Bakit Nagpapatuloy ang Kasamaan?
Bakit Nagpapatuloy ang Kasamaan?
“SI Jehova [ang Diyos] ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan,” ang sabi ng Bibliya. (Awit 145:17; Apocalipsis 15:3) Ganito ang sinabi ni propeta Moises tungkol sa Diyos: “Sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) “Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain,” ang sabi ng Santiago 5:11. Hindi kaya ng Diyos na gumawa ng kasamaan at hindi rin siya ang sanhi nito.
Isinulat ng alagad na si Santiago: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Hindi sinusubok ng Diyos na Jehova ang mga tao sa pamamagitan ng kasamaan ni tinutukso man niya sila na gumawa ng masama. Kung gayon, sino ang dapat sisihin sa laganap na kasamaan at pagdurusa?
Sino ang Dapat Sisihin?
Sinasabi ng manunulat ng Bibliya na si Santiago, na ang kasamaan ay maisisisi rin sa mga tao. Ganito ang sinabi niya: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (Santiago 1:14, 15) Ang mga indibiduwal ay maaaring kumilos ayon sa kanilang mga pagnanasa. Idagdag pa ang minanang kasalanan ng tao. Pinatitindi ng impluwensiya ng kasalanan ang pagnanasa ng isa at nakapipinsala ang mga resulta nito. (Roma 7:21-23) Tunay ngang ‘namamahala bilang hari’ sa sangkatauhan ang minanang kasalanan, anupat inaalipin ang mga tao na gumawa ng kasamaan na siyang nagdudulot ng matinding pagdurusa. (Roma 5:21) Karagdagan pa, maaaring hikayatin ng masasamang tao ang iba na gumawa ng masama.—Kawikaan 1:10-16.
Gayunman, ang pangunahing sanhi ng kasamaan ay si Satanas na Diyablo. Siya ang nagpasimuno ng kasamaan sa daigdig. Tinukoy ni Jesu-Kristo si Satanas bilang ang “isa na balakyot” at “ang tagapamahala ng sanlibutan,” o ng di-matuwid na lipunan ng tao. Sinusunod ng sangkatauhan sa pangkalahatan ang kagustuhan ni Satanas na ipagwalang-bahala ang mabubuting pamantayan ng Diyos na Jehova. (Mateo 6:13; Juan 14:30; ) “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sabi ng 1 Juan 2:15-171 Juan 5:19. Sa katunayan, si Satanas at ang kaniyang mga anghel ang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa,” at sila rin ang nagdudulot ng ‘kaabahan’ dito sa lupa. (Apocalipsis 12:9, 12) Kaya ang kasamaan ay pangunahin nang dapat isisi kay Satanas na Diyablo.
Sinasabi ng Eclesiastes 9:11 ang isa pang dahilan ng kahirapan at pagdurusa: “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat.” Binanggit ni Jesu-Kristo ang isang trahedya na pumatay sa 18 katao nang mabagsakan sila ng isang tore. (Lucas 13:4) Napahamak sila dahil nagkataong naroon sila nang maganap ang masamang pangyayari. Ganiyan din ang nangyayari ngayon. Halimbawa, baka matibag ang isang bahagi ng pader mula sa mataas na palapag ng isang ginagawang gusali at tumama sa isang taong naglalakad. Dapat ba itong isisi sa Diyos? Hindi. Ito ay di-sinasadya at di-inaasahang pangyayari. Ganito rin kapag nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya o kapag biglaang namatay ang isang ulo ng pamilya anupat naulila ang mga anak at ang asawa nito.
Kung gayon, malinaw na hindi dapat isisi sa Diyos ang kasamaan; at hindi rin siya dapat sisihin sa pagdurusa ng tao. Sa kabaligtaran, layunin ni Jehova na wakasan ang kasamaan at ang mga sanhi nito. (Kawikaan 2:22) Ang totoo, higit pa rito ang gagawin niya. Sinasabi ng Kasulatan na layunin ng Diyos, sa pamamagitan ng Kristo, na “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Ang kasalukuyang sistema ng mga bagay—na puno ng kasakiman, poot, at kasamaan—ay mawawala. ‘Papahirin pa nga ng Diyos ang bawat luha sa lahat ng mata,’ sa gayo’y mawawala na ang pagdurusa. (Apocalipsis 21:4) Ngunit baka itanong mo: ‘Bakit hindi pa ito ginagawa ng Diyos? Bakit niya hinahayaang magpatuloy ang kasamaan at pagdurusa hanggang sa ating panahon?’ Ang kasagutan ay matatagpuan sa ulat ng Bibliya tungkol kina Adan at Eva.
Ibinangon ang Isang Napakahalagang Isyu
Ang dahilan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan na magpatuloy hanggang sa ating panahon ay nauugnay sa pangyayaring naganap noong pasimula ng kasaysayan ng tao. Ang pangyayaring iyon ay nagbangon ng isang napakahalagang isyu na nagsasangkot sa Maylalang—isang usapin na hindi kaagad malulutas. Suriin natin kung ano talaga ang nangyari.
Sakdal ang unang lalaki at babae nang lalangin sila ng Diyos na Jehova, at inilagay Niya sila sa Paraiso. Binigyan sila ng isang kaloob na nagpaiba sa kanila sa mga hayop—ang kalayaang magpasiya. (Genesis 1:28; 2:15, 19) Dahil taglay nila ang kalayaang ito, maaaring piliin nina Adan at Eva na ibigin, paglingkuran, at sundin ang kanilang Maylalang. O maaari nilang piliin ang isang landasin na hiwalay sa Diyos at sadyang suwayin siya.
Upang mabigyan sina Adan at Eva ng pagkakataong ipakita ang kanilang pag-ibig sa tunay na Diyos, ipinagbawal Niya ang isang bagay. Iniutos niya kay Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Upang patuloy na sang-ayunan ng Diyos, at para sa kanilang kapakinabangan at ng kanilang magiging pamilya, hindi dapat kumain sina Adan at Eva ng ipinagbabawal na bunga ng punungkahoy na iyon. Susunod kaya sila?
Sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang nangyari. Sa pamamagitan ng isang serpiyente bilang kaniyang tagapagsalita, nilapitan ni Satanas na Diyablo si Eva at sinabi: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Nang banggitin ni Eva ang utos ng Diyos, sinabi sa kaniya ni Satanas: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Dahil dito, naging lubhang kanais-nais para kay Eva ang punungkahoy anupat “siya ay nagsimulang kumuha ng bunga niyaon at kinain iyon.” Nagpapatuloy ang ulat: “Pagkatapos ay binigyan din niya ang kaniyang asawa nang kasama na niya at nagsimula itong kumain niyaon.” (Genesis 3:1-6) Sa gayon, hindi ginamit nina Adan at Eva sa wastong paraan ang kanilang kalayaang magpasiya at nagkasala sila sa pamamagitan ng pagsuway sa Diyos.
Nakikita mo ba kung gaano kaseryoso ito? Sinalansang ng Diyablo ang sinabi ng Diyos kay Adan. Ipinahihiwatig ng mga salita ni Satanas na hindi na kailangan nina Adan at Eva si Jehova upang magpasiya kung ano ang tama at mali para sa kanila. Kaya hinamon ni Satanas ang karapatan at ang pagiging makatarungan ng pamamahala ni Jehova. Kung gayon, ang pinakamahalagang isyu na ibinangon ni Satanas ay kung talaga nga kayang may karapatan si Jehova na mamahala sa sangkatauhan. Paano sinagot ng tunay na Diyos ang hamong ito?
Kailangan ng Sapat na Panahon
May kapangyarihan si Jehova na puksain ang tatlong rebelde—sina Satanas, Adan, at Eva. Walang alinlangan na mas malakas sa kanila ang Diyos. Pero hindi ang kapangyarihan ng Diyos ang kinuwestiyon ni Satanas. Sa halip, hinamon niya ang karapatan ni Jehova na mamahala. Kasangkot sa isyung ito ang lahat ng nilalang na may kalayaang magpasiya. Kailangan nilang maunawaan na ang kalayaang magpasiya ay dapat gamitin sa wastong paraan—na hindi lumalabag sa mga tuntunin ng Diyos tungkol sa pisikal, moral, at espirituwal. Kung hindi, kapaha-pahamak ang magiging resulta, kung paanong tiyak na mapapahamak ang isang taong tatalon mula sa bubong ng isang mataas na gusali nang hindi iniisip ang batas ng grabidad. (Galacia 6:7, 8) Maaaring matuto ang lahat ng matatalinong nilalang habang nakikita nila ang masasamang bunga ng pagpili sa landasing hiwalay sa Diyos. Ngunit kailangang palipasin ang panahon upang maunawaan nila ito.
Maaari itong ilarawan sa ganitong paraan: Sabihin nating hinamon ng ama ng isang pamilya ang ama ng isa pang pamilya sa paligsahan na magpapatunay kung sino ang mas malakas sa kanila. Madali namang lutasin ang isyung iyan. Maaaring sukatin ang kanilang lakas sa pamamagitan ng pagbuhat ng malalaking bato. Kung sino ang makabubuhat ng pinakamabigat na bato, siya ang mas malakas. Ngunit ipagpalagay na ang hamon ay kung sinong ama ang higit na nagmamahal sa kaniyang mga anak at kung talaga nga bang mahal nila siya. Paano kung ang usapin ay kung sinong ama ang mas mahusay mangalaga at mangasiwa sa kaniyang sambahayan? Hindi sapat ang lakas at mga salita upang lutasin ito. Kailangang palipasin ang sapat na panahon, nang sa gayo’y makita ng mga tao ang pagkakaiba ng dalawang ama at malaman nila kung sino talaga ang mas mahusay na ama.
Kung Ano ang Napatunayan sa Paglipas ng Panahon
Mga 6,000 taon na ngayon ang nakalilipas mula nang hamunin ni Satanas ang karapatan ng Diyos na mamahala. Ano ba ang ipinakikita ng kasaysayan? Isaalang-alang ang dalawang aspekto ng pagbatikos ni Satanas sa Diyos. May-kapangahasang sinabi ni Satanas kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” (Genesis 3:4) Sa pagsasabing hindi mamamatay sina Adan at Eva kung kakainin nila ang ipinagbabawal na bunga, ipinahihiwatig ni Satanas na sinungaling si Jehova. Isa ngang napakabigat na paratang! Kung hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos sa bagay na ito, paano pa siya mapagkakatiwalaan sa ibang bagay? Gayunman, ano ba ang napatunayan sa paglipas ng panahon?
Dumanas sina Adan at Eva ng sakit, kirot, pagtanda at, sa wakas, kamatayan. “Ang lahat ng mga araw ni Adan na kaniyang ikinabuhay ay umabot ng siyam na raan at tatlumpung taon at siya ay namatay,” ang sabi ng Bibliya. (Genesis 3:19; 5:5) At ang masaklap dito, ipinamana ito ni Adan sa buong sangkatauhan. (Roma 5:12) Napatunayan sa paglipas ng panahon na si Satanas ay “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan” at na si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.”—Juan 8:44; Awit 31:5.
Sinabi rin ni Satanas kay Eva: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula [sa ipinagbabawal na puno] ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga [sina Adan at Eva] ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:5) Sa pamamagitan ng mga tusong pananalitang ito, nilinlang sila ni Satanas na kaya nilang pamahalaan ang kanilang sarili. Ipinahiwatig ni Satanas na mas mapapabuti ang tao kung mamumuhay sila na hiwalay sa Diyos. Napatunayan ba na kaya ng tao na mamuhay nang hiwalay sa Diyos?
Sa buong kasaysayan, bumangon at bumagsak ang mga imperyo. Nasubukan na ng tao ang lahat ng maiisip na paraan ng pamamahala. Gayunman, Eclesiastes 8:9) “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang,” ang isinulat ni propeta Jeremias. (Jeremias 10:23) Sa paglipas ng panahon, napatunayang totoo ang mga salitang ito kahit pa sumusulong ang siyensiya at teknolohiya.
paulit-ulit na sumasapit ang kalunus-lunos na mga bagay sa sangkatauhan. Tama ang naging konklusyon ng isang manunulat ng Bibliya mga 3,000 taon na ang nakararaan: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Ano ang Gagawin Mo?
Dahil sa panahong ipinahintulot ng Diyos, napatunayang mali si Satanas hinggil sa usapin ng karapatan ng pagkasoberano o pamamahala ni Jehova. Ang Diyos na Jehova ang nag-iisang Soberano ng sansinukob. Siya ang may karapatang mamahala sa kaniyang mga nilalang, at ang paraan ng kaniyang pamamahala ang pinakamahusay. Bilang pagkilala sa katotohanang ito, ganito ang inihayag ng mga anghel na matagal nang nagpapasakop sa pamamahala ng Diyos: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”—Apocalipsis 4:11.
Saan ka nakapanig sa usapin ng pamamahala ng Diyos? Sang-ayon ka ba na ang Diyos ang maging tagapamahala mo? Kung oo, kailangan mong kilalanin ang pagkasoberano ni Jehova. Magagawa mo ito kung ikakapit mo sa bawat aspekto ng iyong buhay ang kamangha-manghang mga katotohanan at payo na matatagpuan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. “Ang Diyos ay pag-ibig,” at ang kaniyang mga utos ay salig sa kaniyang pag-ibig para sa kaniyang mga nilalang. (1 Juan 4:8) Hindi tayo pinagkakaitan ni Jehova ng anumang bagay na kapaki-pakinabang. Kaya maaari mong isapuso ang payo ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
[Larawan sa pahina 7]
Maaari mong piliin ang pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit sa iyong buhay ng sinasabi nito
[Picture Credit Line sa pahina 4]
© Jeroen Oerlemans/Panos Pictures