‘Umuunlad sa Panahon ng Pagiging May-uban’
‘Umuunlad sa Panahon ng Pagiging May-uban’
MARAMING taga-Mediteraneo ang nagtatanim ng mga palmang datiles sa kanilang bakuran. Kilala ang mga punong ito dahil sa kagandahan at masarap na bunga nito. Bukod diyan, patuloy na namumunga ang mga ito sa loob ng mahigit na sandaang taon.
Patulang inihalintulad ng sinaunang hari ng Israel na si Solomon ang kagandahan ng babaing Shulamita sa puno ng palma. (Awit ni Solomon 7:7) Ganito ang sinasabi ng aklat na Plants of the Bible: “Ang salitang Hebreo para sa palmang datiles ay ‘tàmâr.’ . . . Para sa mga Judio, naging sagisag ito ng kagandahan at karingalan at madalas na ipinapangalan ito sa mga babae.” Halimbawa, ang magandang kapatid sa ama ni Solomon ay pinanganlang Tamar. (2 Samuel 13:1) Hanggang ngayon, ipinapangalan pa rin ito ng ilang magulang sa kanilang mga anak na babae.
Hindi lamang magagandang babae ang inihahalintulad sa puno ng palma. Umawit ang salmista: “Ang matuwid ay mamumukadkad na gaya ng puno ng palma; gaya ng sedro sa Lebanon, siya ay lálakí. Yaong mga nakatanim sa bahay ni Jehova, sa mga looban ng aming Diyos, sila ay mamumukadkad. Uunlad pa rin sila sa panahon ng kanilang pagiging may-uban, mananatili silang mataba at sariwa.”—Awit 92:12-14.
Ang mga tapat na naglilingkod sa Diyos sa kabila ng kanilang pagtanda ay nakakatulad ng magandang puno ng palma sa maraming paraan. “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 16:31) Bagaman humihina ang kanilang pangangatawan dahil sa pagtanda, mapananatili ng mga may-edad na ang kanilang espirituwal na lakas sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Awit 1:1-3; Jeremias 17:7, 8) Dahil sa kanilang kalugud-lugod na mga salita at magagandang halimbawa, ang tapat na mga may-edad na ay malaking pampatibay-loob sa iba at patuloy na umuunlad o namumunga ng mabubuting gawa taun-taon, gaya ng palmang datiles.—Tito 2:2-5; Hebreo 13:15, 16.