Ikaw ba ay ‘Nakaugat at Nakatayo sa Pundasyon’?
Ikaw ba ay ‘Nakaugat at Nakatayo sa Pundasyon’?
NAKAKITA ka na ba ng isang malaking punò na hinahagupit ng napakalakas na hangin? Bugbog na bugbog sa hangin ang punò pero matatag pa rin ito. Bakit? Dahil napakalalim ng pagkakaugat nito. Puwede rin tayong maging tulad ng punong iyon. Kapag hinahampas tayo ng tulad-bagyong mga problema, makapananatili tayong matatag kung ‘nakaugat tayo at nakatayo sa pundasyon.’ (Efe. 3:14-17) Ano ba ang pundasyong iyon?
Sinasabi ng Salita ng Diyos na “si Kristo Jesus mismo ang pundasyong batong-panulok” ng kongregasyong Kristiyano. (Efe. 2:20; 1 Cor. 3:11) Tayong mga Kristiyano ay pinasisiglang “patuloy na lumakad na kaisa niya, na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya.” Sa paggawa nito, matatagalan natin ang lahat ng pagsalakay sa ating pananampalataya—pati na ang “mapanghikayat na mga argumento” batay sa “walang-katuturang panlilinlang” ng mga tao.—Col. 2:4-8.
“Ang Lapad at Haba at Taas at Lalim”
Paano tayo magiging “nakaugat” at ‘matatag sa pananampalataya’? Ang isang mahalagang paraan ay ang masikap na pag-aaral ng kinasihang Salita ng Diyos. Gusto ni Jehova na “maintindihan [natin] kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan. (Efe. 3:18) Kaya ang lahat ng Kristiyano ay hindi dapat makontento sa mababaw na kaunawaan, anupat nasisiyahan na lang sa “mga panimulang bagay” na nasa Salita ng Diyos. (Heb. 5:12; 6:1) Sa halip, dapat na manabik tayong palalimin ang ating kaunawaan sa mga katotohanan sa Bibliya.—Kaw. 2:1-5.
Hindi naman ibig sabihin nito na kapag marami na tayong alam ay ‘nakaugat na tayo at nakatayo’ sa katotohanan. Sa katunayan nga, kahit si Satanas, alam na alam ang laman ng Bibliya. Kaya higit pa ang kailangan. Dapat nating “makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.” (Efe. 3:19) Magkagayunman, kung nag-aaral tayo udyok ng pag-ibig kay Jehova at sa katotohanan, ang paglago ng ating tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos ay magpapatibay sa ating pananampalataya.—Col. 2:2.
Tingnan Kung Mauunawaan Mo
Bakit hindi mo tingnan ngayon kung mauunawaan mo ang ilan sa mahahalagang katotohanan sa Bibliya? Mapapasigla ka nito na lalong maging masikap sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Halimbawa, basahin ang unang mga talata ng liham ni apostol Pablo sa mga taga-Efeso. (Tingnan ang kahong “Sa mga Taga-Efeso.”) Pagkabasa nito, tanungin ang sarili, ‘Nauunawaan ko ba ang ibig sabihin ng nakaitalikong mga salita?’ Isa-isahin natin ang mga ito.
Patiunang Itinalaga “Bago Pa ang Pagkakatatag ng Sanlibutan”
Sumulat si Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya: ‘Patiuna tayong itinalaga ng Diyos sa pag-aampon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo bilang mga anak sa ganang kaniya.’ Oo, nilayon ni Jehova na mag-ampon ng ilang tao na magiging bahagi ng kaniyang sakdal na pamilya sa langit. Ang mga ito ay makakasama ni Kristo sa pamamahala bilang mga hari at saserdote. (Roma 8:19-23; Apoc. 5:9, 10) Nang kuwestiyunin ni Satanas ang soberanya ni Jehova, para na rin niyang sinabi na depektibo ang taong nilalang ng Diyos. Kaya angkop lang na bigyan ni Jehova ng papel ang ilang tao sa pag-aalis sa dakong huli ng lahat ng kasamaan sa uniberso, kasama na ang promotor nito, si Satanas na Diyablo! Pero hindi patiunang itinalaga ni Jehova kung sinu-sino ang aampunin niya bilang mga anak. Sa halip, nilayon ng Diyos na magkaroon ng isang grupo ng mga tao na mamamahalang kasama ni Kristo sa langit.—Apoc. 14:3, 4.
Anong “sanlibutan” ang tinutukoy ni Pablo nang isulat niya sa kaniyang mga kapuwa
Kristiyano na sila, bilang isang grupo, ay pinili “bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan”? Hindi niya tinutukoy ang panahon bago lalangin ng Diyos ang lupa o ang sangkatauhan. Hindi ito magiging makatarungan. Kung patiuna nang itinalaga ng Diyos na magkakasala sina Adan at Eva bago pa man sila lalangin, bakit sila mananagot? Kung gayon, kailan bumuo ng solusyon si Jehova sa problemang idinulot ng pagpanig nina Adan at Eva kay Satanas nang magrebelde ito sa soberanya ng Diyos? Ginawa lamang ito ni Jehova matapos magrebelde ang ating unang mga magulang, ngunit ito’y bago umiral ang isang di-sakdal pero matutubos pang sangkatauhan.“Ayon sa Kayamanan ng Kaniyang Di-sana-nararapat na Kabaitan”
Bakit sinabi ni Pablo na ang kaayusang binanggit sa unang mga talata ng Efeso ay ‘ayon sa kayamanan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos’? Sinabi niya iyon para idiin na hindi obligado si Jehova na tubusin ang nagkasalang sangkatauhan.
Bilang mga taong makasalanan, wala tayong karapatang umasa na tutubusin tayo ng Diyos. Pero dahil sa masidhing pag-ibig niya sa sangkatauhan, gumawa si Jehova ng pantanging kaayusan para iligtas tayo. Yamang tayo’y makasalanan at di-sakdal, tama si Pablo sa pagsasabing natubos tayo dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.
Ang Sagradong Lihim ng Layunin ng Diyos
Hindi agad isiniwalat ng Diyos kung paano niya lulunasan ang pinsalang ginawa ni Satanas. Isa itong “sagradong lihim” noon. (Efe. 3:4, 5) Nang maglaon, matapos itatag ang kongregasyong Kristiyano, detalyadong isiniwalat ni Jehova kung paano niya tutuparin ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan at sa lupa. “Sa hustong hangganan ng mga takdang panahon,” ang paliwanag ni Pablo, pinasimulan ng Diyos ang “isang pangangasiwa” na magdudulot ng pagkakaisa ng lahat ng kaniyang matatalinong nilalang.
Ang unang yugto ng pagkakaisang iyon ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E. nang pasimulang tipunin ni Jehova ang mga mamamahala sa langit kasama ni Kristo. (Gawa 1:13-15; 2:1-4) Ang ikalawang yugto ay ang pagtitipon sa mga taong mabubuhay sa paraisong lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ni Kristo. (Apoc. 7:14-17; 21:1-5) Ang salitang “pangangasiwa” ay hindi tumutukoy sa Mesiyanikong Kaharian, yamang noong 1914 lamang naitatag ang Kahariang iyon. Sa halip, tumutukoy ito sa pangangasiwa ng Diyos sa mga bagay-bagay para matupad ang layunin niyang muling magkaisa ang buong uniberso.
Maging “Hustong-Gulang sa mga Kakayahan ng Pang-unawa”
Ang magandang kaugalian sa personal na pag-aaral ay tiyak na tutulong sa iyo na maunawaan nang husto “ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan. Pero dahil masyadong abala ang mga tao sa araw-araw, madali para kay Satanas na sirain ang gayong kaugalian. Huwag kang papayag. Gamitin ang “talino” na ibinigay sa iyo ng Diyos para maging “hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.” (1 Juan 5:20; 1 Cor. 14:20) Tiyaking nauunawaan mo kung bakit ka naniniwala sa iyong mga pinaniniwalaan at na lagi kang makapagbibigay ng “katuwiran para sa pag-asa na nasa [iyo].”—1 Ped. 3:15.
Ipagpalagay nang nasa Efeso ka noong unang basahin ang liham ni Pablo. Mauudyukan ka kayang hangarin na lumago “sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos”? (Efe. 4:13, 14) Tiyak iyon! Kaya gayon din sana ang maging epekto sa iyo ngayon ng kinasihang liham ni Pablo. Kung mayroon kang masidhing pag-ibig kay Jehova at tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita, mananatili kang matatag na ‘nakaugat at nakatayo sa pundasyon’ ni Kristo. Sa gayon, makakayanan mo ang anumang tulad-bagyong pagsubok na maaaring gamitin ni Satanas laban sa iyo bago lubusang magwakas ang napakasamang sanlibutang ito.—Awit 1:1-3; Jer. 17:7, 8.
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
“Sa mga Taga-Efeso”
“Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat pinagpala niya tayo ng bawat espirituwal na pagpapala sa makalangit na mga dako kaisa ni Kristo, kung paanong pinili niya tayo na kaisa niya bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan, upang tayo ay maging banal at walang dungis sa harap niya sa pag-ibig. Sapagkat patiuna niya tayong itinalaga sa pag-aampon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo bilang mga anak sa ganang kaniya, ayon sa ikinalulugod ng kaniyang kalooban, bilang papuri sa kaniyang maluwalhating di-sana-nararapat na kabaitan na may-kabaitan niyang iginawad sa atin sa pamamagitan ng isa na kaniyang iniibig. Sa pamamagitan niya ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. Ito ay pinanagana niya sa atin sa buong karunungan at katinuan, anupat ipinaalam niya sa atin ang sagradong lihim ng kaniyang kalooban. Ito ay ayon sa kaniyang ikinalulugod na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.”—Efe. 1:3-10.