Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumukaw ng Pagkapoot ang Pangangaral ni Saul

Pumukaw ng Pagkapoot ang Pangangaral ni Saul

Pumukaw ng Pagkapoot ang Pangangaral ni Saul

HINDI maintindihan ng mga Judio sa Damasco kung paano naging apostata ang isang masigasig na tagapagtanggol ng tradisyonal na paniniwala. Heto si Saul, ang lalaking nanligalig sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus sa Jerusalem. Nagpunta siya sa Damasco upang usigin ang mga alagad doon. Ngunit ngayon, ipinangangaral niya mismo na ang itinuturing na hamak na kriminal na ibinayubay dahil sa pamumusong ay ang Mesiyas! Nasiraan na ba ng bait si Saul?​—Gawa 9:1, 2, 20-22.

Marahil ay may paliwanag hinggil dito. Malamang na ikinuwento na ng ibang kasama ni Saul na naglakbay mula sa Jerusalem kung ano ang nangyari habang sila ay naglalakbay. Nang malapit na sila sa Damasco, biglang suminag sa palibot nila ang matinding liwanag, at silang lahat ay nabuwal sa lupa. May narinig ding isang tinig. Si Saul lamang ang nasaktan sa kanila. Nakahandusay siya sa daan. Nang sa wakas ay tumindig siya, kinailangan siyang akayin patungo sa Damasco ng mga kasama niyang naglakbay, sapagkat wala siyang makita.​—Gawa 9:3-8; 26:13, 14.

Ang Kalaban ay Naging Kapanalig at Tagapagtaguyod

Ano ba ang nangyari kay Saul habang patungo siya sa Damasco? Nanghina kaya siya dahil sa mahabang paglalakbay o sa init ng sikat ng araw sa katanghaliang-tapat? Dahil determinadong makahanap ng natural na mga paliwanag, sinasabi ng mga mapag-alinlangan sa panahon natin sa ngayon na baka epekto lamang iyon ng pagdedeliryo, halusinasyon, malubhang karamdaman sa isip dulot ng pagkabalisa ng nababagabag na budhi ni Saul, matinding atake ng nerbiyos, at ng ipinalalagay na tendensiyang magkaroon ng epilepsi.

Ang totoo, nagpakita si Jesu-Kristo kay Saul sa nakasisilaw na liwanag na iyon, anupat nakumbinsi siya na si Jesus nga ang Mesiyas. Ipinakikita ng ilang paglalarawan sa sining na sa pangyayaring ito ay nahulog si Saul mula sa kabayo. Bagaman posible ito, ang Bibliya ay basta nagsasabi lamang na siya ay “nabuwal sa lupa.” (Gawa 22:6-11) Paano man ang pagbagsak ni Saul, wala itong gaanong kabuluhan kung ihahambing sa kaniyang kahiya-hiyang pagbagsak mula sa dati niyang katayuan. Kailangan na niya ngayong tanggapin na totoo ang ipinangangaral ng mga tagasunod ni Jesus. Walang mapagpipilian si Saul kundi ang sumama sa kanila. Mula sa pagiging mapusok na kalaban ng mensahe ni Jesus, si Saul ay naging isa sa pinakadebotong kapanalig at tagapagtaguyod nito. Nang makakita na siyang muli at mabautismuhan, “si Saul ay lalo pang nagtatamo ng lakas at nililito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na ito ang Kristo.”​—Gawa 9:22.

Nabigo ang Pakanang Pagpatay Nang Pataksil

Saan nagtungo si Saul, na tinawag na Pablo nang maglaon, pagkatapos na siya ay makumberte? Nang sumulat siya sa mga taga-Galacia, sinabi niya: “Pumaroon ako sa Arabia, at bumalik akong muli sa Damasco.” (Galacia 1:17) Ang terminong “Arabia” ay maaaring kumapit sa paglalakbay patungo sa alinmang bahagi ng Peninsula ng Arabia. Sinasabi ng ilang iskolar na maaaring nagtungo si Pablo sa Disyerto ng Sirya o sa isang lugar sa kaharian ng Nabataea ni Aretas IV. Malamang, nagtungo si Saul sa isang tahimik na lugar para magbulay-bulay pagkatapos ng kaniyang bautismo, gaya ni Jesus na nagtungo sa ilang pagkatapos mabautismuhan.​—Lucas 4:1.

Nang magbalik sa Damasco si Saul, “ang mga Judio ay nagsanggunian na patayin siya.” (Gawa 9:23) Ang gobernador na naglilingkod bilang kinatawan ni Haring Aretas sa Damasco ay nagbabantay sa lunsod upang madakip si Saul. (2 Corinto 11:32) Ngunit habang gumagawa ng pakana ang mga kaaway upang patayin si Saul, isinasaplano naman ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang pagtakas.

Kabilang sa mga tumulong kay Saul upang makatakas ay si Ananias at ang mga alagad na kaagad nakasama ng apostol matapos siyang makumberte. * (Gawa 9:17-19) Maaaring tumulong din sa kaniya ang ilan na naging mananampalataya dahil sa pangangaral ni Saul sa Damasco, sapagkat sinasabi sa Gawa 9:25: “Kinuha siya ng kaniyang mga alagad at ibinaba siya nang gabi at pinaraan sa isang butas sa pader, na ibinababa siya na nasa isang basket.” Ang pananalitang “kaniyang mga alagad” ay maaaring tumukoy sa mga naturuan ni Saul. Anuman ang ibig sabihin nito, ang tagumpay ng kaniyang ministeryo ay malamang na nagpatindi pa sa pagkapoot sa kaniya.

Ang Mapupulot na Aral

Kapag sinuri natin ang ilang pangyayari noong makumberte at mabautismuhan si Saul, malinaw nating makikita na hindi siya labis na nabahala sa iniisip ng iba sa kaniya; ni sumuko man siya dahil sa matinding pagsalansang. Ang pinakamahalaga kay Saul ay ang tinanggap niyang atas na mangaral.​—Gawa 22:14, 15.

Nakumbinsi ka ba kamakailan sa kahalagahan ng pangangaral ng mabuting balita? Kung gayon, alam mo na dapat maging mángangarál ng Kaharian ang lahat ng tunay na Kristiyano. Hindi ka dapat magtaka kung makapupukaw ng poot kung minsan ang iyong ministeryo. (Mateo 24:9; Lucas 21:12; 1 Pedro 2:20) Isang huwaran ang paraan ng pagtugon ni Saul sa pagsalansang. Ang mga Kristiyanong patuloy na nagbabata sa ilalim ng mga pagsubok ay magtatamasa ng paglingap ng Diyos. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahilan sa aking pangalan.” Gayunman, tiniyak niya sa kanila: “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.”​—Lucas 21:17-19.

[Talababa]

^ par. 10 Malamang na nakarating sa Damasco ang Kristiyanismo pagkatapos ng pangangaral ni Jesus sa Galilea o pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E.​—Mateo 4:24; Gawa 2:5.

[Larawan sa pahina 28]

Si Saul ay “nabuwal sa lupa” nang magpakita sa kaniya si Jesus

[Larawan sa pahina 29]

Natakasan ni Saul ang pakanang patayin siya nang pataksil sa Damasco