG DEPENSA MO: Huwag ipagamit ang personal na mga bagay na gaya ng pang-ahit, sipilyo, o tuwalya. Umiwas sa likidong nanggagaling sa hayop o sa ibang tao, kasama na ang dugo at mga produktong may dugo. At napakahalagang laging hugasan nang mabuti ang mga kamay. Ito na marahil ang pinakaepektibong paraan para masugpo ang pagkalat ng sakit.
Hangga’t posible, huwag lumabas ng bahay kapag may sakit. Inirerekomenda ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention na umubo o bumahin sa tisyu o sa manggas ng iyong damit, pero huwag sa kamay.
Sinasabi ng isang kawikaan: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Totoong-totoo ito lalo na sa panahon natin na laganap ang nakamamatay na mga sakit! Kaya kumuha ng impormasyon sa mga serbisyong pangkalusugan sa inyong lugar, at depensahan ang sarili sa pamamagitan ng mabuting kaugalian sa kalinisan. Palakasin ang iyong depensa para maiwasang magkasakit!
^ par. 6 Nagrerekomenda ang World Health Organization ng iba’t ibang paraan para gawing ligtas ang tubig sa bahay, gaya ng paggamit ng chlorine, pagbibilad nito sa araw, pagsasala, at pagpapakulo nito.
^ par. 9 Para sa higit pang impormasyon kung paano magiging ligtas ang pagkain, tingnan ang Gumising!, isyu ng Hunyo 2012, pahina 3-9.
^ par. 12 Para sa mga puwedeng gawin laban sa malarya, tingnan ang Gumising!, isyu ng Hulyo 2015, pahina 14-15.
^ par. 15 Ang mga sugat na dulot ng makamandag na hayop ay kadalasan nang nangangailangan ng agarang lunas.